Sa mga panahong kumukunot na ang noo
Nagtataka sa takbo at lakad ng mundo
Nagtatanong kung bakit ganito at paano
Kapag masyado nang matulin ang agos ng ilog
Kapag lahat ay nakatuon patungong dagat timog
Sa ganda ng mga bulaklak ay wala nang umiirog
Habang pinagkakaabalahan ng ilan ang pagtunganga
Naghihintay sa pagdating ng himala
Kinaliligtaan ang nakapaligid nang biyaya
Sa tuwing sarili’y ‘di mahuli, ‘di makita
Para bang nawawala’t nagwawala
Naghahanap ng makikinig sa kanya
Gaya ng pagsang-ayon ng saranggola sa hangin
Luimilipad na may makukulay sa buntot at kawayang tingting
Bulong ng grabidad ay ‘di pinapansin
Dahil sa oras na hindi sapat ang boses para sumigaw
Panulat ang s’yang magsisilbing karatula mo’t ilaw
Upang tawagin kahit minsan, pansin ng kanilang balintataw
Kung umunawa’y walang mintis
Kahit panga ay nangangawit
Mga matang tila buwang kalahati
Sa tuwing masasalubong mo sa tabi
Sa kaibigan nga’y walang pinipili
Mayaman, mahirap, maganda o hindi
Masasandalan, nakaupo man o nakatayo
Maaaring kapitan, barangay ma’y sa Tondo
Malalapitan, kahit gaano pa kalayo
Salamat sa peysbuk at teleponong makabago
“Babaeng ito’y wala namang iniinda
Lubhang masiyahin kaya’t bakit kaya?
Paano mangyayari itong bali-balilta?
Hindi parin kami makapaniwala!”
Mabilis na umugong sa buong bayan nila
Malungkot na sinapit ng isang dalaga
Nagulat ‘pagkat hindi nila nahalata
Kanila noong akala, maling-mali pala
Dahil... Bawat ngiting bumabalot sa mukha
Nagkukubli pala ng kawalang pag-asa
Bawat tawang pinakakawalan niya
Tumatakip sa lungkot na dinarama
Walang nakaaalam kundi siya
Walang nagtatanong kung ayos lang siya
Hindi rin naman s'ya makapagsalita
Hindi naman kasi sila maniniwala
Kaya't bawat patak ng luha sa mata
Pinupunasang bigla bago nila makita
Hanggang isang araw, panyo'y napuno na
Lubid sa leeg ang nakitang kasangga
Brotsa, pintura, kahoy na mahaba
Ako’y gumawa ng sariling karatula
Doon isinulat nang malaking bahagya
Itong isang maikling kataga:
“Hiling ko ay umulan sana
Bumagyo’t bumaha sa buong kalsada
Bukas – at ang taas ay kagaya
Noong panahon ni Yolanda”
Walang pag-ibig sa kapwa tao
Bakit daw hiling ng tulad ko
Tila iyong hindi makatao?
Masalanta’y hindi raw biro
Kaligtasa’y hindi masisiguro
Maraming buhay ang apektado
Masisira’t ‘di agad mabubuo
Ako’y gulat sa kanilang sambit
Ibig ko’y ‘di nila batid –
Pangarap ng mga tulad kong paslit
Ayaw lang sa isang iglap ay mapatid
Marami pa silang mararating
Mas malayo sa paputok na kaya nilang ihagis
Marami pa silang haharapin
Hanggana’y ‘di ang mga pulburang may hugis
Kaya’t aking hiling, hindi ko babaguhin
Bagong Taon sana ay salubungin
Ng ingay ng ulan upang tayo’y minsang pigilin
Sa paglikha ng sariling ingay at panganib
Bawat daliri’y mahalagang lubha
sa pag-abot ng pangarap ng mga nilikha
Panalangin ko’y dinggin sana
Marami pang susulat – at magiging makata
Ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 2017.