Trolling Taxi's
Bukod sa mga umaarteng pulitiko at mga artistang biglang nagpupulitiko, isa pa sa mga kinaiinisan ko e yung mga taxi driver na sobrang lakas mag-troll. Yung mga tipong paparahan mo tapos kapag nalaman kung saan ang destinasyon mo ay bigla nalang magdadahilan. Marami na kong experience sa mga ganitong klaseng taxi. Lalo na yung mga tambay sa likod ng Megamall at harap ng St. Francis, na gumagawa ng sariling ruta, take note! Aalukin ka nila ng byahe at kung hindi pa-norte ang way mo, asahan mong marami silang dahilan, anak ng puta! Nagtanong pa?!
Sample? Sample!
Pauwi na raw sya at mapapalayo ang byahe. Kuya naman, kung gusto mo nang magpahinga, aba'y syempre kami rin! Kung gustong umuwi bakit 'di nalang gawin? Sayang kita? Magbabayad naman yung pasahero, kikita pa rin. Buset! Dapat na tanong mo sa driver ay mga ganitong tipo.. "Kuya pauwi ka na? Sabay nalang ako.."
Trapik. Ipatatanggal ko yung isang testicle ko kapag nawalan ng trapik sa Pinas. Promise! Kuya kahit saan parte ng Metro Manila hindi nawawalan ng trapik. Sana eroplano nalang minaneho mo.
Delikado yung lugar. Ito medyo reasonable sya. Alam naman nating maraming loko, gago, at siraulo na pakalat-kalat. Hindi rin sapat ang ibabayad ng pasahero kung sakaling madisgrasya yung driver, pero naman kuya, kahit hanggang kanto lang basta masilayan ko lang yung malapit-lapit na daan pauwi at ako nang bahala sa mga holdaper makipag-tawaran. Ang tanong? Sa driver ba mismo safe ka? Aminin!
Hindi kabisado yung daan. Medyo madalang yung ganito, pero sigurado makakadali ka rin ng ganitong driver. May tatlong dahilan akong nakikita kapag napakamot na ng ulo si manong. Una, ayaw nya at isa sa mga tatlong dahilan sa taas ang posibleng dahilan. Pangalawa, maaaring totoo. Tanggapin nalang na may mga bagitong driver rin. Pwede mo syang alukin ng ituturo mo nalang ang daan at kung tumanggi pa rin sabihin mo nalang na "God Bless Kuya!", at ang pangatlo, malamang hindi ka mukhang katiwa-tiwalang gagawa ng mabuti sa kapwa.
No reasons. Sobrang classic 'to! Dito ako madalas mainis. Yung mga driver na bigla nalang tatanggi ng walang dahilan. Pipihit nalang ng kaliwa't kanan yung ulo. Worst? Dededmahin ka. Anak ng.. Kapag ganito nakakasagupa ko, madalas kong gawin ay iiwan kong nakabukas ang pinto ng taxi na pagkalaki-laki (tipong 'di nya maaabot) at hinahayaan ko syang mangawit yung braso nya kakapilit maisara yung pinto. Ending? Bubusina yung na'sa likod na auto.
Iilan lang siguro yan sa mga experience ko sa pagsakay ng taxi. So far, 'di pa naman ako nabiktima ng mga delikadong modus, except dun sa biglang tataas yung metro. Byaheng Quezon City papunta sa bahay ni lola. 100 lang binayad ko, malayo sa metro nyang pumatak ng kulang-kulang 400 mula circle hanggang Sandigang Bayan.
Hindi lahat ng driver ng taxi ay ganito ang diskarte. May mga iilan ring patas. Alam naman nating mahirap kumita, at mahirap ang buhay ng taxi driver, pero hindi sapat na dahilan pa rin para pumili ng isasakay, kumontrata, at dayain ang metro. Doon sa mga may mabubuting kalooban o sa mga hindi pa tinutubuan ng sungay. One word. SALUDO!
Mga litrato ng taxi na naka-tambay sa likod ng Megamall. Sabay-sabay nating silang ipanalangin tungo sa pagbabago.. sana.
..at syempre meron ring taxi na mabait at nagpasakay sa akin. SALUDO kay kuya! Isang ehemplo at masasabing IDOL!
Naitanong ko rin sa kanya kung bakit may mga ganoong klase ng taxi driver.. simple lang naging sagot nya at talagang hands down ako. "Ewan ko sa kanila! Basta ako kumita.."
Yun nga lang, plus 50 si kuya..












