Ilang linggo na ang nakakaraan nang tawagan ako ng ex mo. Oo. Magkaibigan kami. Alam niyang nagkaroon ng “tayo” at alam ko ring nagkaroon ng “kayo”. Pero wala akong pakialam doon. Wala kaming pakialam doon. ‘Di namin pinag-usapan ‘yon kahit kailan; nitong nakaraan lang.
Minahal kita. Alam mo ‘yan. Tanginang nagkasira-sira direksyon ko sa’yo. Tanginang nagkalabo-labo ‘tong loob ko. Okay na ko e. Titigil na ko sa mga kahibangan. Babalikan ko na nga ‘yung pinakamatagal kong minahal. Pero hindi. Pinili kita. Kaya nga ‘ayun. Wala nang tiwala sa’kin ngayon ‘yung “pang-matagalan” at “pang-kasalan” ko. Iniwan ako. Sabi ko kasi, pag sa’yo, “exciting”; sabi ko “bago”. Gago.
First year college palang nagparamdam ka na. Kinuha mo pa nga number ko. Kaso wala kong interes noon ‘di ba? Laki ng galang ko sa’yo. 2 years ahead ka sa’kin e. May pag ”po” at “opo” pa ako.
Second year college ako nang sabihin mong ikaw pa ang manliligaw. Gagawin mo kamo lahat. Sumige naman ako. Hinayaan kitang ulol ka hanggang sa ayun, nahuli mo ‘ko. Nahuli mo puso ko. Tanginang galing mong sumisid. Nagmamalalim na ko’t lahat, nabitag mo pa rin.
Binuksan ko pa bahay ko sa’yo noon. Wala namang official na tayo. ‘Di kasi ako mahilig sa pormal na relasyon. Nakakapunta ka sa bahay. Nagkakasama tayo. Alam ng close friends ko ‘yung atin. Alam nila ‘yung “tayo”.
Okay ka naman. Sweet ka naman. Gusto mo magkatext at magkatawagan tayo. Gusto mo lumalabas tayo paminsan-minsan. Kaso gago ka talaga. Ilang beses na kitang ginustong iwan. Ilang beses ko nang ginustong tapusin. Pero di ba may paghabol at luhod ka pa? May pag-pangako ka pa sa harap ng mga akala ko e kaibigan ko?
Pagkatapos no’n, hinayaan kitang landiin ako. Kaso pwe. Nakakasawa ka. Ilang months din naman tayong naging “tayo”. Bukod pa ‘yung kinginang landian lang.
Ngayong incoming fourth year college na ko, hindi ba’t gustong-gusto mo pang makipagbalikan? Noong nakipag-reconcile ako sa’yo, iba gusto mong mangyari. Sinabihan lang kitang pinapatawad na kita pero ang gusto mo bumalik tayo sa dati. Sinampal na kita ng hindi, gusto mo pa rin.
Tangina. Akala ko ‘yung guluhin lang ‘yung buhay ko ‘yung kasalanan mong dapat kong patawarin. Akala ko ‘yun lang. Salamat sa kaibigan kong ‘to. Nang mag-usap kami tungkol sa’yo, nalaman naming sobra-sobra mo kaming niloko. Sabay pala kami. Mas una lang siya. Noong binreak ka niya, sa’kin ka pa napunta. Habang sinasabihan mo pala kong mahal mo ako, siya pala ‘yung ini-imagine mo.
Hindi lang ‘yun. Bukod sa ginawa mo kong kabit at panakip-butas, literal na pinaglaruan mo pala ko. ‘Yung mga sinasabi mo sa’kin, recycle lang pala lahat. ‘Yung mga pinapangako mo, recycle lang pala lahat. Sarap mong ibasurang gago ka.
Ibig palang sabihin, habang magkasama tayo noon, pinagtatawanan ako ng mga kaibigan mo. Alam kasi nilang pinaglalaruan mo ako. Alam kasi nilang ginagamit mo ako.
Natawa pa ko habang magkausap kami. Noong may tayo, isinama mo ako sa SM. Bibili ka kamo ng relo. Dalawa ang binili mo. Ako pa pinapili mo kung anong maganda. Sabi mo ipanreregalo mo ‘yung isa. Tangina ka. Ipinangregalo mo nga. Ipinangregalo mo sa kaniya. Nasan ang konsensiya mong hayop ka?
Hindi na kita mahal. Matagal nang hindi. Pero masakit. Masakit malaman ‘tong lahat. Hirap na hirap na kong magtiwala. Nang malaman ko pa ‘yan, mas naging basag-basag pa ang pagtitiwala ko sa mundo. Durog na durog ako. Awang-awa ako sa sarili ko. Natikman ko na yata lahat ng pait. Salamat sa’yo, gago.
Ang tindi ng pandidiri ko sa sarili ko. Ang tindi ng galit ko sa sarili ko.
Alam mo ba? Pinanalangin kong karmahin ka. Pinanalangin kong balikan ka ng karma ng may interes na kasama.
Wala akong gagawin na kahit ano laban sa’yo bukod do’n. Ipagpapaubaya ko na ‘yan sa taas. Gusto ko lang itong ilabas. Galit ako. Galit na galit. Basag ako. Basag na basag. Nasasaktan ako. Masakit na masakit.