Ilang araw na tayong hindi nagkakausap ng matino. Ilang araw na rin siguro akong naghihintay sa isang ‘Hey’ mo. Pero madalas, wala. Madalas meron nga pero agad ka rin namang mawawala. Pero hindi ako napapagod na maniwala sa’yo. Sa Diyos at sa atin.
Naniniwala ako kahit pa halos ang daming beses ko na ring tinanong sa sarili ko kung totoo ka ba?
Teka, kumusta ka na ba? Dati, halos hindi na kita kailangang kumustahin ang isa’t isa dahil walang oras na hindi tayo magkausap. Walang oras na hindi natin alam ang ginagawa ng bawat isa. Dati, halos ilang segundo lang ang bibilangin bago ako makatanggap ng reply mo. Pero dati yun. Ngayon, halos ilang oras o isang araw bago ako makatanggap ng chat mula sayo. Ngayon tila ba hindi na ako parte ng araw mo. Ng bawat umaga at bawat gabi mo. Ng bawat sandali mo.
Ang dami dami kong gustong ikwento sa’yo. Naipon na dahil sa ilang araw na hindi man lang tayo nagkakakumustahan. Hindi man lang natin matanong ang isa’t isa kung ano na ba? Ano nang balita?
Namimiss na kita. Namimiss ko nang kausap ka. Namimiss ko na ang mga patawa mo pati na rin ang kung paano mo ako tawaging macho dahil sa malaki kong braso. At kung paanong tatawagin kitang payatot dahil ang payat mo. Namimiss ko na na para bang hindi tayo magkasintahan kung magbiruan. Para tayong magbarkada na minsan kapag natyempuhan ng init ng ulo e nagkakapikunan.
Namimiss na kita. Namimiss ko na ang mga gabing pinaiiyak mo ako sa sobrang saya. Sa sobrang hindi makapaniwala na ang swerte ko dahil minahal ako ng isang tulad mo. Hindi gaya ngayon, gaya ng mga gabing umiiyak ako dahil namimiss na kita at wala akong magawa dahil malayo ka. Hindi gaya ngayon, hindi gaya ng pagiyak ko ngayon dala ng pagaalala. Kumusta ka na nga ba?
Ilang buwan na ang nakalipas nung malaman ko ang kondisyon mo. Ang dahilan kung bakit taun taon ay lumilipad kayo papuntang Amerika. Ang dahilan kung bakit minsan bigla ka na lang hindi magpaparamdam. Ang dahilan kung bakit tuwing nagaaway tayo, bigla ka na lang mawawala.
Ilang buwan na tayong lumalaban sa nararamdaman mo. Ilang buwan na kong halos patayin ng pagaalala ko. Ilang buwan na. Pero heto pa rin ako, naniniwala pa rin ako. Naniniwala pa rin ako kahit na ilang beses ko nang tinanong sa sarili ko kung totoo ka ba?
Naniniwala ako. Naniniwala ako sa’yo. Sa atin. Sa Diyos. Naniniwala pa rin ako sa sinabi ko sa’yo na darating ang araw na halos hindi na natin maaalala pa ang mga panahong to dahil magaling ka na at walang iniinda. Darating ang araw na ang lahat ng ito ay magiging kwento na lamang.
Pero sana, sana maniwala ka. Sana maniwala ka rin sa sarili mo. Sa atin. Sa Diyos. Dahil oo, aaminin ko, dumadating sa punto na parang gusto ko nang sumuko. Pero hindi, hindi ako susuko dahil mahal kita. Dahil naniniwala ako. Naniniwala ako sa’yo. Sa atin. Sa Diyos. Sa tayo.
Sana maniwala ka. Sana maniwala ka, kung kinaya ng lolo at lola kong labanan ang karamdaman ng lolo ko at nagkaroon pa sila ng sampung anak, e kaya rin natin. Kaya natin kahit pa labing dalawa. Kaya rin natin. Mas kaya natin. Mas kakayanin natin. Kaya natin silang higitan ng dalawa pa at ang sampung mga anak ay kaya nating gawing labing dalawa. Sana maniwala ka, kaya rin natin.
Sana maniwala ka. Sana maniwala ka na isang araw, sa isang lugar na hindi ko pa alam kung saan e magkakasama tayo. Masaya na tila ba walang ganitong pinroblema.
Sana maniwala ka dahil naniniwala ako.
Sana huwag mong paniwalaan ang sinabi ko na kung hindi mo na kaya ay sabihin mo lang dahil kakayanin ko ang pagkawala mo. Dahil maniwala ka, sinabi ko lang yun dahil alam kong yun ang gusto mong sabihin ko. Huwag mong paniwalaan dahil hindi, hindi ko kayang mawala ka.
Kaya natin ito. Naniniwala ako na kaya natin ito. Naniniwala ako na ang pagsubok ay susubok lang sa atin kaya para malampasan natin ay kailangan nating tatagan ang loob natin.
Naniniwala ako na balang araw, magkikita rin tayo.
At kapag nangyari yun, pangako, ako ang magaalaga sa’yo.