Altar (Short Story)
By: Kwen Cordenete
Dumating na ang araw na pinakahihintay ko, pinaghalo-halong kaba, takot, lungkot at saya ang nadarama ko ngayon. Ito ay araw na talagang tatatak sa puso at isipan ng bawat taong nagmamahal. Kahit 'di pa ko tapos sa paghahanda ay tinungo ko ang kwarto nya. "Teka!!! Diba bawal muna kayong magkita?". Hinarang ako ng kanyang kuya, na simula pagkabata ay kaibigan ko na. "Ay, oo nga pala nakalimutan ko" ngumiti ako sa kanya at bumalik sa aking kwarto. Ngunit 'di ko mapigil ang gigil ng puso ko, gusto kong makita kung gaano kaganda ang babaing simula pagkabata ay minahal ko na. Gusto kong makita ang nakakaakit nyang mga ngiti na siguradong magbabalik sakin sa nakaraan kung gaano kami kasaya sa ilalim ng puno ng mangga. At isang katok ang pumutol sakin mula sa nakaraan, "Magsisimula na po". Biglang nangatog ang mga tuhod ko, nagtatalo ang isip kung itutuloy ko pa ba o tatakbo nalang palayo. Tumunog na ang dambana, hudyat na magsisimula na ang pagguhit sa kasalukuyan at mawawaksi na ang nakaraan. Sa paglabas ko, tanaw ko na ang mga mata nyang gustong magpakawala ng luha, tinatagan ko ang sarili na huwag umiyak dahil baka masira ko pa ang araw ng lahat. At sa pagtatagpo namin sa gitna, alam ko na may mamagitan sa kasalukuyan at nakaraan, yun ay ang altar. "Father simulan na po natin ang kasalan", tila sinampal ako ng kasalukuyan at dito na magtatapos ang nakaraan samin ng babaing mula pagkabata ay patago ko ng minamahal.















