Pinaghihiwalay Tayo Ng Pagmamahal
Pinaghihiwalay Tayo Ng Pagmamahal ni Toni Panagu Patuloy na nagmamahal. Patuloy na nagmamahal. Patuloy na nagmamahal... ang per litro ng gasolina tumaas ang pamasahe nabutas ang mga bulsa laging trapik pa sa biyahe kaya hindi nating magawa ang makapagkita. Di bale sana kung maluwag ang kalsada. Di bale sana kung suwabe ang pasada. Worth it sana ang pagmamahal ng pamasahe't gasolina. Wala sanang namamagitan sa'ting distansiya. Patuloy na nagmamahal... ang per kilo ng bigas at ng iba pang mga pagkain puwede bang hatiin yung bayad sa kinain sa date natin? Kalahati sa'kin, kalahati sa'yo e ang mahal-mahal kasi hindi na 'ko makapagbigay ng buo. Mas masuwerte nang makakain ng tatlong beses sa isang araw kesa sa makasama ka sa araw-araw na kumakalam ang tiyan. Patuloy na nagmamahal... ang tuition atbp. gastusin sa pag-aaral. Kaya 'di puwedeng unahin ang mga nagsusumamong pakiramdam lalo pa kung mayroong paparating na exam. Babalewalain ang pagkahulog sa'yo huwag lang bumagsak, imbis na isubsob ang labi ko sa labi mo nakasubsob ang mukha ko sa mga libro. Patawad kung hindi na kita napapanaginipan dahil hindi na ako nakakatulog at binabalewala ko na ang pagkahulog. Mahal, thesis namin. Mahal thesis namin. Patuloy na nagmamahal ang presyo ng pamumuhay ngunit nawawalan na ng halaga ang buhay araw-araw, gabi-gabi, may lamay may namamatay sa gutom may namamatay sa pagsulong may namamatay sa pag-urong may pinapatay ng diumano, at ng pag-aakala may namamatay sa pagsasawalang bahala sa mga bilihing nagmamahal. Isang hindi maitatangging katotohanan: ang pinakapangunahing sanhi ng krimen ay kahirapan. Kaya upang makipagkita sa'yo, upang may makain tayo, at matustusan ang pag-aaral ko, maglalakad ako ngayong gabing may dala-dalang kutsilyo. Bubutasin ang bulsa ng iba at kung walang laman isusunod na bubutasin ang tagiliran nila. Dahil mahal, hindi ko hahayaang paghiwalayin tayo ng pagmamahal.












