BUTTMAN
Nung bata pa ako tinuruan ako ng Lolo ng Tango.. Eh? Ano ba yung nasulat ko? Haha. Serious. Nung bata pa ako gusto kong maging SUPERHERO. Si Superman ang idol ko dati saka si Spiderman.. Pwede din si Batman. Pero syempre isang walang katotohanang ambisyon yun kaya nung nag-Grade 5 na ko, nung simula na kong magkaron ng makatotohanang ambisyon.. isinulat ko sa formal theme namin na kulay blue with matching “Ang Aking Gustong Maging..” title, ay isang TEACHER! Tama, isang teacher! Kasi idol ko noon si Maam. Diba ang daming alam ng teacher? Tapos sinusunod ka ng lahat ng mga estudyante. Kaya gustong-gusto ko talaga dati. Ang cool lang nung pinakikinggan ka ng lahat habang nagkekwento ka Nung Grade 6 (Taon-taon ang formal theme) “Nurse” na ang gusto ko sabi kasi nila madami daw pera sa pagiging Nurse mo. Hehe. Kaya ayun isinulat ko nurse.. “to help those who are sick.” Nung highschool medyo hindi ko naiisip ang mga pangarap na yan. Saka wala nung formal theme! Alam mo na ‘pag highschool diba? Puro crush at first love ang inaatupag. Nun ako natuto magpolbo at maglagay ng kolorete sa mukha. Haha. Basta lang akong isang mangmang na nag-aaral sa highschool para makapasa na walang kaalam-alam sa industriya ng bansa. So ayun, hindi ko masyado pinagisipan kung anong gusto kong maging.. Kaya nung sinabi ni Papa na mag-engineer daw ako katulad ng ninang ko, sumang-ayon naman ako. Laki daw sweldo eh! Hehe! Magiging kagaya daw ako ni ninang na malaki na ang kinikitang pera sa trabaho. Nag-enroll ako ng engineering na mangmang dahil hindi ko alam na puro Math pala 'tong field na 'to. Shit! Bulok ako sa Math! Highschool pa lang ako hindi ako maging honor-honor dahil sabi sakin ng adviser namin, “Second honor ka sana kaya lang ang grade mo sa Math below 85.. Kaya alam mo na? Outstanding ka lang!” Lagot! Hehe. (Sinadya ko talagang banggitin yun outstanding para kunwari matalino pa din ako sa mga readers) Taas pa naman ng expectations sakin ni Papa eh bulok nga ako sa Math! Haha. Kaya gorabels nalang kahit mahirap kinaya ko na kasi sabi naman nila once naging engineer ka magiging mayaman ka na! Oh diba? Motivation ko kasi ang pera.. este.. yung dream ko palang maging engineer! (Secret lang na mukha akong pera kahit halatang-halata naman. Chos!) Pati yung mga kapitbahay namin puro positive ang sinasabi.. “Naku! Ang swerte naman ng nanay ni Mi-chan at may graduating ng ENGINEER!” Tapos ang dami kong naging inaanak. Ewan ko kung dahil sa pag-eengineer ko yn. Basta dumami yung inaanak ko! Lagpas twenty! Then the big BOARD EXAM came. Todo aral syempre lisensya na ng pagiging engineer ang pinaguusapan. Dito pa naman sa Pilipinas mahalaga o advantage na may lisensya kaya nagsunog ako ng kilay, hinarap at tinalo an board exam. Yun na nga.. nakapasa ako. Sobrang saya. Di maipaliwanag na saya ang naramdaman ko. Para akong nasa Cloud 9. Isipin niyo sino bang hindi magtatatalon sa harap ng laptop kung makita mo ang pangalan mo sa (topnotcher.. Ops! Please disregard the topnotcher dahil isa yung malaking malaking ilusyon! Haha. In my dreams!) list ng nakapasa! Heaven! Para akong nagka-wings tapos lumutang ako habang kumakanta ng “FIGAROOO!” Hehehe. Andaming congrats galing sa madaming tao. Pinag-blow out pa ako ng mga magulang ko kasi they’re so proud of what I have achieved. Thank you! Thank you fans! *wave *wave Pero lahat ng kwento hindi mawawalan ng sad part *insert “awwww” here* Namatay ang kuko ko kasabay ng katotohanang hindi agad ako makahanap ng trabaho. Ang galing no, nag-aral ako ng 5 years, nag-review ako ng todo for the board exams pero I don’t have a job na maipagmamalaki. I don’t have a job ng pang-mayamaning engineer. Loko yata si Papa sabi mayaman na daw pag-engineer, asan yung yaman ko? Nung nag-apply na ko saka ko nalaman na ang hirap pala humanap ng trabaho.. lalo na yung trabahong pasok sa standards mo. Merong mahirap, andami mong gagawin, may wala kang gagawin at higit sa lahat, merong hindi related sa tinapos mo. Hindi pala porket engineer kana eh may instant engineer job ka na. Hindi din porket engineer ka na eh tatanggapin ka agad. Maraming kompanya ang may gusto ng experience kesa sa lisensya. Syempre bakit mo nga naman pagtitiwalaan ang baguhan kesa sa eksperto? Kahit ba de lisensya ka mas daig ka pa magmaneho ng 5 taon na nagmamaneho kahit wala pa syang lisensya. Hindi lahat feeling mo kaya mong gawin. Hindi lahat ng trabaho kaya mong kunin. Mapapatanong kanalang sa sarili mo kung bakit ganun? Kaya ka nga walang experience kasi wala ka pang trabaho pero kailangan naman para magkatrabaho ka meron kang experience. Bat ganun? Pero wala eh.. Ganun talaga. Hindi porket may nakuha ka eh kaya mo nang kunin lahat. Dahil lahat ng bagay pinaghihirapan. Hindi mo naman maiisip yun nung nag-aaral ka pa lang. Lahat ng trabaho pala mahirap. Akala madali lang nung nag-aaral ka palang mag-teacher, nursing at engineering. Yung mga teacher napapaos at pagod sa pagtuturo pero delayed at kulang lagi ang sweldo . Yung mga nurse minimum lang pala ang sweldo yung iba pa walang bayad para lang magka-experience. Napakahirap pala. Hindi porket nakapasa ka sa entrance exam eh gagraduate ka na. Dahil marami ka pang bigas na kakaninin at pagsubok na lalagpasan. Kailangang maghirap dahil isa pa, marami kang kalaban. Maraming katulad mo din na nangangarap. Naalala ko tuloy yung sinabi ng teacher ko nung nakapasa ko. Siguro sinumpa ako nun? Haha. Hindi daw kasi madali maghanap ng trabaho kahit pasado ka na sa board exam.. Dahil yung feeling mo nung nakapasa ka, ikaw si Batman? Kapag naghahanap ka na ng trabaho at sasabak ka na sa totoong buhay, feeling mo ikaw na si Buttman..





