Mga Panahon ng Umiibig
Nagbabago ang panahon Apat na beses, isang taon Pero nasa Pilipinas tayo’t dalawa lang ang meron Paano natin mararanasan yun? Sa pag ibig. Tama. May mga panahon ang pag ibig.
Tag araw Sa pagdating ng araw kasama ang pag ibig sa pagsikat Mamumulaklak ang mga ngiti sa mukha Kakanta ang mga ibon sa tuwa Ang pag ibig ay ang walang hanggang pag agos ng ilog Ang pag ibig ay ang walang katapusang pag ikot ng mundo Ang pag ibig ay pagtakbo sa dalampasigan ng saya at nagtatampisaw sa alon ng tawa. Kasama ang pag ibig sa pagbuo natin ng kastilyong buhangin Kasama ang pag ibig sa bawat halik at haplos ng hangin. Kaysarap ng minamahal at may minamahal.
Taglagas Dumating ang araw na ang puno ng ating pagmamahalan ay unti unti ng nalalagasan ng mga dahong natuyuan, sobrang nainitan, wala ng kinakapitan Mga dahon ng tiwala at pag ibig mo Mga dahon ng pag unawa at respeto Mga dahon ng ikaw at ako Mga dahon ng tayo Dumating ang taglagas, ito na ba ang wakas? Bumagsak ang mga luha na kaylakas Sa gapos ng pighati gusto ng makatakas
Taglamig Binalot na ng lamig ang noo'y mainit nating pag ibig Nagsusumamo sa'yong yakap at himig Umaasang pag ibig pa rin natin ang mananaig Ngunit wala. Ngunit wala na. Ang nyebeng ulan ay humagupit at marami ang nasira Kasama ang puso sa nasalanta, kasama ang pag ibig sa nawala Nanlalamig na ang mga kamay at hindi na mahawakan Nangmamanhid na’t wala ng maramdaman Ganito ba ang umiibig? Umuuwing nauulanan. Binubulong ang iyong pangalan. Ganito ba ang umiibig? Hindi na tumitingin sa daan. Pabalik balik ang mga alaala ng tag araw sa isipan Ganito ba ang umiibig? Naghahanap ng mga tugma nitong mga salita na akala mo'y tama, akala mo'y sapat na, lahat ay ginawa mo na at naniwalang ang “mahal kita” ay minahal kita, minamahal kita at mamahalin kita. Akala ko lang pala. Ganito ba ang umiibig? Natutulog ng luhaan. Ganito ba ang pag ibig? Kailangan kang masaktan.
Ngunit tag sibol, matapos ang mga araw na kay lamig at mga gabi na kay dilim Mamumukadkad muli ang puno ng pagmamahal Sisikat ang araw ng pag asa Sisibol muli ang pag ibig Muling magmamahal. Muling magmamahal. Dahil hindi ba’t hindi magbubunga kung walang ulan? Hindi ba’t hindi mo alam ang magmahal kung hindi ka nasaktan?










