Bilang isang makabayan, dapat ay naiintindihan mo ang pagsestrengthen ng hanay. Kung mayroon kang ipinaglalaban, dapat handa ka makisama sa iba pang may parehong pakana sa iyo. Sa pagpili mo na hindi sumali sa isang kilos protesta, nababawasan ng isa ang hanay ng mga katauhang pareho ang paninidigan sa yo. Maraming nasasaktan sa mga kilos protesta na pwedeng iwasan kung lang mas marami ang sumasama sa mobilisasyon.
Ito na naman tayo eh. Para kasing laging dinadaan lang natin sa dahas at pagsigaw ang paraan ng pagbabago. Ito yung dahilan na ayaw na ayaw ko sa mga aktibistang mapagmataas at hindi marunong umintindi.
Naiintindihan ko ang sinasabi mo. Hindi porket wala ako sa hanay na ibinibilang mo ay wala akong ipinaglalaban. Hawak ng bawat isa sa atin ang pagbabago, pero nasa tao ito kung paano niya kakamtin iyon. Para kasing sa pagsabi mo na, “Sa pagpili mo na hindi sumali sa isang kilos protesta, nababawasan ng isa ang hanay ng mga katauhang pareho ang paninidigan sa ‘yo” ay sinabi mo na ring “wala kang pakialam, wala kang pinaglalaban, at hindi ka makabayan.” Sa tingin mo ba, si Rizal hindi makabayan? Si M. H. del Pilar, si Juan Luna, si Apolinario Mabini? Eh wala naman sila sa hanay ah. Hindi naman sila humawak ng baril at espada para baguhin ang bansa. (Kailangan kong i-specify yun, dahil nag-eeskrima sila dati, at pinatay ni Luna ang asawa niya gamit ang baril.)
Mas ilolocalize ko. Nanghihinayang ako sa pisikal na lakas ko sa pagsali sa hanay dahil sakitin ako. Malaki na nga akong pabigat sa pamilya ko dahil kada taon makailang beses akong i-ospital, dadagdag pa kapag sumali ako (hikain, kulang sa dugo, etc. etc. etc.) Pero alam ko na kaya kong gamitin ang mga salita ko. May komiks ako ngayon na tumatalakay sa mga isyung pambansa--at hindi lang pampulitika, kung hindi mga isyung pang-araw-araw na buhay rin tulad ng sekswalidad, utang na loob, at pagtanggap sa sarili at sa kapwa. Nagsusulat din ako ng mga tula na sana’y nakaaantig ng damdamin, na sana’y nagbubukas ng mata. Nag-aaral ako ng mabuti at nagbabakasakaling pumasok sa abugasya upang maging eksperto sa mga nais kong bigyan ng pansin at maging mas malakas ang boses ko.
Sa napapansin ko kasi, ang mga mobilisasyon at protesta ay hindi talaga nakakaabot sa mga taong dapat makinig--hindi ang pamahalaan, kung hindi ang taumbayan. Maraming nagrereklamong kesyo bumibigat ang trapiko, na istorbo lang ang mobilisasyon, na mga haters lang daw ang mga nagrarally. Hindi ako sang-ayon sa kanila. Pero hindi rin ako sang-ayon sa pananaw na mobilisasyon lang ang daan sa pagbabago. Dapat ang taumbayan ang targetin at pakinigin. Sila naman ang nagluluklok ng mga pulitiko sa pwesto eh. Sila ang may hawak sa ekonomiya. Sila ang may bilang, hindi ang nasa gobyerno.
Hindi para sa lahat ang pagsali sa hanay. Pero nasa kamay nating lahat ang pagbabago. Kailangan lang nating buksan ang mga tainga’t mata, mga puso’t isipan ng mga tao para maging mas matalino sila’t mas makatulong. Kumbaga, asa tayo ng asa sa donasyon ng gobyerno pero yung mga pwede namang hands-on agad tumulong, nakaasa lang din sa gobyerno. Deserve natin yung hawak ng pamahalaan, pero dapat marecognize din natin na bawat isa sa atin ay may responsibilidad na tumulong. Hindi lahat ng makakatulong ay makakapag-alay ng kamay at balikat. Yung iba, tagatimpla ng juice, tagabigay ng pera, tagahanap ng resources. Ang babang pakinggan, pero mahalaga sila sa proseso.