Bakit ka naghihintay?
Minsan masarap lumingon, masarap umalala sa mga panahong sadyang lumipas na. Ngunit hindi mo namamalayan, unti unti ka na palang nilalamon ng kahapong hanggang ngayon ay di mo pa rin mabitawan. Tila kahapon lang noong huli kang nagmahal, noong inialay mo ang iyong buong pagkatao sa taong akala mo'y 'Siya na'.
Sa madaling salita, nasaktan ka. Nabigo. Gumuho ang mundo. Nasira ang pangarap. Nawalan ng saysay ang mga planong nililok niyong magkasama. At higit sa lahat, ngayon, Ika'y nag-iisa. Walang kahit ano, walang kasama.
Gumigising ka ng walang sigla. Hindi alam kung saan patungo. Walang maisip na rason sa likod ng bawat paghinga. Ang dating umagang puno ng sigla na may kasama pang naghihintay na masarap na pagbati niya ng 'magandang umaga'; ngayon, wala na. Minsan iniisip mo, mabuti pa ang kandila. Naupos ang apoy hindi dahil inihipan ng hangin, kundi dahil sa naabot na nito ang katapusan. Ang dulo. Ang wakas. Ang buhay niya bilang kandila ay naging ganap, di tulad mo, nawalan ng saysay sa isang iglap. Biglaan. Walang paalam.
Pinilit mong magpumiglas sa mahigpit na yakap ng iyong higaan. Inusisa mo ang bawat sulok ng iyong kwartong hanggang ngayo'y puno parin ng alaala niya. Kay aga mong pilit nilabanan ang pagpatak ng mga luha. Sa kasamaang palad ay di ka nagtagumpay. Tila mas naging malabo ang hinaharap dahil sa namumugto mong mata. Mga matang saksi sa saya ng pag-iibigan niyo noon, matang laging umiiyak ngayon dahil sa lumbay ng mga alaala ng kahapon.
Dahan dahan mong tiniklop at isinaayos ang kobre kama, iyong madalas niyong gamitin kapag dumadalaw siya. Tinitigan mong maigi ang iyong higaan. Ang dati'y kulang sa espasyo, ngayo'y tila ang luwag na, dahil nga, wala na siya. Muli, lumuha ka.
Ito ang araw araw mong pinagdadaanan sa pagmulat ng iyong mata.
Ito ang nakasanayan mo na.
Pero tanong ko sa'yo, bakit ka naghihintay?
Lumabas ka ng kwarto. Bumungad sayo ang hagdan kung saan madalas akay akay ka niya paakyat tuwing nalalasing ka. Naaalala mo pa ba noong unang beses mo siyang iniakyat? Eh noong huli? Noong di na siya nagpaalam? Noong di na siya lumingon? Noong paggising mo, wala na siya?
Pagbaba mo'y nakita mo ang sala. Walang buhay. Walang laman. Walang kahit ano, maliban sa mga alaala niyong iniwan. Madalas kayong umupo lang at magkwentuhan magdamag. Di alintana ang oras, mga istorya niyong inaabot ng habangbuhay. Tawanan, iyakan, sigawan. Ngayon, katahimikan.
Di ka na kumakain sa mesa. Dahil doon, andun siya. Sa bawat plato at kubyertos, andoon siya. Sa bawat baso at pitsel, andun siya. Sa lahat, andun siya. Tila ba hindi ka na marunong mag-isa. Sa bawat ulam, andun siya. Sa bawat panghimagas, andun siya. Sa bawat paglunok mo, andun siya. Muli, lumuha ka.
Ngunit sa lahat ng ito, tanong ko sayo..
Bakit ka naghihintay?
Bakit ka patuloy na naghihintay?
Hanggang kailan ka maghihintay?
Dahan dahan kong iniangat ang ulo mo. Nakita kita sa harap ng salamin. Ikaw pala'y ako. At sinagot ko ang mga tanong mo.
Mahal ko siya.
Mahal na mahal ko siya.
Habangbuhay.
Maghihintay.









