Nung una palang kitang makita, alam ko na.
Tanging ikaw lamang ang nakabighani sa aking puso't diwa.
Pananalita'y tipid habang mundo ko'y tumitigil.
Ngunit batid ko sa aking nadarama, kailangan kong magpigil.
Dahil sabi nila, ang lahat ng bagay ay may tamang panahon,
At kailangan kong magplano ng maigi habang hinihintay 'yon.
Ako'y lumalayo. Doon ako sa bandang sulok.
Ngumingiti para sa'yo, kahit na ako'y nagmumukmok.
Sa pagtungtong natin sa kolehiyo, ako'y nabigla.
Ang mapalapit sa'yo bilang isang kamag-aral ay hindi ko inakala.
Siguro, pero sigurado akong ako'y sinusitil at sinusubok ng tadhana.
Handa akong tumalima't sumugal; bahala na.
Ngunit alam kong hindi pa ito ang tamang panahon.
Ang maging mapusok at agarang paglalahad ay hindi naayon.
Isa, dalawa, tatlo, may apat pang nalalabing baitang
Isama mo na ang 'sandamakmak na hadlang.
Siguro, pero sigurado ako na baka ito na ang hinihintay ko.
Ako na ang kusang lumapit, nagpakilala at nakipagkaibigan sa'yo.
Ginintuan ang bawat butil ng buhangin na pumapatak sa orasan
Kung lilipas ang pagkakataong ito, maaring mawala ang magpakailanman.
Habang umuusad ang una, ikalawa, ikatlong markahan sa paglipas ang panahon,
Tayo'y naging mas malapit sa isa't-isa bungad na rin ng pagkakataon.
Sino ang mag-aakala? Ang dating magkakilala'y naging magkaibigan
Balang araw, wika ko. Panalangin ko kay Bathala, nawa tayo'y magkaibigan.
Subalit sa 'di sinasadyang pangyayari, ang aking karibal ay umeksena.
Ako'y nabahala sapagkat ako'y naetsapwera at nawala sa istorya.
Sa loob lamang ng maikling oras, sa kanya ika'y mas napalapit.
Siya. Oo, siya. Napakaswerte niya. Ikaw ang kanyang nabingwit.
Malamang sa malamang, ang aking pag-aalsabalutan ay napapanahon.
Pack up na, uwi na, may nanalo na. Sa puso mo'y siya na ang kampeon.
Alam kong masakit. Ako'y umasa, lumaban ngunit sa huli ako'y bigo.
Mga mata ko'y namumula sa luha. Ang puso ko'y nagdurugo.
Pinilit kong pagtuunan ng pansin ang aking pag-aaral.
Siguro, sa mga parisukat at tatsulok kita malilimot habang nakakamit ko ang dangal.
Kung sabagay, study hard not study heart ang sabi nila inay,
Diploma't mga pangarap muna bago ang ibang mga bagay.
Hektik and iskedyul kaya hindi ko na namalayan ang pagdaan ng panahon.
Sa katiyagaan, natapos ko na rin ang pagbuno sa apat na taon.
Habang inaabot ang diploma't medalya ako'y nakangiti sa kamera at madla.
Ngunit ang sayang aking nadarama ay kasinungalingan, walang duda.
Sapagkat ang matamis mong "Oo" at labi ang ninais kong makamtan
At makita ng malapitan ang iyong mga matang puno ng kariktan.
Ngunit sa kalagitnaan ng pag-aaral ika'y naglahong parang bula.
Sa tsismis ko nalamang ika'y nakipagtanan kung kaya't ika'y nawala.
Ako ma'y naguguluhan, tuloy ang pag-usad ng sarili kong panahon.
Sa mas malalaking alon at hamon ng buhay, ako'y tumugon.
Isang araw, nakita kita sa may bangketa kalong ang isang munting bata.
Pinapatahan mo siya't hinehele habang ika'y nagbebenta.
Ako'y nagilalas sapagkat sa kabila ng stres sa buhay, ika'y maganda pa rin.
Nagdalawang isip ako kung ikaw ba'y lalapitan. Ang pag-irog ko sa iyo'y nanaig pa din.
Tayo'y nagkausap, nagbalitaan. Hindi man nakapagtapos, ikaw ay masaya.
Ika mo, "Mahirap man ang aking pakikibaka sa buhay, basta't sila'y aking kasama."
Mahal kita ngunit hindi ko ito nabanggit sa iyo habang may panahon.
Saan ba ako nagkamali? Hindi ko alam kung saan magmumula. Dito ba o doon?
Muli, pack up na, finish na. Sa trabaho ko na lang ibubuhos ang aking atensiyon.
Sabagay, importante may bonus. Lintik na pag-ibig, walang kwentang emosyon.
Hanggang nabalitaan ko na sa ikalima mong pangananak ika'y pumanaw.
Pumatak ang aking mga luha. Emosyon ko'y bumuhos. Mundo ko'y nagunaw.
Hindi ko man napanalunan ang matamis mong pagsinta,
Mas gugustuhin kong ika'y nabubuhay na kapiling siya.
Heto na marahil ang huli kong pagkakataon.
Sa harap na lamang ng iyong lapida mababanggit ang mga salitang iyon.
"Mahal pa rin kita. Salamat sa inspirasyo’t mga ala-ala.
Hindi man tayo sa huli, tanggap ko na ika’y wala na."