Ang paglalakbay na ito ang isa sa mga una kong paglalakbay kasama ang aking mga kaibigan kaya ito ang pinaka-tumatak at pinakamasaya sa ngayon. Nagsimula ito sa pagyayaya namin sa isa’t isa sa pamamagitan ng Facebook chat. Nang malaman namin galing kay Kiwi na malapit na ang Pista ng Pahiyas sa kanilang bayan na Lucban at mayroon kaming oras na maaaring mailaan dito, ay agad-agad kaming pumayag na pumunta.
Mula sa Maynila, umaabot ng apat na oras ang biyahe papuntang Lucban, Quezon. Ang unang dumayo sa Quezon ay si Yna na galing sa Laguna. Sumunod ako na galing sa Paranaque. Huli si Alea na galing sa Legazpi.
Sa aming unang araw, kami ay naglibot sa bayan at tumingin sa mga bahay na may makukulay na mga payas at gulay. Maraming mga bahay ang sumali sa paligsahan ng may pinakamagandang dekorasyon at isa na roon ang bahay nina Joshua Beltran na aming binisita rin.
Nakakapagod ang paglilibot ngunit hindi ito mararamdaman agad dahil sa ganda ng mga pagkakaayos sa bawat bahay na aming nadaraanan.
Sa aming pangalawang araw, kami ay pumunta sa Batis Aramin upang maligo. Pagkatapos ay pumunta kami sa Kamay ni Hesus at umakyat ng lampas 300 na hakbang papunta sa taas kung saan matatagpuan ang malaking istatwa ni Hesus.
Marami kaming first time na kinain sa Lucban. Una ay mula sa Salud na kilala umano sa kanilang halo-halo na matagal nang sikat sa lugar. Isa ring sikat na kainan sa lugar ay ang Chito’s na nagbebenta ng sari-saring putahe sa murang halaga. Talagang naakit kami sa mga makukulay na payong na kanilang dekorasyon. Busog na busog din kami lagi dahil sa longanisang Lucban naming ulam na ipinagmamalaki nina Kiwi dahil sa masarap nitong lasa. Habang naglilibot sa mga bahay ay nakakain kami ng payas na nilagyan ng asukal. Sa aming huling gabi, nakakain kami ng Pansit Habhab na kinakain nang gumagamit lamang ang maliit na parte ng dahon ng saging.
Nagtagal nang tatlong araw ang aming pakikituloy sa tahanan nina Kiwi. Isa sa mga tumatak sa akin mula sa lugar na ito ay ang maliliit na kalye na nakakapagbigay talaga ng hometown na pakiramdam dahil ang mga bahay ay magkakalapit lamang at hindi agad mahahalata ang laki ng bayan. Dito rin nabuo ang aming grupo na tinatawag na “Maroon 4” na naglalayong makapasyal pa sa ibang lugar sa mga susunod na panahon.
Naubos ang aking pera at napagod ang aking mga paa, ngunit sulit naman ito basta’t nagsaya kaming magkakaibigan.