Hindi ba’t napakasarap sa pakiramdam ng nag-iisa?
—Walang kausap habang nakatingala sa langit ng mga bituing nawalan na ng kislap.
At tanging ang mga mata mo lamang ang saksi sa saya na iyong nadarama,
Tanging mga tainga mo lang ang nakakarinig sa bawat kwento,
At ang boses mo lamang ang makapagpapahayag
Walang ibang magsasabi sa'yo na nagkamali ka
Kundi ang sarili mo lamang.
Walang ibang sisisi sa mga nagawa mo
Kundi ang sarili mo lamang.
Walang ibang yayakap at magtatayo sa'yo
Kundi ang sariling mga kamay at paa mo lamang;
At hindi mo kailangang magpigil ng iyak,
Dahil alam kong kapag umupo ka na sa sulok,
Alam kong kapag nag-iisa ka na sa dilim
At wala ng mga matang nakatingin,
Kusa nang tutulo ang mga luhang matagal mo ng kinimkim.
Kusa nitong babasain ang mga unang nauhaw sa sakit.
At hindi mo na kailangan magtago pa
Dahil kapag nag-iisa ka na,
Doon mo mararamdaman ang tunay na ligaya.
Doon mo mahahanap ang sarili mong masaya kahit mag-isa.
Kundi sa piling mo, mag-isa.
Hindi mo kailangan ng mga kamay na hahawak sa'yo
Dahil ang mga kamay mo ang magsisilbing gabay,
At ang mga paa mo ang iyong lakas.
Doon ka matututong maging malakas.
Kapag lumubog na ang araw sa gabi,
May panibagong liwanag na sisikat.
Bagong umagang nakangiti ang sasalubong.
Masasanay ka nang wala siya,
Sarili mo lang ang iyong kasama.
Mag-isa pero hindi malungkot.
Mag-isa pero hindi nasasaktan.