Sa bawat paglunok mo ng mga alingawngaw, ang iyong boses ay tatalbog sa mga sulok ng iyong bunganga. Nakatanga ang iyong dila sa kadiliman habang unti-unting inaagiw ang iyong mga ngipin. Sumasalabit sa bawat masikip na singit ang halu-halong titik at katagang hindi mo sinambit. Walang pagsikot ng dila o pagbalong ng laway ang kailanma’y bumisita sa tikom mong bibig. Tanging ang mga agiw na lamang ang hinahaplos ng iyong mga singhap.
At kung mapabuntong-hininga ka’y aalimpuyo lamang ang alikabok sa iyong ngalangala hanggang sa ika’y mabulunan at maubo. Ito lamang ang paggalaw na namamalas ng tuyot mong lalamunan. Ito lamang ang lagitik na nakakatakas sa pinid mong mga labi.
Natatakam ka na lamang sa mga impit na tinig at sa mga umuugong na bulong. Ang kamay mo’y hindi na nababahiran ng lansa o ng tamis at ang iyong mga kuko’y hindi na nasisingitan ng mumo.
Hindi ka na nagugutom. Sapat na ang mamualan ng agiw at alulong. Ngunit minsa’y hinahanap-hanap ng iyong bunganga ang pagragasa ng dighay, ng suka, ng halakhak.
Tila umaapaw na ang mga nilamon mong katahimikan.