PANANAW NI BAYANI(by Ranne Tubig).
Hanggang ngayon naguguluhan ako.
Alam ba talaga natin ang ibig sabihin ng ‘Kapayapaan’?
Naisip ko lang. Bakit may mga taong pilit na nananakop ng ibang lugar?
Bakit ba mga taong mararahas? Mapang-angkin at may mapusok na damdamin?
Bakit may mga taong gumagawa ng kaguluhan?
Bakit may mga taong sakim?
Bakit may mga taong mapanghusga at may saradong isipan?
BAKIT NGA BA?
Ako, bilang mamamayan ng ating bansa, may nagawa na ba ako para sa inang bayan?
Isang tao lang ako na ginagawa lang ang pang-araw-araw na aking pamumuhay.
Gigising sa umaga, papasok sa opisina, uuwi, at matutulog.
Ako nga ba bilang mamamayan ng Pilipinas, may nagawa na ba ako sa aking bansa? Sa aking mga kakilala? Sa ibang tao? Sa aking pamilya? Sa aking sarili?
Habang nanonood ako ng balita, iba’t-ibang krimen at katiwalian ang aking naririnig. Sumagi tuloy sa isip ko, nakakasawa na. Puro iyon at iyon ang balita. Puro bangayan, kurapsyon, krimen, kapangahasan, at marami pang iba.
May positibo pa bang bagay sa ating mundo?
Naisip ko tuloy, bakit hindi ko umpisahan sa aking sarili?
Siguro kung iyon ang magiging pananaw ng bawat isang tao sa mundo, palagay ko uunlad ang bawat isa. Walang mayaman at mahirap. Walang krimen. Walang kurapsyon. Walang panghuhusga.
Lahat progresibo.
Disiplinado.
May bukas na kaisipan.
KONTENTO.
Bakit nga ba kasi bangayan ng bangayan? Hindi nalang intindihin ang pagsasaayos ng sarili, pagtulong sa iba, at pagtulong na rin sa gobyerno?
Hmm… pagkatapos ko maisip ang mga ito, naisip at naramdaman ko na ang ibig sabihin ng kapayapaan.
Alam ko walang taong kontento sa buhay. Lahat tayo may gusto. Pero sana maisip natin na kung ipipilit lang natin, tayo na rin ang gumagawa ng gulo.
KAPAYAPAAN. Ito ang nararamdaman sa pagkakaroon ang bukas na kaisipan, disiplina, pagmamahal at pagpapahalaga sa Diyos, sa kapwa, at sa sarili, at ang pagkatuto na maging masaya sa maliliit na bagay na meron ang bawat isa.
Ako si Bayani. At ito ang kapayapaan. Para sa akin.