Business Week at STEM Fair, idinaos ng BE at ASE 2025
Ngayong Nobyembre 2024, idinaos ng mga mag-aaral mula sa Batch 2025 ang Business Week ng Business and Entrepreneurship (BE) track at ang STEM Fair ng Applied Sciences and Engineering (ASE) track.
BUSINESS WEEK
Inihandog ng mga estudyanteng negosyante ang kanilang mga produkto at serbisyo sa Business Fair 2025 na may temang “BEtuin: Where Dreams Align” mula Nobyembre 5-8 sa loob ng Narra Function Hall.
Halaw sa salitang bituin, ginawang mala-Baguio night market ang bulwagang kinalagyan ng anim na negosyo: Alas-Fizz, Cooquette, Laro-Laro, Ricky Tees, Stick-It, at The Beadlry.
Nag-alok ang Alas-Fizz ng apat na flavors ng fresh fruit soda: Lemon Cucumber, Strawberry, Raspberry, at Mango. Upang mabawasan ang one-time plastic use, gumamit sila ng reusable na baso, at binigyan ng limang pisong discount ang mga bumiling muli gamit ang parehong baso.
Ang bakery na Cooquette ay naghandog ng Brookies, Red Velvet Cookie Cups, at Chocolate Cookie Cups na maaaring lagyan ng iba't ibang toppings sa karagdagang presyo. Nag-alok din sila ng bundle na box of 4 kung saan mas makakamura ang mamimili.
Ang negosyong Laro-Laro ay naghanda naman ng iba’t ibang palaro na Bingo, Can Toss, Spin the Wheel, at Guessing Game. Gumamit sila ng mga recycled na materyales gaya ng mga pinagtagpi-tagping scratch papers bilang bola at paggamit ng recycled cans sa Can Toss. Ang kanilang mga papremyo ay teddy bears, K-pop photo cards, at shirts na mula sa pre-loved items.
Iba't ibang klase at disenyo ng printed shirts naman ang itinampok ng Ricky Tees gaya ng “Isko”, “Iska”, “UPIS UP”, at iba pa. Maaari rin magpa-customize ng sariling disenyo sa sukat na A3 o A4. Mga boteng plastik na ni-recycle ang kanilang ginamit bilang packaging sa unang 15 na order.
Sumunod naman ang anik-anik shop na Stick-It na nagbebenta ng mga stickers, button pins, at keychains na may iba’t ibang disenyo. Gumamit din sila ng mga recycled na papel bilang pambalot ng mga produkto.
Panghuli ay ang The Beadlry na mayroong iba’t ibang uri ng beaded accessories na gawa sa mga thrifted o second-hand na charms at beads. Maaari ring magpa-customize ang mga mamimili.
Ayon kay Reine Cruz, isa sa mga track representative ng BE, isang pinagkaiba ng Business Week ngayong taon mula sa mga nagdaang Business Week ay ang pag-angkop ng mga negosyo sa mga Sustainable Development Goals (SDGs).
“Ngayon lang na-incorporate sa’min [ang] SDGs; each group has to contribute to at least one SDG. So bawat grupo, nagko-contribute kami sa planet and sa environment, which is a good thing,” dagdag niya.
“Sa ganitong paraan, natututo ang mga estudyante hindi lamang kumita ng pera at mag-isip ng mga bagong produkto, bagkus ay pahalagahan din ang kalikasan at maging mulat sa iba't ibang problemang pampamilya, pangkomunidad at pang-ekonomiya,” pagsuporta ni Bb. Janine Dela Paz, ang isang learning coordinator ng BE.
Liban doon ay binalik na ito sa Business Week kagaya noong pre-pandemic, hindi kagaya noong nagdalawang taon na Business Day lamang ito.
Ayon pa kay Cruz, makakatulong ang Business Week sa paghulma at pagsasanay ng kanilang marketing skills. “Kasi syempre. hindi naman pwede na puro turo lang samin, puro test. Kailangan din ng application sa mga ganoong bagay, so ito, magandang practice ‘to para ma-apply namin yung mga natuturo samin for the past two years,” dagdag niya.
Sinuportahan ito ni Joannah Aguinaldo, ang isa pang track representative ng BE, na magandang karanasan ito para sa kanila dahil dahil nailalapat na nila sa tunay na buhay ang kanilang mga teoretikal na natutuhan sa klase.
“Dito nila natututunan kung paano dapat i-market ang kanilang mga produkto gayon din ang tamang pagprepresyo sa mga ito. Natututo rin silang makipag-usap sa ibang tao at gumawa ng koneksyon mula sa kanilang mga mamimili. Kung sakaling mayroong pagdaanan na problema, natututo ang mga bata na gawan ito ng paraan at mag-isip kung paano ito sosolusyunan,” dagdag ni Bb. Dela Paz.
Ipinarating ni Cruz na isa sa mga pinakamahirap na proseso ng Business Week ay ang kanilang preparasyon, lalo na’t mas maaga itong naidaos kumpara sa mga nagdaang taon. “Kasi normally, ginagawa yung Business Fair [sa] second sem ng Grade 12, so mayroong 1 year to prepare; pero for us, parang almost sem and a half lang,” dagdag niya.
Dagdag pa rito, ibinahagi rin nila na ang production ang isa pa sa mga nagpahirap upang magpatagumpay sa gawain na ito. Ikinuwento ni Aguinaldo na may pagkakataon na naubos ang kanilang stocks. “Kailangan din namin mag-produce agad, eh di rin naman namin magagawa ‘yun kung may ginagawa pa kaming iba,” dagdag niya.
Inihayag din ni Cruz na kahit may naramdaman silang pagod at stress sa proseso, naging fulfilling naman ito para sa kanila at malaking tulong ito dahil naranasan na nila ito first hand. “The fact na we’re actually selling the product na pine-prepare namin for so long, fulfilling siya, and nagwowo-work na yung plans namin, like nagiging reality na yung plans lang namin before,” sabi niya.
STEM FAIR
Inihandog ng mga ASE Batch 2025 ang taunang STEM Fair na may temang “AtlantASE: Into the Depths of the Unknown” noong Nobyembre 12-15 na nilahukan ng mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grado 12. Layunin ng Fair na mailapat ng mga mag-aaral ng ASE ang kanilang mga natutunan sa mga cluster courses sa kanilang track, maibahagi ito sa mga estudyante ng UPIS, at mahikayat sila na piliin ang track na ito sa hinaharap.
Nagkaroon ng seminar sa Fair patungkol sa disaster preparedness na pinangalanang Defense Against a Climate Apocalypse: A Talk na pinagunahan ni Dr. Likha Minimo na nagtapos ng undergraduate at Master’s degree sa UP Diliman National Institute of Geological Sciences. Ito ay dinaluhan ng nga mag-aaral Grado 7-12 sa Audio Visual Room (AVR) noong Nobyembre 12.
Iba’t ibang klase ng aktibidad naman ang isinagawa sa Mini Experiments na pinamagatang “Atlantic ChallengASE”. Sa Grado K-2, isinagawa ang “3 Minutes to Float It” at “Bubble Boost” na ginanap sa K-2 Building noong Nobyembre 12 at 15.
Para sa Grado 3-6, isinagawa ang “Sink or Swim”, “Invisible Ink”, “Shoot that Ball”, “AmASE-ing Scale”, at “Wrecking Ball” na ginanap sa 3-6 Building noong ika-13 at 14 ng Nobyembre.
Panghuli, isinagawa naman para sa Grado 7-12 ang “Tower of Babel”, “The BBiQ One”, “Coin-tainer Ship”, “Quite Proba-ball”, at “Balance It Out” na ginanap noong Nobyembre 13 at 14 sa 7-12 Building.
Namigay din ng checklist o stamp card sa mga estudyante kung saan maaaring maglaro ng human slot machine na “Ka-ching! AtlantASE’s Coral Slots!” ang mga mag-aaral na nakumpleto ang lahat ng mini experiments. Mula sa larong ito, maaari silang magwagi ng premyong pagkain. Nakapwesto ito sa ramp area para sa 7-12 at sa hallways naman para sa 3-6.
Maliban sa mga ito, nagkaroon din ng Escape Room na pinamagatang “ASEcape Room: Prevent an Atlantic CrisASE” para sa mga mag-aaral ng Grado 7-12 na isinagawa noong Nobyembre 13 at 14 sa Room 111 ng 7-12 Building.
Mayroon namang Easter egg hunt o “ASEster Egg Hunt: Seashells by the Seashore” para sa mga mag-aaral ng Grado 3-6 na ginanap sa 3-6 waiting area noong Nobyembre 13.
Ginanap din ang “movASe” na isang online film showing na kung saan ipinalabas ang “Zack’s Story Chapter 3: Climate Change” noong Nobyembre 12 para sa mga estudyante ng Grado K-2.
Panghuli ay ang trivia game na “RASE to TrASEsure” para sa Grado 3-6 at 7-12, na may mga tanong mula sa mga asignatura sa Math, Science, Practical Arts, Health, at PE, pati na rin sa disaster preparedness. Nahahati ang tanong sa tatlong antas ng kahirapan: Shallow, Deep, at Trench.
Ayon sa program adviser ng ASE na si G. Harold Badilla, ang kaibahan ng STEM Fair ngayong taon ay ang pag-aangkop ng disaster preparedness sa mga aktibidad. Dagdag niya, “‘Yun talaga ‘yung gusto naming maipasok kasi nga, given the changes in our climate, hopefully mas maraming malaman ang mga bata about awareness sa disaster preparedness.”
Mula naman sa isang track representative ng ASE na si Faith Fabro, hindi kagaya ng mga nakaraang Stem Fair na mas nagpokus sa mga inobasyon, ngayong taon ay mas nagpokus sila sa climate change. Mula sa kanya, “Sa nakaraang taon sila ay nagpokus sa pagliyab ng innovation bilang mga estudyante, habang kami ay nag pokus sa climate change at ang isang naapektuhan dun na lugar ay ang ating dagat."
Ibinahagi ng isa pang track representative ng ASE na si Dedric Bejo na ang isa sa mga hamon sa preparasyon para sa STEM Fair ay ang suspensyon ng mga klase dahil sa bagyo at ang conflict ng kanilang iskedyul. “Sobrang lala ng schedule conflicts kasi it's not easy na ma-optimize ang schedule given that ang random ng suspensions, ang unmatched ng schedules ng ASE.”
Dahil sa suspensyon ay nalipat ang ilang aktibidad na nakatakdang idaos noong Nobyembre 12 sa ibang araw dahil sa kakulangan ng preparasyon ng mga estudyante ng ASE para rito, walang aktibidad na nakansela.
BUSINESS WEEK AT STEM FAIR
Maipapakita na ang Stem Fair at Business Week ay isang malaking parte at kinakailangang kahingian ng internship program ng mga mag-aaral mula sa Business and Entrepreneurship track at Applied Sciences and Engineering track. Nagsilbi itong mga aktibidad bilang paglalapat ng kanilang mga natutunan sa kanilang track sa tunay na buhay. Ang paglahok naman ng mga estudyante ng UPIS sa mga aktibidad na ito ay maaaring maging susi sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa mga konsepto at mga ginagawa ng mga nabanggit na track.
//nina Faye Obaña at Aisha Timbal








