Si sisa, ma-usisang mangkukulam. Nakatira sa liblib na gubat. Hindi ko alam kung bakit. Siguro'y kailangan sa lahat ng kwento na dapat sa kakahuyan at mahirap hanapin ang lugar kung saan sila naglulungga. Hindi naman siguro dahilan ang pagiging iba nila sa karaniwang tao. Maaaring gumagamit sila ng salamanka, pero sa mga lungsod at karatig probinsya, maging sa sulok man ng bansa, talamak ang mahika sa paraan ng pag kulimbat ng pera nang di namamalayan.
Gaya ng dalagita na unang bumisita sa kanya kahapon upang bumili ng gayuma, dapit-hapon na rin nang matagpuan ng isang opisyal ng gobyerno ang lugar ng mangkukulam. Sa mga oras na 'yon, kausap ng matandang mangkukulam na kulubot ang mukha ang sariling repleksyon sa mahiwagang salamin. Hinihiling na bumalik sa pagkabata at mamuhay muli nang isa pang daang-taon.
Kumatok ang kalbong opisyal na naka-unipormeng kulay bughaw, mukhang uniporme ng alagad ng batas. Kusang bumukas ang pinto. Sabay na nagulat ang opisyal pati na rin ang mangkukulam.
"Hmm...Parang kilala kita. anong sadya mo rito?" Tanong ng matanda.
"a, nais ko ho sanang itanong kung may ipinagbibili kayong kagamitan na tutulong sa problema ko na masugpo ang mga suliranin sa lipunan" Sagot ng kalbo.
Nag-isip nang matagal ang matanda, tumingin sa mahiwagang salamin at kinausap "mahiwagang salamin, sabihin mo sa akin kung mayroon ba akong katulad ng hinahanap nito, makakalimutin na kasi ako"
Matapos noon, nagkaroon ng mukha ang salamin na waring galing sa pagkatulog at humikab. Nagulat ito nang makita ang opisyal. "Senador... ba.." pilit na tinatandaan ng salamin ang pangalan ng nakita.
"Senador ba 'to?" Pinutol ng mangkukulam ang pagkagulat ng salamin sa paraan ng pagtatanong.
"Paano nyo ho nalaman ang pa..." naudlot na pagtatanong opisyal dahil sa pananabik ng matanda. Alam n'ya kasing malaking palitan 'to. Parang piso at dolyar.
"Tama! senador ka! Di lang halata sa kilos at pananalita" At sinundan ng tawa.
BInigyan ng matanda ng upuan ang senador (daw), pinapasok ang mga kasama ng senador daw na mga naka-shades at kanina pa sa labas. 'Yong iba naiwan lamang sa labas.
Tinanong muli ng mangkukulam ang salamin. Pabulong. Sinabi na malaking kita 'yon. Buweno, meron ang mangkukulam ng hinahanap ng opisyal. Agad n'ya iyong ipinakita sa kalbo. Marahan ang lakad dahil maselan ang bagay na iyon. Malagkit at sabik ang tingin ng opisyal sa isang medalyon. Agimat daw ito na kokontra sa bala ng panloloko. Tila isang putahe na ihahain sa gutom na sikmura ang turing ng kalbo. Nais sunggabin ngunit nag-aalangan dahil binalaan s'ya ng mangkukulam.
"Ano ang pinaka nais mo rito?" Tanong ng matanda.
"Nais ko ho na mahuli at malaman kung sinu-sino ang mga kurakot na pulitiko" sagot ng opisyal.
"Sa tingin mo ba 'yon ang pangunahing problema ng lipunan?" Dagdag ng matanda.
Pag tango ang naging sagot ng opisyal
"Kung tiyak na ang buhay ay isang mahabang karera ng pagtakbo, marahil 'yon din ang dahilan kung bakit may mga tumatakbo upang magpapawis, gumanda ang hubog ng katawan at pagkatao, magkaroon ng pamatay oras, may mapatunayan, at siguro, makalikom ng malaking pera" paglalahad ng matanda.
"Kung ganon, Tumakbo ho ako para may maitulong sa pag resolba sa problema ng lipunan at maisaayos ito sa paraan na kaya ko" ani ng opisyal.
Tumawa lamang ang matanda. Matapos noon, nagbigay ito ng mga tagubilin sa paggamit ng nasabing kuwintas. Sinabi n'ya na isuot lamang ito at mag-isip ng suliraning panlipunan. Iilaw ang palawit nito kapag mayroong nasagap na kapareho ng iniisip. Ikaw na ang bahalang umintindi kung ano iyon, basta lalakas at hihina ang ilaw nito depende sa pinaroroonan ng suliranin. Maging ito man ay krimen, pagnanakaw o kahit ano sa napakaraming suliranin ng lipunan.
Marahan na sinuot ng matanda ang agimat sa opisyal at hiningi na ang bayad. Pera na nakasilid sa malaking lagayan na tila bagahe. Pintado sa mukha ng matanda ang saya.
"Politiko kaya ang bumubuo sa politika? O politika ang bumubuo ng politiko?" Iniwan na tanong ng matanda at hinatid sa labas ng bahay ang opisyal at mga kasama nito. Pinaghalong mapait at matamis na ngiti ang pasasalamat ng matanda. Ganon din ang kalbong senador (daw).
"Subukan mo na 'yan!" tuluyang isinara ng matanda ang pinto.
Habang naglalakad ay nais na subukan ng senador ang agimat. Pinauna nya ang mga kasama nya. S'ya na lamang ang tao. Nag-isip s'ya ng isang problema ng lipunan. Hindi nagtagal, umilaw ang palawit ng medalyon nang sobrang lakas