Pumasok sa madilim na silid si Kristal. Nakahanda na ang kaniyang kulot at itim na buhok maging ang punit na puting bestidang nagpapalitaw sa sugatang kayumangging balat. Nakayukong tumayo ang batang babae sa harap ng isang matandang kuba. Hinubaran ng kuba ang bata at nakipaglaro ng “bahay-bahayan”. Walang imik ang batang nakatitig sa dilim habang sinasakal at sinasabunutan; wala rin naman siyang ibang magagawa.
Sanay na si Kristal sa ganitong uri ng buhay. Namatay ang kaniyang putang inang may malaking utang na hindi nabayaran kay Hipig. Bilang kabayaran, kinailangang magtrabaho ng kawawang musmos sa bahay putahang pag-aari ng walang-awang negosyante. Araw-araw at gabi-gabi, may darating na mga dayo sa bahay na hindi babaeng nasa edad ang hanap. Bahagi si Kristal ng eksklusibong serbisyong bata ang alay. Hindi rin naman masama, mataas ang bayad kapag bata.
Sa buong labimpitong pagkabuhay ni Kristal, tanda niyang palaging maraming dayo sa bahay putahan ni Hipig. Nagbawas lang ang bilang ng dayo nang maluklok sa kapangyarihan si Prinsipe Liwanag. Nakuwento minsan ng isang sundalong nakipagtalik sa kaniya na salbaheng hari si Liwanag. Kinukuha ng hari ang lahat ng hayop pati ani at pinapatawan ng agarang kamatayan ang sinumang ayaw ibigay ang buong pinaghirapang mga bunga sa kaniya. Hindi tumagal, nag-alsa ang mga mamamayan at nagbantang pugutan ang hari.
Digmaan, pero may laban nga ba? Maraming tagabayang lalaking binitay o binaril ng mga sundalong maharlika. Pababa nang pababa ang bilang ng dumalo sa bahay ni Hipig. Paunti-unting nasira ang kahoy at batong bahay dahil sa kakulangan ng tubo sa pagpaayos. Kinalaunan, buwal na ang negosyo at kailangang ibenta ang mga kalapating mababa ang lipad.
Dahil sa digmaan, halos maubos na ang kalalakihan sa bayan. Hindi nakapagtatakang kumuha ng mga babaeng alipin para makipagdigma laban sa gahaman. Sa ganoong paraan pumasok si Kapitan Dimasilaw sa maikling buhay ni Kristal.
“Hipig, magkano ‘yang bata?”
“Si Kristal? Walong tanso ‘yan, ‘Di pa nga n’yan bayad ang utang sa’kin pero pabili ko na.”
Kinamot ng kapitan ang kalbong ulo at hinimas ang mahabang puting bigote.
“Ayos na. ‘Yan na lang. Mas mura sa dayuhang sundalo. Mga isa o dalawang putok ng baril lang ‘yan bago mamatay, kaso kulang pa ang hukbo ng tagabaril.”
Lumapit si Kristal sa kapitan. Sa edad na labing-anim, maliit pa rin ang bata dahil sa pagtipid sa pagkaing ipinambabayad na lang sa utang ng ina. Halos kalansay si Kristal na kulang na lang ay mabaril nang maging bangkay.
“Mula ngayon, ang buhay mo ay para sa pag-alsa at magtatapos para sa pag-alsa,” sabi ng kapitan.
Lumisan mula sa bahay ni Hipig ang kapitan kasama ang kalansay. Tumungo sila sa mabundok na kagubatang taguan ng mga manghihimagsik. Walang imik si Kristal, subalit hindi nagtagal ay natuto ang babaeng makisalamuha sa mga kagaya niyang api.
Iba-ibang babae ang nagtutulungan upang mag-ayos ng mga sandata. May mga matatandang babaeng nagluluto at mga batang naghahasa ng patalim. May mga sumusubok bumaril at tinuturuan kung paano ang tamang paghawak ng baril. Napasabak si Kristal sa mga gawain.
Natuto si Kristal sa mga gawain habang pinapanood ang mga babaeng mag-ayos ng sibat, maghasa ng kutsilyo, at magbaril ng manok. Naging mahusay ang babae sa pag-aayos ng mga sandata, ngunit sadyang hindi niya kayang humawak ng baril at magpaputok nang tumatama sa manok. Ang katotohanan ay naging malapit siya sa iba-ibang babaeng nakasalamuha niya. Matulungin sa gawain si Kristal. Kapag may nahihirapan ay agad siyang lalapit upang maghatid ng tulong sa pagbuhat ng armas, pag-ayos ng armas pero hindi nga lang sa paggamit ng armas. Naging popular si Kristal sa birong bansag na “gabay kalansay”. Sa walong buwan niya sa taguan, nakahanap ang babae ng kaniyang lugar sa mundo, ngunit hindi nito inalis ang katotohanang may digmaan.
Parami nang parami ang mga inuuwing sugatang manghihimagsik sa hukbo. Palakas nang palakas ang sandatahang militar ng gahamang si Liwanag. Sa dami ng sugatan, kinailangang gamitin na ni Kapitan Dimasilaw ang lahat ng kababaihan maging matanda o bata.
“Mamayang gabi... Ito na ang huling pag-aalsa,” nakasimangot na sabi ng kapitan.
“Mamaya, susugurin natin ang pasukan sa likod ng kastilyo.”
Walang imik. Walang kibo. Walang nagnais na maabot sa pagpatiwakal ang huling paglusob ng mga manghihimagsik. Ramdam na ramdam ang nakapangingilabot na igting ng kamatayang palapit.
Tagamanman si Kristal. Kahit na hindi nais ng babaeng magdala ng baril, mahalagang maibigay niya ang hudyat sakaling nakaantabay ang kalaban. Nanginginig niyang hawak ang riple. Alam niyang hindi niya kayang makaputok nang maayos dahil wala ni isang manok siyang natamaan ng bala noon.
Sa dilim ng daan at liwanag ng buwang nagmumukhang kristal nakalapit ang babae sa mataas na damuhang ilang metro lang ang layo sa nakaantabay na sundalo. Walang kamalay-malay sa tagamanman ang nakatayong kawal. Inihanda ni Kristal ang baril at tinutok sa kawal habang nanginginig na nakatago sa damuhan.
Bang! Lumabas ang bala at tumama sa pader. Naalisto ang kawal at nagpaputok. Bang! Tumama sa leeg ang bala. Maliksing tumakbo sa babae ang sundalo at binaril muli ito. Bang! Sa malapad na dibdib pumasok ang bala.
Bang! Bang! Bang! Sunod-sunod na putok ang pinakawalan. Napatumba ang kawal. Dali-daling sumugod ang kababaihan at hinila ng ilan ang naghihingalong si Kristal sa labas ng putukan. Naalisto ang mga kawal at sumugod papuntang lagusan. Pinatunog ang mga kampana. Dinala ang mga tanglaw at sunod-sunod ang naging putukan.
Dumudugo sa leeg at dibdib ang kawawang bata. Dalawang putok lang ay tumumba na siya. Kapit ng isang matandang babae ang kamay ng bata. Walang kibo si Kristal. Walang imik ang batang nakatitig sa buwan habang patuloy ang digmaan sa kapaligiran; wala rin naman siyang ibang magagawa. Napakaingay ngunit napakapayapa. Hindi na kailangan pang pakinggan ni Kristal ang tunog ng puso niyang basag.