Kalikasan Ngayon
“Kung mamasdan natin ang kapaligiran natin ngayon, at ikukumpara sa noon, makikitang malaki ang pinagbago ng ating kalikasan. Marami nang mga basurang itinapon at ikinalat sa tabi-tabi na siyang nagpapapangit sa ating kapaligiran na dati’y sobrang kay ganda pagmasdan.”
Dito sa mundong punong-puno ng kagandahan na siyang taglay ng kalikasan, ano nga bang ginawa natin para ito’y dungisan at bahiran ng sarili nating mga dumi at kalat? Mukhang habang tumatagal ang panahon na tayo’y naninirahan dito sa mundong ito ay mas lalo tayong nagiging makasarili sa puntong hindi na natin iniisip kung ano ang mga epekto ng ating mga kilos sa ating kapaligiran.Tulad na lamang ng pagtapon ng basura sa mga ilog na siyang dahilan ng pagiging madumi ng ating mga tubig. Isa sa mga magagandang halimbawa nito ay ang Ilog Pasig. Kay linis at kay linaw ng tubig kung ito’y mamasdan mo, dati. Ngunit ngayon, mandidiri ka na lamang sa dumi ng tubig at mapapatakip ng ilong dahil sa masangsang na amoy na dulot ng Ilog Pasig. Isa pa sa mga problema dito ay ang mga harang at balakid para sa mga Ferry noon, ang mga water lilies. Sa sobrang dami ng mga water lilies ay hindi na makadaan ang mga Ferry kaya’t napilitan na lamang ang gobyerno na ipasara ang Ilog Pasig bilang isa sa mga daanan para sa pampublikong transportasyon. Imbis na napakinabangan pa ang Ilog Pasig, naging madumi ito at hindi na muling nagamit dahil sa mga sarili nating kagagawan. Pwede pa man ding paliguan ang nasabing ilog kung pinapahalagahan ng mabuti ng mga taong sila rin ang makikinabang dito.
Isa pa sa mga malalalang bagay na naidulot natin sa ating kalikasan ay ang mga basurang nakakalat at nakatambak kung saan-saan. May kalat dito, may kalat doon, tapon dito, tapon doon. Oo, isang beses nga lang nagawa ng iba pero kung idadagdag mo sa mga tapong nagawa ng iba nating kapwa, wala ring pinagkaiba. Nakakadagdag lamang sa malalang sitwasyon ang simpleng pagtapon ng kalat sa tabi-tabi. Ang mas masama pa diyan, karamihan sa mga naitatapong kalat ay plastik, na hindi naman agad nabubulok at mananatiling nakatengga diyan sa tabi kung patuloy lang nating hahayaa’t pababayaan. May mga pag-aaral ngang nagsasabing 10 - 1,000 taon bago mawala o ma-decompose ang mga plastik. Isipin mo kung gaano katagal na panahon ang ating hihintayin para lamang mawala ang mga plastik na ating itinapon. Tulad na lamang ng tamabakan ng basura na nasa larawan sa itaas. Halos maging bundok na ng basura ang lugar na puno ng iba’t-ibang bagay na kung titignan ay hindi kaaya-aya sa tingin. Hindi naman sa pagsasabing yung mga nagtatapon lamang ang may sala, tayo rin namang mga bumabaliwala ang mas nagpapalala minsan. Halimbawa na lamang ay ang simpleng pagkuha ng kalat na nakikita na ngunit pilit pa ring binabaliwala dahil sa kagustuhang hindi mag-uwi ng kalat. Masakit ngunit totoo. Aminin natin, lahat tayo ay nakagawa na ng ganito, bata man o matanda. Ngunit kapag dumating ang panahon na si Inang Kalikasan naman ang gumanti dahil sa ating mga masasamang gawain, tayo rin naman ang nagrereklamo. Kaya naman kung mas gusto nating ng mas magandang tirahan para sa lahat, mas mabuting kumilos na ng maaga at gumawa ng aksyon para dito.
Sa totoo lang ay wala pa sa kalahati ang aking mga naibahagi sa mga impormasyon ukol sa paglala ng sitwasyon ni Inang Kalikasan na tayo rin ang siyang may kagagawan. Ngunit dahil nga sa ating pagiging makasarili at sa pag bubulag-bulagan, mas pinalaki pa natin ang ating mga problema. Isang magandang halimbawa nito ay ang Boracay at ang pagsasara nito dahil sa matinding linisan na kailangang gawin. Dati-rati’y kay gandang pag masdan ng islang ito, ngunit anong nangyari? Dahil sa mga sarili nating kagagawan ay napunta ito sa resultang hindi gusto nino man. Naging madumi ang dating kay linis na Boracay. Maganda sanang ipagmalaki at naisama na sa turismo ng Pinas ngunit dahil sa atin, naipasara ito ng hindi oras. Nawalan ng trabaho ang mga nakatira doon. Sobrang nadismayo dahil yun na nga lamang ang kanilang hanapbuhay, nakuha pa sa kanila, nang dahil sa atin. Hindi natin pinahalagahan at hindi nating iningatan ang bigay ng Diyos. Kundi, inabuso natin at binaliwala ang importansya nito. Para bang mga katutubong nawalan ng tirahan dahil pinagkakitaan ang lugar. Sa kanilang sariling lupa, sila’y pinaalis upang pagpatayuan ng kung ano mang establishimiyento. Kung mas pinamalas na lang natin sa iba ang natural na ganda ng kaliksan, sana ngayon mas umunlad pa ang Pinas, at maaari pa nating matulungan ang mga katutubo (trabaho) o mabigyan man lang sila ng mas matiwasay na buhay sa kanilang isla.
Sa madaling salita, mas magandang ipakita natin sa iba ang natural na ganda ng kalikasan kesa sa papakialaman pa natin ito at kapag nasira, sa atin din naman ang balik ng pinsala. Dapat mas matuto tayong magpahalaga sa kung anong meron tayo, huwag natin itong sayangin at bahiran ng dumi, at panatilihing malinis at kaaya-aya sa mata ng bawat isa. Sa ganitong paraan na rin tayo makakatulong sa ating ekonomiya at sa ikabubuti ng bawat isa. Palaging umpisahan sa sarili ang kalinisan at tiyak na matutulungan pa natin ang ating kalikasan sa pagpapanatili ng nakakabighaning ganda nito.










