Delayed Success, they said.
Para sa mga kapwa kong kinapos at hindi pinalad para sa inaasam nating titulo. Yes, para ‘to sa inyo.
Kung titignan niyo yung huling post ko, sabi ko don sana yung susunod na post ko eh CPA na ako. Bilang isang tumblrista, tatlo lang ang “goal post” na naka-set sa utak ko. Parang yung tatlong letra na pinapangarap ko. Una, graduation post na obviously nagawa ko na. Pangalawa, yung “Road to CPA” experience ko which is naka-draft na siya at tapos na. hahahaha Ayos diba? Sabi kasi nila claim it na. Kainis. haha Pero siguro nga hindi pa tapos yung journey ko towards my dream. At pangatlo ay yung tradisyon ng Tumblraccountants na board exam insights. (Oo mga bes, nasa draft ko na rin siya but I don’t feel like posting it kasi hindi ako qualified para magpost ng ganon. sakit haha) But then hindi ko natupad yung pangalawa kaya sinusulat ko ‘to ngayon.
October 18 pa lang hindi na ako makakain at makatulog ng ayos. Yung kabang hinahanap-hanap ko bago mag-board exam, naramdaman ko lahat nitong mga nakaraang araw kahit na alam kong 20 talaga ilalabas ang result. At paggising ko nga kahapon, yung inaasahan kong texts, wala pero may nag-iisang message paghawak ko ng phone at ang nakalagay, “Wag na malungkot. Inom na natin yan”. Yung puso ko parang nalusaw pero nilakasan ko parin yung loob ko at tinignan ko parin yung result. Nung nasa S na ako, yung internal organs ko parang nalaglag lahat sa sahig kasi ramdam ko na eh. Na wala talaga tapos makikita pa ng dalawang mata ko. Diba double kill lang? Akala pa ng nanay ko may sipon narin ako kasi tahimik lang akong umiiyak pero pagharap niya at pagtingin ko sa kanya dun na mga bes. Yung linyang pinractice ko na “Ma, Nay, CPA na ako” eh naging isang mahinang iling na lang. </3 Umiyak na ko ng todo. Alam niyo yung ngawang baka. Ganon! Hindi niya alam kung pano ako patatahanin. hahaha! Ang sakit eh! Yung plano ko nawalang lahat. Biglang hindi ko na alam mangyayari sakin sa sakit. Naisip ko yung mga magulang ko na nadisappoint ko pero hindi nila magawang magpakita ng disappointment kasi durog na durog ako.
Pero pagkatapos non nagsimba kami at nagpasalamat ako sa Kanya. Napangiti ako habang nakatitig ako sa Kanya. Narealize ko na may tinupad siya sa mga prayers ko. Naalala ko kasi tuwing magdadasal ako during review and actual boards ang hinihiling ko non sana bigyan Niya ako ng inspirasyon para magpatuloy, ng courage para masagutan ko bawat tanong at ng presence of mind para hindi ako ma-mental block. Laging nasa hulihan ng prayers ko na sana maging CPA ako. At habang naghihintay ng result ang prayers ko naman ay sana bigyan Niya ako ng maunawaing puso (naks) at malawak na pag-iisip para tanggapin kung ano man yung inilaan Niya para sakin tapos sa hulihan ulit ng prayers ko “pero sana G, maging CPA po ako”. Binigay niya sakin lahat ng dasal ko pwera lang yung huli. Pero alam niyo bang yung sakit temporary lang? Hindi ko alam kung pano nangyari pero totoo. Pagkatapos kong umiyak, wala na. With all honesty, hindi sumagi sa isip kong tanungin Siya kung bakit. Yung mga kaibigan ko na kausap ko kinagabihan hindi naniniwala kapag sinasabi kong okay lang ako. Dahil alam nila kung gaano ko kagusto ‘to. Alam nila kung gaano ako naghirap para dito. Pero dahil alam kong hindi naman sa ganito lang natatapos ang lahat, kaya hindi parin ako pinanghihinaan ng loob.
Sabi ko noon hindi ko kakayanin kapag bumagsak ako. Ano na lang sasabihin ng mga tao sa paligid ko? Yung mga kaibigan kong nag-aabang din at yung mga kaibigan kong *ehem* CPA na. Nakakahiya. Linyahan ko dati yan. Ayan tuloy pinatuyan Niyang kaya ko pala. huhu hahaha! Pero habang papalapit yung exam, nawalan na ko ng pake. Dalawa na lang kasi yung nasa isip ko. Si Lord at yung mga magulang ko. Guys, walang dapat ikahiya. Hindi ko ‘to sinasabi para lumakas ang loob niyo. Sinasabi ko ‘to kasi ito yung totoo at dapat. Tatanungin kita, nakakahiya bang halos isacrifice mo na lahat? Nakakahiya bang inilaan mo yung huling 5 taon at 5 buwan ng buhay mo para sa pangarap mo? Nakakahiya bang ultimo pagligo parang ayaw mo ng gawin kasi sayang sa oras? (hmm hahaha) Walang nakakahiya don. Kaya tayo nahihiya kasi iniisip natin ang sasabihin ng ibang tao. Bakit hindi mo isipin yung tingin sayo ni Lord. Guys hindi nabawasan ang pagmamahal Niya satin. Kahit kelan hindi Niya tayo kinahiya. Diba nga we are all doing this for Him. Kaya wag na magmukmok. Pwedeng malungkot pero wag mong tambayan. Move on ka gaya ng pag-move on mo sa ex mo. Take a break because you deserve it. Gawa ka ulit ng back up plan. Gusto mong mag full time review? Go. Gusto mong magtrabaho at mag-take ulit. Go. Basta wag mong kalimutang ipagdasal na sana tama yung desisyong gagawin mo. Kaya natin ‘to! Walang CPA na quitter! :)
And to those who passed the October 2016 CPA Board Exam, congrats guys! Ang galing niyo! Bilib talaga ako sa inyo. :)
Lakasan lang ng loob guys! Bawal ang di matapang :)










