Ang Demokrata
Naalala ko nang unang araw kitang makita at suot mo yung brown mong jacket. Sa seminar yun. Papalapit ka sa mikropono upang sagutin yung tanong ng emcee. Pero may nauna sayo at napaatras ka na lamang ng isang hakbang sabay ngiti ng isang alanganing ngiti—na sana ay di ko na lamang nakita kasi sa ngiti mo kita unang napansin.
Laking tuwa ko nang sa ikalawang araw ay kasabay kitang kumain ng agahan. Sa wari ko’y hindi naman pala masamang mahuling gumising kung minsan. Suot mo pa rin yung jacket mo. Nakakakaba yung oras na yun kasi kaharap kita sa mesa. Natuwa din ako sa I.D. na suot ko kasi nalaman mo muna ang pangalan ko bago ko malaman ang iyo. Pero… iba talaga ang ngiti mo.
Nakakalungkot ang ikatlong-araw ng seminar. Ibig sabihin kasi noon ay huling araw na kitang pwedeng makita. Suot mo pa rin yung jacket mo. Ewan ko nga kung bakit. Paborito mo siguro? Ako naman, ngiti mo ang paborito ko. Alam ko malabong makita pa kitang muli, pero sana… sana… kahit di ko man makita… isuot mo lang lagi ang ngiti mo. Kahit yun lang, mapapangiti na rin ako.








