Toxic Exit Fee
Mula sa kanyang kwarto, limang beses na binasa ni Isa ang isang email.
”Hello Isa, hindi na ako nagrereply sayo niyan kase halata ka na namin. Kada tanong namin o ni Bong kung kelan ka pwede sa meeting via video call, sagot mo lang lagi “Bakit? Anong meron?”
halatang umiiwas ka amputa! Kahit nung na gusto ko isali banda dito sa GC about marketing nagtanong ka din ng “bakit?”. Eh ikaw na rin mismo nagsabi at naglagay sa contract na magiging collaborative with the band ang mangyayari tapos sasagutin mo ng “pag-iisipan mo muna?” Bobo ka ba? sayo nanggaling yun.
About PR/pitchdrafts/updates…panay bigay ka ng tasks ng di mo naman pinapaliwanag. Tas samin isisi gago ka ba? Tas pagmamalaki mo na may nakuha kang interbyu samin ng Daily Tribune? Eh followers nun puro bots. Engagement ng posts patay naman. Nilalangaw!
Scammer ka Isa! Scammer kayo ng asawa mo! Ilang kliyente na kaya ang naiscam niyo. Balik mo pera ng kapitan namin. Pinaghirapan nya yun, tas gaganunin mo lang kami. Gago ka amputa!”
Napaupo sa pagkakahiga si Isa ng mabasa ang email mula sa dati niyang kliyente. Hindi niya sukat akalain na makakatanggap siya ng isang “hate email” mula sa kliyenteng minahal nga niya pero sinalaula siya.
Agad niyang chinat ang asawang si Dante upang magsumbong at magkwento. Wala sa tabi nya ang pinakamamahal na mister sapagkat isa itong baguhang OFW sa isang bansa ng mga itim.
“Mahal ko, may i-forward akong hate mail mula dun sa hinayupak na banda. Basahin mo dali,” ani ni Isa. Matapos basahin…
Nag-video call si Dante. “Mahal ko, isauli mo na lang ang pera nila.”
“Bakit naman nagbigay na ko ng mga serbisyo ko sa kanila, nakasulat na ko ng posts, gumawa ng engagement, ng PR letters at kung ano-ano pa ang tinuro ko sa kanila so ibig sabihin tasks fulfilled. Nga pala mahal ko, wala kaming kontrata kundi Marketing Proposal lang ang meron kami. Hindi kami naka formal binding agreement. Isang proposal lang kung saan may nakalagay na deliverables. Technically, kung gusto ko silang layasan, pupwede kong gawin ‘yun. Mali ang intindi nila. Di pa umaabot sa kontrata dahil tinitingnan ko pa nga kung gusto ko silang kliyente sa ikalawang buwan ng pagtratrabaho ko sa kanila. Eh letseng walang hiya ‘yan si Bong, hindi naman nagbago sa mga reklamo ko sa kaniya. Sasagutin ko yang mga sinasabi nila no. Di ako papatalo!” Panggigigil ni Isa habang nakakuyom ang kanang kamao.
“Mahal ko ‘wag na, ang tanga kapag pinatulad mo, tanga ka na rin,” maikling sagot nito.
“Isa pa mas lalo silang nagmumukhang iskwater sa mga sinabi nila sa’yo. O, ‘kaw iskwater na rin ba ugali mo? Tingnan mo pa spelling ng mura nila. Masyadong squammy! Hahaha!” Biro pa ng asawa.
Balot ng pag-aalinlangan…“Sure ka? ‘Di tayo maninindigan dito? Ang pananagutan ko sa kanila ay i-deliver ‘yung trabaho. Nai-deliver ko, naitawid ko kahit na hirap sila masyadong katrabaho. Toxic level kaya!”
Iginiit pa rin ni Dante…”’Wag na Isa. ‘Wag na. O sya natatae na ko, mamaya pala, alam mo na, sexy time. Nyahaha!”
Sa loob-loob ni Isa gustong gusto niyang sagutin. “Wow naman ha. Ako pa talaga? Ako pa talaga sinasabihan niyo ng mga kasinungalingang paratang na ‘yan at minura mura pa?! Sino ba ang nagtawid ng ilang linggong posts na kung saan ang engagement results ay mataas at nasa 1% healthy engagement rate? Sinong nakaisip ng magandang ilalagay sa graphics na kung saan mafe-feature ang kada isa sainyo? May nakaisip ba sainyo nu’n? Isa pa, sinong nakaisip na magkaroon kayo ng reels na ang kada isa sainyo ay tumutugtog? Bakit dati nu’ng ‘di n’yo pa ko Social Media Manager, na introduce n’yo ba ng maayos ang mga kanta n’yo? Nakikita ba ng mga tao na kayo ‘yung kumakanta hindi puro original background songs tapos ang mapapanood ay Motovlogs?”
“‘Di ba banda kayo? Eh bakit puro motovlogs ang content n’yo? Marami pala kayong mga putang inang gago kayo na reklamo, bakit hindi nyo sinabi agad? Alangang tanungin ko pa kayo. O dahil bata pa kayo wala pang experience sa marketing o pagbebenta ng mga kanta n’yo kaya pati ugali nyo mismo kinakalawang na agad?”
Saglit na nagdasal si Isa. “Lord ito talaga ang tunay na ako. Gustong gusto kong sabihin pero bakit ganto sa pakiramdam, hindi maganda po? Mali po ba ito?”
Sa pagdarasal ni Isa unti-unti niyang nalaman ang sagot.
“Magandang gabi.“ panimula niya sa sulatroniko. Tinipa niya habang nanginginig ang mga daliri. Delete. Type ulit. Delete.
Naalala niya ang sinabi ng asawang si Dante, “Ang tanga kapag pinatulan mo, tanga ka na rin."
Huminga siya ng malalim. Pipiliin niya ang propesyonalismo.
“Pasensya na kayo sa hindi natin pagkakaunawaan. Ibabalik na lang namin ang ₱25,000. Anong bank account name at number?“ Maikling reply niya sa hate email.
“Bakit nga ba kami humantong sa ganito? Hay.” Muling nagbalik tanaw si Isa sa bandang minahal niya ngunit di siya minahal pabalik ni nakuhang magpasalamat sa mga nagawa niya.
Dalawang buwan bago dumating ang hate email na iyon…
Noon, ni-refer ni Dante ang kanyang asawa sa kaibigang si Bong dahil kailangan nito ng mag-ayos at magpapasigla ng page ng kanyang banda.
“Nahihirapan na ko pare mag-post. Wala na kong maisip para mas dagsaiin ang posts namin. Nauumay na kong puro pagmo-motor lang at kumokonti ang engagement. Ayan o kung makikita mo, same persons pa rin ang nagco-comment at kokonti pa sila. Wala pa r’yan mga kabanda ko. Hirap nilang hilahin tumulong. Kailangan ko pang kulit kulitin bago sumunod.”
“Sige makakatulong sayo ang asawa ko. Matagal na ‘yun nagma-manage ng mga socmed account kaya marami na ring alam na strategies. Matutulungan ka niya panigurado,” pagyayaya pa ni Dante.
Matapos ang isang oras na discovery call, dali-daling gumawa ng social media audit at marketing proposal si Isa para sa banda. Pagkatapos maipadala ay …
“Galing mo naman Isa, mukha talagang makakatulong samin ang mga nakalagay dito. Sasabihan ko na sila. Magbabayad na rin pala ako para masimulan na natin,” buong galak na sabi pa ni Bong.
Matapos ang paggawa ng ilang captions sa loob ng tatlong linggo ay ipinapasa agad ito ni Isa kay Bong sa email. Sa pangatlong linggo, pangatlong delayed approval na rin.
“Bullshit, talaga,” sambit ni Isa habang nasa laptop.
Ang tagal sa pag-aapprove. Kapag nag-approve naman, kulang-kulang pa! Kapag natapos, ‘di pa si Bong magsasabi sakin!!! Sinusubo na nga strategies sa kanila, ano ba naman ang magsasabi lang. Tanga!” Hinampas ni Isa ang nadampot na notebook na katabi ng laptop.
Napatingin siya sa kalendaryo. Pang-ilang linggo na ganito?
“‘Di ko na sila kaya.”
Matapos maiskedyul ang posts, hindi na napigilan ni Isa ang mag-chat kay Bong. “Bong, pumasok ako ng rest day ko ngayon para maihabol ang posts natin ngayong linggo. ‘Di ba dapat noong isang araw ka pa nag-approve? Gusto ko sanang magpahinga ngayong araw na ito. Sa tingin ko hanggang ngayong linggo na lang ako magiging SMM ninyo. Kung laging ganto ng ganto, di ko na kayo kayang tagalan pa.” “Isa, pasensya na ha. Baka pwede mo pa kaming bigyan ng isa pang pagkakataon, natutuwa nga kami sayo kasi bukod sa maganda ‘yung posts, maganda ang pagtanggap ng followers namin, bukod sa tumaas ang shares at reactions ang daming nakakatuwang comment. Astig ka kaya! Saka nga pala pwede kami makahingi ng meeting sa’yo?”
“Let me think about it. Bakit pala?” sagot ni Isa. Sa totoo lang gusto lang niyang mang-asar kaya niya nasabi ‘yun. Lumipas ang isang oras hanggang naging isang araw, walang reply si Bong.
Dumating ang Martes, sa group chat ng banda, ang pangalawang lider ng group, si Monmon ay nag-message…pati na rin ang iba.
“Hi mam, baka pwedeng makahingi ng meeting, para kasing walang pagbabago sa page namin. Parang dehins ang usad e, di namin ramdam kung umaangat man.”
“Ate Isa, may itatanong kami tungkol sa marketing proposal parang may nakalagay dun na d pa nmin nakkita n nagawa mo na,” pagtatanong ni Victor, ang drummer.
“Pwd po mgsingit ng motorvlogs po nmn, mga 3x sa isang linggo?” sabi ni Jack, ang gitarista.
Maikli lang ang sagot ni Isa. “Good evening, sige magmeeting tayo. Kelan?”
Isang video call meeting ang naka-set ng Huwebes. Sa paghahanda ng documents na iprepresenta ni Isa binalikan niya ang concerns ng banda. “Bakit ganito? Ang dami na pala nilang concerns inipon at sabay-sabay sinabi sa group chat? Masama ang kutob ko rito.”
Huwebes ng gabi habang nasa malinis na lababo nagsisipilyo si Isa, naalala niya ang parating na meeting. Medyo nanginginig ang loob ng kanyang katawan, mataas ang pag-aalala, at higit sa lahat nalilinawan siya sa sinasabi ng kanyang kutob. “Chat meeting!” Biglang nagkaideya si Isa.
“Chat meeting na lang tayo guys, di pa kasi natutulog ang mga bata, wala pang oras kung kelan sila makakatulog eh kaya mainam na mag-meeting na lang tayo via chat dito rin sa gc. G?”
Walang sumagot ni isa sa 5. “nandito na ba ang lahat? Simula tayo after 5 minutes.”
Wala pa ring sumasagot pero makikita na maraming nagbasa.
8:08 pm, “hihintayin na lang po namin makatulog ang mga anak niyo ate,” reply ni Victor.
“Late na nga to nagreply, ayaw pang sumunod, papahirapan pa ko. ‘Di ko kaya magpuyat at lalong ayaw ko ng resched, off limits na sa kanila ang weekends ko no! Namimihasa ‘tong mga ‘to. Ang freelancer dapat may boundaries. Limitasyon na kung saan dapat irespeto ng kanyang kliyente,” sabi pa niya sa sarili.
Tiningnan ni Isa ang oras sa cellphone. Mabagal ang takbo. 8:18…8:28…8:38…
Walang ibang bandmembers ang nag-chat. Puro lang “seen.”
8:48 pm. “Baka po wala ang iba, postpone na lang po natin,” biglang chat ni Jack.
Pagkabasa, humugot ng malalim na hinga si Isa. Kailangan na niyang magdesisyon.
“Salamat sa pagsabi ng suggestion, Jack. Pero nakatakdang oras na ang meeting na ito. Kung wala pa rin kayong sasabihing mga concern up to 9 this evening, I’ll assume na tapos na ang meeting na ito.”
9:02 pm. “Guys, sa Lunes na ko magpapasa ng written replies para sa concerns nyo na nasabi pa noong isang gabi. Salamat. Good night,” Ito ang pahayag ni Isa matapos ang takdang oras.
Kinabukasan, pagbukas niya ng social media account niya, may notif siyang natanggap. “Your full admin access to this page has been removed. X hours ago,” ‘Di na nila ako pinahirapan sa binabalak kong paglayas sa kanila, yes!” Pasayaw na naglakad si Isa paalis ng kwarto.
Dumaan ang weekend, habang umiinom ng kape ay gumawa ng reply to concerns at resignation letter sa tulong ng AI ang SMM. Sumunod na Lunes, inihayag nya sa liham na ang pinaka numero unong rason ng kanyang pag-alis ay ang mabagal na pag-apruba ng mga post ng band lider na si Bong at mabagal niyang pagdedesisyon sa kanilang trabaho, in short napakahirap katrabaho. Pangalawa, alam niyang pagtutulungan siya sa meeting, kunyari lang may mga tanong, posibleng legit ang mga ito pero may maitim na binabalak, ang kanyang matalas na pakiramdam na ang nagsabi. Pangatlo bastos sila sa oras at komunikasyon. Di marunong rumespeto sa oras ng may oras at di nagsasabi ng mga saloobin agad tapos sasabog na lang pala.
Pagkatapos ma-sent ang resignation letter (email) ay umalis rin sya sa GC nila. “Toxic na ang environment dito kaya maiging maghiwa-hiwalay na tayo. Congrats pala sa ating naabot, may feature interview kayo sa isang show sa Daily Tribune kung saan kapag na-interview kayo mapapanood na sa kanilang social media, mailalathala kayo sa dyaryo at maipopost pa ang artikulo sa socmed nila ulit,” bahagi ng mahaba nyang goodbye chat.
“Hay sa wakas nakalaya na ko sa walang kwentang banda na yan!” huminga ng malalim si Isa sabay nakangiting pumunta sa ref upang kumuha ng matamis na strawberry ice cream—sing tamis ng nararamdaman niyang kalayaan.
Yoon ang inakala niya. Dalawang buwan mula noon, nakatanggap sya ng mahabang sulatroniko.
“Hello Isa...SMM na scammer! Gusto lang naman namin ng updates at maliwanagan kaya nag request kami ng meeting pero umalis ka. Nilayasan mo kami nakalagay sa kontrata hanggang Nobyemre 30 ka pa…” Mahaba pa ang mga paratang at ingay na nakalagay sa sulatroniko na ‘di na dapat bigyan pa ng espasyo rito.
Sa palitan nina Isa at ng banda ng emails, ang huling pinadala na lang niya ay… “P25,000 sent already.” Wala na siyang natanggap na sagot ni pagpapasalamat sa salaulang banda.
“Mahal ko, umalis na ko sa banda at nakapagbayad na rin binalik ko na sa kanila ang pera nila tulad ng nasabi mo. May buong peace of mind na ako ngayon. Masayang masaya ako wala na kong katrabahong bastos at bobong mga kliyente. Good riddance!” Parang batang patalon-talon si Isa habang ka VC ang asawa.
“Bakit mo nga ba sila nilayasan porke mabagal mag-approved ang kaibigan kong si Bong at nagre-request lang naman sila ng meeting?”
“Aatakihin kasi nila ko sa meeting na ‘yun. Pahiyain. Hot seat. Corner. Ganun ang plano ng banda. Kaya ginawa kong chat meeting na lang, isa pa di ko kayang magpuyat kung hihintayin ko makatulog ang mga anak natin. ‘Yung sinabi nilang kontrata wala naman kaming kontrata. Haha! Binigay ko rin lahat ng mga document na kailangan nila matapos mag-resign. Kaya na fulfill ko ang serbisyo ko sa kanila kahit hindi pa tapos ang buwan. Ang refund na ‘yun, iisipin ko na lang na toxic exit fee yun. Mas matimbang pa rin ang kapayapaan kesa sa pagiging tama ‘no mahal ko,” buong tamis niyang ngiti sa kausap.
“Kakausapin ko na lang si Bong at hihingi ng paumanhin at magpapaliwanag. Alam ko namang nasa tama ka, hihingi lang tayo ng paumanhin dahil ‘di kayo nagkaintindihan. Parehas kayo. Mabuti na lang umalis ka na dahil ayaw kitang nakikitang naii-stress at di makatulog,” paliwanag pa ni Dante habang nakaupo.
Para kay Isa, ang paghawak niya sa kliyenteng banda ang pinakamasaya at pinakamasakit niyang karanasan sa freelancing. Pinakamasaya dahil hindi niya naapuhap ni nagawang ipagdasal (ibinigay na lang ni Lord) na makahawak siya ng OPM indie band na kung saan ang musika ang isa sa passion niya mula noong bata pa siya.
Pinakamasakit? Dahil natutunan niya na minsan, ang pinakamahirap na desisyon ay hindi sa pagitan ng tama at mali kundi tama vs. kapayapaan. Isa pa, nadamay ang nabuong pagkakaibigan niya at ni Bong na hinahangaan niya ng husto sa talento nito sa musika.
Natutunan rin niya ang pagkakaiba ng pananagutang legal sa pananagutang moral.
Sa pagitan ng pagiging tama at peace of mind, hinding-hindi siya nagkamali sa pagpili ng peace of mind. Ang P25,000 na ‘yun? Iyon ang halaga ng kapayapaan niya.
At sa mga susunod niyang kliyente, magkakaroon na ng formal contract kung saan may klarong expectations, communication protocols at boundaries.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Ang maikling kwento na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 2025
Saranggola Awards
Sponsor:
DMCI Homes https://dmcihomes.com













