Ang HAMON ayon kay Guillermo.
Ang sining sa modernong panahon ng ika-21 siglong mundo ay kadalasang naisasawalang bahala na lamang. Lalong lalo na sa mga nasa ikatlong daigdig na mga bansa. Kagaya na lamang ng Pilipinas. Ni bigyang pakahulugan lamang nga ang salita ay tiyak na mahihirapan ang karamihan sa’tin. Kalimitan pa nga, kahit yung mga mismong astang “alagad ng sining” kuno ay waglit na sa isipan kung ano ba talaga ang tunay na layunin kung bakit sila lumilikha ng mga makabagbag-damdaming obra maestra. Ganoon na lamang ba tayong nasanay na humiram ng kulturang banyaga kaya kibit balikat na lang ang karamihan sa atin sa malawakang krisis na kinakaharap ng sining at katutubong kultura ng bansang Pilipinas. Krisis na nanghihimok sa’ting kumilos at magrebelde, hindi basta na lamang umayon sa agos na siyang itinakda ng mga neokolonyal na kanluraning bansa. Mga daluyong na malinaw na pabor lamang sa kanila. Sa konteksto ng kontemporaryong sining ay burado na nga ba ang konseptong sariling atin? Hindi nyo ba napapansin?, hinihimok tayo ng katotohanang ito na mayamot at kumawala sa kahon. Sa madaling sabi, ito’y hindi basta banta, ito’y isang hamon!
Binigyang diin sa akda ng isa sa mga primyadong manunulat at kritiko sa konteksto ng “Philippine Art” na si Alice G. Guillermo ang hamon na ito. Tuwiran niyang pinahayag na kinakailangan na nating kumalas sa pait ng kahapon bunsod ng mga kaliwa’t kanang pananakop ng mga kanluranin.
“Our traditional artistic expressions derive from an aesthetics different from that of the West.”
Nangangahulugang kinakailangang makapagtayo tayo ng sarili nating pamamaraan nang pagpapahayag ng mga damdamin. Na siya namang tatawagin nating sining at ituturing sariling atin. Ngunit paano nga ba maisasakatuparan ang bagay na ito kung ang kasaysayan na mismo ang nagsasabing hiram ang ating kultura mula sa iniwang pira-pirasong parte ng mga bansang minsan ng umangkin ng ating bansa. Hindi naman na lingid sa ating kaalaman ang mayaman nating kasaysayan mula sa kamay ng Espanya, Amerika at Hapon. Ngayon, kahit papaano ay masaya ako sa katotohanang ito. Dahil kung susumahin ay malaking bagay pa rin na mayaman ang ating kasaysayan. Malaking tulong ito upang magkaroong inspirasyon sa paglikha ng sining. Sinabi nga mismo ni Guillermo na “art cannot set itself apart from human and social meaning.” Sa sitwasyon ng Pilipinas, babalik at babalik pa rin dapat tayo sa nakaraan kung nanaisin nating lumikha ng sining na sariling atin. Hindi dapat natin ito kinakalimutan, bagkus ay dapat na isapuso. Ang sining ay kaakibat at konektado sa nararanasan nating mga tao at sa nararanasan ng lipunang ating ginagalawan. Pagkat ang sining ay karanasan at ang mga karanasan ay sining. Ang sining ay halintulad sa kung gaano ang kakumplikado ang pag-ibig. Dapat nating maintindihan na literal na walang buhay kung wala ito. Nasa bawat sulok lamang ang sining ngunit hindi ibig sabihin ay madali na itong hanapin. May sarili itong lengguwahe at bukabularyo kaya’t hindi rin ito madaling maintindihan. Ganoon pa man ay hindi dapat tayo papipigil sa mga kadahilanang ito. Pagkat ganoon talaga ang buhay, wala kang makukuhang bagay na napakahalaga sa madaling pamamaraan. Dapat nating ipagpatuloy ang pagrerebeldeng tinutukoy ni Guillermo sa kanyang akda. Suwayin natin ang mga “aesthetics” na siyang kanluranin ang may pasimuno. Dapat tayong maiba. Hindi ito pakikipagkumpitensiya sa kung sino nga ba ang pinaka at mas kakaiba, bagkus ito’y pagbuo ng ating pagkakakilanlan. Ito’y sagot sa kung sino nga ba tayo bilang Pilipino. Ang sining ay higit pa sa isang hanap buhay, pagkat ito’y paghahanap ng ating buhay. Sapagkat ito ang siyang buhay.
Tinukoy na ni Guillermo ang problema at napag-iiwanan na tayo kung iisiping mabuti. Mabilis na umuusad ang panahon at baka tuluyan nang hindi makasabay ang mga natitirang katutubong sining natin sa kontemporaryong panahon. Ngayon, na sa’tin naman palagi ang solusyon. Alam na nating walang ibang paraan kung hindi ang balikan ang mga katutubong gawi, ngunit hindi ito natatapos doon. Katulad ng sinabi ko kanina, maaari na nga tayong mapag-iwanan kaya dapat na iangkop natin ang mga katutubong sining sa modernong panlasa ng mga tao. Mahalaga ang kasaysayan, oo, pero kung gusto nating maging matatag hanggang sa hinaharap ay ‘di rin dapat balewalain ang kasalukuyan. Nasa kontemporaryong panahon na tayo kaya hindi ba maganda kung iisiping pwede nating magamit ang katutubo habang binibigyan natin ito ng bagong bihis sa pamamaraang hindi naisasaalang alang ang kasaysayang bitbit nito. Natamaan akong tunay sa nag-aalimpuyong sulatin itong ni Guillermo kaya masasabing mulat na’ko. Itong paggawa ko ng reaksyon ay maliit na bagay lamang, pero pinapangako kong bilang isang manlilikhang sining ay hindi ko kakalimutan ang mga aral na pinakalat ni Guillermo. Malaking bagay na ito kapag sama sama naman tayong gagawa. Pagkat itoy hindi laban ng indibidwal, ito’y laban ng bansa!
Marahil ang problemang ito ay hindi pa pansinin sa nakakarami. Lalo na sa mga kupal at walang pake. Ngayon, kayong mga kupal basahin nyong mabuti, ang pagsagot sa problemang ito ang siyang ating hinaharap. Wala tayong lusot mga brad, kaya ‘di sapat ang dahilang hindi ka interesado o yung mga banat na “eh ano namang makukuha ko diyan?” Lagi nating tatandaan na sabi nga nila, “ang hinaharap, ay hinaharap!”












