wala pang limang segundong pag-ibig
sa eroplanong papel nila madalas isinusulat ang kanilang mga pangarap. o kaya ay bubulungan nila ito ng mga hiling habang tinutupi at bago paliparin. sabi nila, tutulungan ka daw ng eroplanong papel na iparating ang mga ninanais mo sa langit.
pero iba ako, iginuhit ko sa eroplanong papel ang lihim ng puso ko. di ko kailangan iparating ng eroplanong papel ang mga ninanais ko sa langit, kundi iparating ito sa taong ninanais ko.
sa bawat tupi, iniingatan kong mabuti. ayaw ko magasgasan, mabasa o makusot ang aking eroplanong papel kahit kaunti. sa limitadong lipad, baka di makarating sa paroroonan kung may kaunting sira ang aking eroplanong papel.
sa aking pag-asinta, at buwelo ng paghagis sa eroplanong papel, tinantiya ko itong mabuti. sa tamang anggulo, at tamang lakas, wag sana magkulang o sumobra. dapat ay sakto lang.
pinagmasdan ko ang aking eroplanong papel na lumipad papalayo. at di man lang nagtagal ng limang sigundo, di man lang lumayo sa paningin ko, sinira nito ang ngiti sa mukha ko.
nakalimutan ko, ang eroplano ko ay gawa lamang sa papel. di nito kayang indahin ang ulan, ang init, o ang malakas na hangin.
nakalimutan ko, katulad ng eroplanong papel ko, ang puso ko'y di na rin kayang uminda pa ng sakit.









