The Road to RPm: An Anecdote
Ang Paghahangad.
Oktubre 2014 unang idinaos ang licensure exams para sa mga naghahangad na maging Registered Psychometrician (RPm) at Registered Psychologist (RP). Ang nasabing pagsusulit ay alinsunod sa RA 10029 o mas kilala sa tawag na “Philippine Psychology Act of 2009”.
Ilang araw matapos ang dalawang araw na pagsusulit, inilabas ang resulta, The Pioneers. Isa ako sa mga nag-abang ng resulta hindi dahil sa kumuha ako ng nasabing pagsusulit kung hindi dahil gusto kong alamin ang resulta ng mga kumuha mula sa Letran Calamba. Ang aking tanong sa sarili, “ilan kaya ang pumasa?” Hindi ko alam kung anung magiging reaksyon ko sa resulta. Tatlo (3) mula sa tatlumpu’t tatlo (33) ang pumasa mula sa aming Colegio, 9.09% passing rate. Natuwa ako syempre para sa mga pumasa ngunit bahagyang nalungkot dahil kaunti lamang sila. At kinalaunan, kinabahan. Ang aking bagong tanong sa sarili, “papasa kaya ako?” Bilang aking defense mechanism, inisip ko na lamang na una pa lamang naman ito, wala pang ideya kung ano ba talaga ang lalabas sa pagsusulit (bukod sa paglalabas nila ng Table of Specifications). Siguro sa susunod, may mga feedback na na maaaring gamitin bilang paghahanda. At tulad ng lagi kong sinasabi, “kaya yan!”
Mga Paghahanda.
Nagsimula akong mangolekta ng mga magagamit ko para sa aking review, PDF books mula kay kaibigang torrent. Ngunit aaminin ko sa inyo, dahil may pagkatamad ako, nagpakahipokrito lang ako at minsan lamang magbuklat.
Pebrero 2015 nang maibalita sa akin ng aking kaibigan na simula na ng enrollment sa SPARK, na noong mga panahong iyon ay ang pinakamatunog na review center, at kung saan nagreview ang tatlong pumasa mula sa Letran. Napagdesisyunan naming magkakaibigan na magenroll. Hindi pa man kami nakakatapos sa mga pang-akademikong kinakailangan para makapag-martsa ay may bago na naman kaming pinasok. Tuwing Linggo ang kinuha naming araw ng klase. Dito ko nakita sa sarili ko ang pagnanasa kong maging isang RPm. Ang aking sambit sa sarili, “kaya ko to! Kakayanin ko to!”
Nagsimula ang klase. Lecture sa Theories of Personality ni Dr. Homer Yabut (2 session), Abnormal Psychology ni Dr. Ron Ressureccion (3 session), at sinundan ng Achievement Exams at Rationalization sa dalawang naunang subject. Nang matapos ay ipinagpatuloy ang lecture Industrial/Organizational Psychology ni G. Joffre Chua (2 session) at Psychological Assessment nina G. Chester Lee at Gng. Katrina Ressureccion (3 session) at sinundan din ng Achievement Exams at Rationalization sa dalawang huling subject.
Hindi naging madali para sa akin ang review; may mga sandaling hindi ko talaga maintindihan ang isang konsepto o teorya, ano ba talaga ang gustong palabasin ni Rollo May?; ano ba’ng pinaghuhugutan ni Adler?; ang 11 corollary ni Kelly; aking paghihimutok, “anung mga kalokohan to?!” Mga pagkakataong malilito sa pagkakaiba ng OCD at OCPD, ng Bipolar I at Bipolar II, schizotypal at schizoid, maging ang pag-a-adjust ng natutunan ko mula DSM 4-TR patungong DSM 5, at ang pagsasaulo ng mga diagnostric criteria (na hindi ko naman ginawa dahil sinukuan ko na). Maging pagintindi sa mga teknikal na konsepto ng test development, reliability at validity, ethics at statistics. At higit sa lahat, kung saan ako pinakanahirapan, ang paggising sa umaga tuwing Linggo at bumyahe ng halos dalawang oras patungong Quezon City para pasakitin ang ulo. Inaamin ko, dahil sa sobrang antok at kawalan ng interes sa tinuturo ng nasa unahan, madalas nakakatulog na ako sa klase.
Naghanda ako para sa Mock Board Exams. Nagbasa ng mga libro at handouts, at inaral ang mga pagkakamali sa nagdaang Achievement Exams. Dumating ang araw ng mock, at ako ay bumagsak. Nawalan ako ng tiwala sa sarili, nasabi kong baka hindi ko kayanin ang mismong board exam pero hindi ako sumuko. Dito ko sinimulan ang “seryosong” pag-aral. Sa pangalawang Mock Board, bahagyang tumaas ngunit bagsak parin. Di parin sapat na makaabot sa 75% na passing percentage.
Patuloy sa pagbabasa sa pagtatapos ng mga sesyon ng review. Nag-apply sa PRC upang makakuha ng pagsusulit. Bumalik sa pagbabasa hanggang sa dumating ang pinakahihintay ngunit pinakakinakabahang araw, ang araw ng board exam (July 21-22, 2015).
Ang mismong araw, July 21-22, 2015.
Aminado ako sa sarili ko na hilaw pa ako sa review. Kulang na kulang pa. Pero kailangan ko ng harapin to. Sabi ko sa sarili, “bakbakan na to! Bahala na.” Habang papuntang Mendiola, kung saan ako nakadestino para kumuha ng pagsusulit, ay nagtataka ako sa aking sarili sapagkat hindi man lamang ako nakaramdam ng kaba, ni hindi nga ako kampanteng makakapasa ako. Isinantabi ko muna ito, nag-agahan muna ako pagkatapos ay pumila papasok ng La Consolacion. Sa loob ng mismong kwarto, naghihintay na ang proctor. Habang naghinintay, sinamantala ko ang pagkakataon na ito para manalangin, magpasalamat at humingi ng liwanag. May mga paunang proseso at ganap na alas-otso sinimulan ang unang subtest, Theories of Personality. Matapos ang tanghalian, sumunod ang Psychological Assessment. Ganoon din ng pangalawang araw na sinimulan ng Abnormal Psychology at sinundan ng Industrial Psychology. Sa bawat subtest at mayroon kang tatlong oras para magsagot. Ang aking teknik, sa unang pasada, sagutan muna ang mga tanong sa questionnaire, iwanan ang mga tanong na hindi alam. Sa pangalawang pasada, balikan ang mga hindi alam na tanong at pag-isipan. Sa pangatlong pasada, magsimula sa umpisa, reviewhin ang mga sagot at mag-shade sa answer sheet. Bago ipasa, dinadasalan ko muna ang bawat answer sheet ko. Nakakatawa, pero oo, ginawa ko yun. Nairaos ng maluwalhati ang dalawang araw. Isa lang ang maibibigay kong komento, nakakapagod. Bago umuwi, sinamantala ko rin ang pagkakataon upang bumisita sa dambana ng St. Jude.
Ang Resulta.
Hulyo 31. Nagsimba ako sa parokya dahil may misa ng Pagaaala-ala kay San Juan Bosco. Matapos ang misa, nakatanggap ako ng ilang mga text at missed call. Mga mensahe ng pagbati. “Congratulations, Mr. RPm” “CONGRATS PARE!!” “Bro, RPm ka na!” Nagulat ako. Hindi pa ako naniniwala nung una hanggang sa may natanggap ulit akong tawag, na kaparehas ng mga naunang pagbati. Dali-dali akong umuwi upang kumpirmahin. Nagmamadaling nagpunta sa website ng PRC at tiningnan ang Roll of Successful Examinees. At totoo nga.
1046 LAUDE, JORGE MANUEL CORTEZ
Wala akong sambit kundi, “thank you, Lord!” Nangiyak sa tuwa ang aking ina at lola, at maging ang aking mga kapatid ay galak na galak na ipinamalita. Sabi pa ng aking ama ay para daw tumalon ang kanyang puso sa tuwa. Tila proud na proud sila sa nakamit ko. Maging ako, ay walang paglagyan ang kasihayan dahil hindi talaga ako umaasang makakapasa ako. Dumagsa na rin ang mga chat at comment ng pagbati sa Facebook, Twitter at Instagram.
Mga Pagsubok
Tunay nga ang kasabihang “Nothing worth having comes easy.” Maraming pinagdaanan ang tagumpay kong ito. Mula sa pag-aaral, paglaban sa katamaran, ang magnet ng Facebook-Twitter-Instagram, paggising sa umaga, pagod sa byahe, sakripisyo, gastos, pressure, emosyonal na pakikipaglaban, tiwala sa sarili, kawalan ng morale, tawag ng kaibigan at alak at kung anu-ano pa. Hindi ko nalagpasan ang lahat ng yan, minsan pinili ko rin na ma-satisfy ang id ko, pinili ko rin matulog ng sobra, magpakalango sa alak kasama ang kaibigan. Dumating din ako sa punto na nagdalawang isip ako kung magttrabaho na ba ako o ilalaan ko muna ang oras ko sa review dahil ayoko rin isakripisyo ang pangarap kong maging RPm. Dahil nawalan narin ako ng morale, di pa man nakakakuha ng pagsusulit ay inumpisahan ko narin tanggapin na hindi ako papasa, move-on na kaagad kumbaga. Ngunit mayroon akong isang sandata para matapang na harapin ang mga pagsubok na ito, walang iba kundi rosaryo at panalangin.
Visita Iglesia, kahit hindi panahon ng Kuwaresma
Ilang araw bago lumabas ang resulta, nagkaroon ako ng isang job interview sa Makati. Maaga akong umalis upang hindi ma-late, tatlong oras bago ang aking interview. Ngunit pagdating ko sa Alabang, heto na ang matinding traffic. Inabot ito hanggang Dela Rosa sa Makati. Sa madaling salita, na-late parin ako, ngunit tila sinasadya ito ng tadhana. Nagpasya akong hindi na tumuloy, nagpadala na lamang ako ng mensahe sa employer. Nag-isip ako kung saan ako pupunta. Dahil nasa Makati narin lang naman ako, sinamantala ko na ito upang bisitahin ang simbahan ni San Juan Bosco, nanalangin at nagtirik ng kandila para sa aking mga personal na intensyon. Matapos ay sumakay ako ng jeep papuntang SM Makati hindi para mag-mall kundi upang sumakay ng MRT. Ang susunod kong destinasyon, ang simbahan ng Sto. Domingo sa Quezon City. Nanalangin sa harapan ng Ina ng Santo Rosaryo, La Naval de Manila, at muli nagtirik ng kandila. Mula Sto. Domingo ay sumakay ako ng jeep byaheng Lawton ngunit bumaba na ako ng Morayta para sa susunod kong destinasyon, ang dambana ni St. Jude sa Malacanan Compound. Matapos doon ay inabot na ako ng gutom kaya’t nagpasya akong kumain muna sa McDo Recto. Bago umuwi ay dumaan muna ako sa simbahan ng Quiapo. Pumila sa pahalik ng Poong Nazareno at saglit na namalagi sa loob ng simbahan upang manalangin. Sa Lawton, may byaheng Calamba at doon na ako sumakay pauwi.
Nakakapagod ang araw na iyon pero fulfilling. Siguro para sa inyo sobrang desperado ko naman dahil lahat na ng mga simbahan ng milagrosong banal o santo ay pinuntahan ko pa. Oo masasabi kong desperado ako dahil simula’t sapul ay hindi ako kampanteng makakapasa ako, pero hindi ako sumuko dahil sa kawalan ng morale, dahil alam kong mayroon pa akong pag-asa, sa tulong Niya. Patunay din lamang ito na kahit sobrang tamad ko, kahit sobrang daming kalokohan ang ginawa ko sa buhay, kahit napaka-makasalanan ko, ay hindi parin nawawala, bagkus ay lalu pang tumitindi, ang pananampalataya ko sa Kanya.
Para sa mga RPm-to-be
(Hindi lamang sa mga naghahangad na maging Psychometrician, kundi para sa lahat ng kukuha ng licensure exam sa kani-kanilang mga larangan.)
Wala akong ibang maibabahagi sa inyo kundi itong karanasan ko. Hindi ako yung tipo ng estudyante na irerespeto nyo dahil hindi naman ako matalino. Laude ako sa apelyido pero hindi ito napanindigan ng Transcript ko. Oo, nakakalasap din ako ng palakol sa final grade. Ano’ng gusto kong iparating? Hindi mo kailangan maging matalino para maging RPm. Dahil ang kauhawan sa kaalaman, nasosolusyonan yan. Paano? Magsumikap sa pag-aaral. Pero hindi yan ang nangunguna sa aking listahan. Para sa akin, bago ka magsumikap sa pag-aaral, pag-aralan mo munang mahalin ang Sikolohiya. Ang nag-aalab na hangarin mong maging RPm, yan ang pangunahing susi dahil mas madaling maintindihan ang inaaral kapag mahal mo yung inaaral mo, kapag matindi na yung hangarin mo. Ako, personally, sa totoo lang, nung una, hindi ko mahal ang Sikolohiya, pero natutunan ko syang mahalin. Kaya ngayon palang, kapatid, kung gusto mong maging RPm, mahalin mo ang Sikolohiya. Mangarap ka, wika nga ng isang kanta, dinggin ang tawag ng iyong loob.
Kung sa tingin mo naman kulang ka sa kaalaman, wag kang mag-alala, madali lang yan. Nandyan si Feist & Feist, Comer, Kaplan & Saccuzzo, Cohen & Swerdlik, Aamodt at ang bibliya ng Psych, ang DSM 5. Anung gagawin mo? Wag mong titigan! Magbasa ka. Kung nagbabasa ka pero hindi mo maintindihan, at may pera ka, nandyan ang mga review center natin. Para ka lang nanliligaw. Di naman agad-agad mamahalin ka ng nililigwan mo, sabi nga si Lola Nidora, paghirapan mo, mageffort ka. Magtiwala ka sa sarili mong kaya mo. Kung bumabagsak ka, eh ano? Aral ulit! Magpaturo ka sa kaibigan mo kung kinakailangan. Matutulungan ka nila. Tulungan nyo ang isa’t isa. Magkaroon kayo ng support group. Maghilahan kayo pataas. Wag kang basta-basta mawawalan ng pag-asa. Di ka mauubusan ng solusyon na pwedeng gawin.
Wag mo rin papabayaan ang study-life balance mo. Importante parin ang kumpletong tulog, at ang bitaminang makukuha sa lambanog, gin, Emperador, at Alfonso. Hindi ko sinasabing mag-inom ka araw-araw. Ang gusto kong sabihin, wag kang masyadong magpaalipin sa inaaral mo. Kung ayaw tanggapin ng utak mo, wag mong pilitin. Magpahinga ka. Magsaya ka ‘muna’. Sumama ka sa kaibigan mo. Bihirang pagkakataon yan. At kapag nasa momentum ka na, wag ka na magpaistorbo. Rak na yan!
At higit sa lahat, magdasal ka. Ayan ang araw-arawin mo, kapatid. Kung may rosaryo ka, wag mo lang ipang-display yan, gamitin mo. Magpuri at magpasalamat ka, humingi ka ng tawad sa mga kalokohan mo, idalangin mong gabayan na Niya, at bigyan ng talino at liwanag ng kaisipan. Maniwala ka sakin kapatid, ito ang pinakamabisang sandata. Subok na to!
________________________________________________________________________________________
Para sa mga nangangarap at naghahangad na maging isang RPm. Para sa mga naniniwala sa kapangyarihan ng panalangin. Para sa inyong lahat ang kwentong ito.
Sumasaludo,
Jorge Manuel Cortez Laude, RPm
















