Pasensya na, hindi ko kasi alam kung papaano ko ito sisimulan. Hindi rin ako sigurado kung mayroon ba talagang katumbas sa Filipino ang salitang traffic. Pero sana maaliw naman kayo sa munting istorya na ibabahagi ko. Kung antukin man kayo, gora lang bes. Medyo inaantok din kasi ako noong sinusulat ko ‘to. Pero, huwag niyo naman akong tulugan. Sayang naman pinag-puyatan ko. Binayaran ng eyebags ko ‘to.
Noong Linggo, habang ako’y nakahiga sa kama, tumunog cellphone ko. Niyaya akong ng kaibigan kong umalis. Pumayag ako. Pumayag ako kasi tinatakasan ko mga responsibilidad ko sa eskwela; pumayag ako kasi alam ko sulit. Ang sarap kaya sa pakiramdam ng ganoon. ‘Yung magkaroon ng kaibigan na ikaw ang maaalalang yayain kapag Linggo. Eh diba, yung Linggo eh “family day.” Parang itinuring na rin niya akong pamilya niya. Pero ewan, siguro medyo nag-feeling lang ako noong naisip ko ‘yan.
Ayon nga, umalis kami. Sinundo ko siya sa may McDonald’s Nepo Quad.
Segue lang ah? ‘Yung McDonald’s na ‘yan, testigo ng mga iba’t-ibang emosyon ng mga tao. Dyan nangyayari ‘yung mga “Kita kits 9AM! Kapag wala ka, sana magkaroon ka ng tilis sa pwet.” Okaya ‘yung mga “Hi sis! Color yellow suot ko. Dala ko na rin ‘yung order mo na Gluta pills. Sana mabayaran mo na ng buo. Thx.” Meron din naman mga “Usap tayo, babe.” Pero ang pinakagusto ko sa lahat ay ‘yung “Gusto mo bang dumoble ang 3K mo sa loob ng isang linggo?”
Namumuo na ang trapik sa may Nepo kaya agad ko siyang tinext “Labas ka na.” Lumabas siya. Syempre, alanga naman lumipad siya. Oh diba? Medyo tumatalab na ang tsokolateng kanina ko pa kinakain. Itinigil ko ang kotse para makapasok siya, syempre alanga naman pahabulin ko siya, diba? Noong pagpasok niya, natuwa ako. Natuwa ako kasi parehas ‘yung kinang ng aming mga mata. Ang tagal ko siyang hindi nakasama. Nag-break na si Taylor Swift at Tom Hiddleston. Nakapag-release na rin na ng bagong album si Frank Ocean. May itinayo nang bagong mall na tinaguriang Newpoint. Dumagdag na ang stretchmarks ko. Nagkaroon na rin ng kuko ‘yung pinakadulo kong daliri sa paa. Iilan na ang nangyari, pero ngayon pa lamang kami magkakasama ng ganito.
Dumaan kami sa Carmenville para agad kami makapunta sa Friendship hi-way papuntang SM Clark. Natatakot kasi akong dumaan sa may intersection papuntang Porac. Palaging trapik.
Segue ulit. Simula third year high school ako sa Holy Family Academy, sira na ‘yung stoplight ‘don. Siguro, mga isang linggo ko lamang naranasan ‘yung stoplight noong doon pa ako nag-aaral. Pero naalala ko, may isang traffic enforcer na nakakaaliw nakikita doon kasi kahit sobrang traffic at buhol buhol na ang mga sasakyan, naka-ngiti at may konting kiliti pa rin sa kanyang mga galaw. Ganoon ‘yung mga taong gustong gusto kong nakikita— ‘yung kahit nahihirapan na, tuloy parin para sa ikaaunlad ng sitwasyon ng iba.
Tumatakbo na ng 60km/h ang sasakyan sa loob ng Clark. Tumatakbo na rin ang aming mga isip. Sa paglalakbay namin mula sa McDonald’s hanggang sa Clark, marami rami na rin ang aming napag-usapan. Napaka-swabe nga eh. Tuloy tuloy lang at walang hinto. Siya kasi ‘yung taong, bawat lumalabas sa bibig mo pinakikinggan niya at tinutuunan ng pansin. Hindi ko alam kung dahil sa kurso niyang Psychology, o dahil naranasan niya na dati na hindi pinakikinggan ang bawat salita at emosyon na kanyang ibinabahagi sa ibang tao. Napansin ko rin sakanya na hindi siya nakikinig para lamang may sabihin siya sayo, nakikinig siya para intindihin ka niya.
Siya rin ‘yung taong alam na alam na may problema ka. ‘Yung tipong itetext mo lang sakanya “Hi” pero agad niyang sagot sayo “Nasan ka? May problem ba?” Ang bilis maging paranoyd, pero madalas alam niya kung anong nangyayari. Anim na taon ko ba naman kaibigan. Buti nalang hindi pa siya sawa sa mga corny kong biro.
Papalabas na kami ng Clark Main Gate, pero nakikita ko na ang pila ng iba’t ibang uri ng sasakyan. Nagsisimula na rin akong kabahan. Alam niyo ‘yung kaba na nasa eskwela ka na tapos biglang sasabihan ka ng kaklase mo, “Nagawa mo ba ‘yung 10 page essay na homework natin?” GANON BES.
Hindi ko alam dati na ‘yung spelling pala ng segue ay segue. Akala ko Segway. Buti na lang at sinabi niya sa akin na ganyan pala talaga spelling. Niligtas niya ako sa mga darating na kahihiyan.
Kung madalas kayong dumadaan sa Main Gate ng Clark, mapapansin niyo ‘yung dalawang linya. ‘Yung isa para sa may mga sticker, at ‘yung pangalawa para sa mga wala. Dati hindi naman ito pinapatupad. Kahit saan ka pa dumaan, okey lang. Pero naalala ko noong si papa ko dumaan sa may “With Sticker”, hinarangan kami ng guard. Bawal daw ‘don. Kaya simula noon, natuto na akong dumaan sa tama. Natuto na rin akong lumugar sa iba’t ibang aspeto ng buhay.
Mabuti nang malaman niyo ngayon pa man na ang inilakbay namin na halos 30 minuto papunta sa gusto naming paruonan ay nauwi rin sa 5 minutong pagtapak namin sa loob ng SM Clark. Mas mabuti rin kung sasabihin kong ang paglabas namin sa SM Clark ay inabot ng mahigit 20 minuto. Ano nga ba ang punto ng lahat ito?
Humanap ka ng taong magpapakalimot sa’yo sa mga hirap ng buhay. Hindi mo naman kakalimutan, pero bibigyan ka niya ng bagong perspectibo kung paano mo titingnan ang mga dinaranasan mong hirap. Kagaya ng pagdanas ko sa trapik. Sa bawat lugar kung saan mayroon trapik, doon ko tiningnan na mayroon palang mga ala alang mabuti at may aral na matututunan.
Sumama ka sa mga taong magpapaalala sa’yo ng mga magagandang bagay sa mga pinakasimpleng lugar. ‘Yung susulitin ang bawat minutong kasama mo sila sa loob ng sasakyan. Kagaya ng aking kwento, ang trapik ay ang mga galit, inis, o lungkot na emosyon na pilit umiikot sa’yo. Kaya hanapin mo ‘yung taong papawi sa mga iyon at babalutin ka ng kasiyahan at gaan ng loob.