Ang Gabing Nahulog Ang Buwan
2: Ang awit ng mga nagmumultong anino
Namimitig na ang mga binti ni Tomas kakatakbo. Magkasinghapdi na ang sugatang pisngi at pagod na mga biyas. Tinahak niya ang kabuuan ng ilog. Sa pagkakatanda niya ay tulay ang pinakamalapit na dulo na mararating niya sa sinundan niyang direksyon. Inasahan niya ang mas malawak na parte ng ilog at ang mga kapunuan sa paligid nito. Kaya hindi malinaw kung paano, pero imbes na mga puno ay natagpuan niya ang sarili na kaharap ang malawak na dalampasigan.
Samyo ng malamig na hangin at amoy ng alat sa tubig ang bumati sa kanyang pagdating. Dumidilim na rin. Agad? Hindi na inalintana ni Tomas ang oras. Inilibot niya ang mata. Inihatid siya nito sa batuhang hinahampas ng mga alon. Sa abot-tanaw ay nakatanghod ang buwan na marahang lumilitaw.
Ilang sandali pa ay nakatingala na si Tomas sa bilog na buwan. Hindi niya maalis ang tingin niya dito. Makalipas ang ilang segundo ay sumunod ang mga tunog.
Sa likod ng mga batuhan, maging sa lugar na kanyang pinanggalingan na ngayon ay kahabaan na ng mabuhanging aplaya na nababalot na ng dilim, at pati sa magkabilaang direksyon, may umaalunignig na ritmo. Tunog ng mahinang tambol ng dalawang metal na pinagpupukpok.
Naririnig ni Tomas ang agos ng dugo niya sa sariling tainga, sabay ng tibok ng kanyang puso. Lalong dumidilim ang paligid. Sumisikip ang espasyo sa isip niya.
Ang laki na ng buwan sa ulunan niya. Iniangat niya ang kaliwang kamay. Hindi gumagalaw ang mga kamay ng relo. Nakapako lang ang mga ito sa 12 na numero. Pero hindi lang iyan ang nakakapagtaka. Mas ikinagulat ni Tomas na tila nangangapal ang balat niya sa kamay. Parang may kaliskis o balat ng buwaya, magaspang at kulay itim na kumikintab kapag tumatama sa liwanag. Nagsihabaan din ang kanyang mga daliri at nakausli sa dulo nito ang matutulis na kuko.
Lumalakas ang ugong. Lalong lumalaki ang buwan sa puntong parang madadaganan na siya nito. At ngayon ay natuklasan niya ring hindi siya makapagsalita.
Ma? Sinubukan niya ang kanyang boses. Walang lumabas sa bibig niya.
Ma…
“Tumakas ka na, anak,” ani ng isang nakalimutang tinig. Malalim, pang-lalaki, pero hindi matandaan ni Tomas kung kanino iyon.
Tumingala si Tomas sa madilim na gabi. Sa maliwanag na buwan. Pero ngayon ay nawala na ito. Sa dapat kinalalagyan niyon ay nakapwesto ang nag-iisang ulap. May aninong gumagalaw sa likod nito.
Tila nangungusap ang anino.
“Huwag mo akong kukunin!”
Hindi maipaliwanag ni Tomas, pero sa puso niya, alam niyang sa likod ng ulap na iyon nanggagaling ang panibagong boses.
Iba na ang narinig niyang tinig. Babae. At mas takot na ito. Mas galit. Mas malayo ang loob kay Tomas.
Lumalakas na ang mga tunog. Nagwawala na ang ritmo. Papabilis nang papabilis, inuusig siya. Sa pumapaligid na kadiliman ng gabi, may mga nagkikislapang ilaw. Nang tinitigan itong mabuti ni Tomas, nalaman niyang mga pares ito ng mata. Marami sila.
Naramdaman niya ang panganib bago pa maubo ang salita at kahulugan nito sa kanyang isip. Hindi niya namamalayang tumatakbo na naman siya ulit.
“Ayun! Ang Bakunawa! Palayasin niyo ang halimaw! Palayasin niyo ang Bakunawa!” sigaw ng mas marami at halo-halong boses.
Huhulihin nila ako. Kapag nahuli nila ako, siguradong ikukulong nila ako. Ikukulong nila ako.
Parusa ang pagtakbo sa buhanginan. Pero kahit na ganun ay parang wala lang ito kay Tomas. Sa katunayan ay parang lalo siyang lumiksi. Gumaan ang mga hakbang niya na para siyang nakakalipad. Ang tubig ang pakay niya. Kung mga tao ang humahabol sa kanya, malamang ay hindi nila gugustuhing sundan siya sa malamig na dagat.
Tinatanaw pa rin ni Tomas ang mga humahabol sa likod niya kaya nakaligtaan niya ang nakaharang sa kanyang dinadaanan. Malabong pigura. Aakalain mong usok lang, pero may parte sa utak niya na pinaglalaruan ang imahe at ginagawa itong grupo ng mga lalaking may hawak na mga iba’t ibang uri ng sandata. May mga kamay na humawak sa kanya. May humihila sa kanya pababa.
Bumigay ang lupang kinatatayuan ni Tomas. Una ay naging malambot na putik, at pagkatapos ay tuluyang naging walang hanggang tubig. Patuloy ang paglubog niya sa ilalim ng dagat.
Dito ako nakakulong.
Nagdilim ang lahat.
Nalulunod si Tomas sa hangin nang magkamalay siya. Natagpuan niya ang sarili sa kwarto. Nakahiga siya sa kama. Naglalapot sa pawis. Bukas ang bintana kaya nakita niyang madilim na sa labas. Mabilis ang tibok ng puso niyang kinapa gamit ang kaliwang kamay. Napabaling na siya sa relo. “Ala-sais?”
Hindi niya maalala kung paano siya nakauwi. Ang huling naaalala niya ay tumatakbo siya, tapos… tapos ang gulo-gulo na.
Dito ako nakakulong.
Napatigil siya sa mga salitang lumitaw sa isip niya. Nakakamangha ang pakiramdam, na may pagka-nakakabahala rin, dahil merong konteksto sa isip niya na hindi niya mapunto kung saan nagmula o ano ang tinutukoy, pero pakiramdam niya dito siya nakakulong, sa katawan na ito.
“Holy shit!” bulalas niya sa natuklasan. “Dito mismo ako nakakulong—sa buhay na ‘to! ‘Yun ‘yung ibig sabihin ng panaginip ko!”
Shet, ang lalim, isip niya. “Ang angas ng panaginip na ‘yun ah. In fairness.”
Nag-inat-inat si Tomas. Nang tuluyang bumalik sa wisyo ay napagtanto niyang nagugutom na siya. Kaya naman, bilang may sariling utak, nauna na naman ang mga paa niya sa paghatid sa kanya sa kusina.
Papalapit sa pinto ay nadaanan niya ang cabinet niyang may malaking salamin. Nakita niya ang natuyong sugat sa kanang pisngi.
Natagalan bago niya mapagtanto. Pero nang matauhan ay nanlaki ang mga mata niyang napatitig sa sariling repleksyon.
“Bwakanang-shet! Totoong nangyari ang lahat ng ‘yon?!”
Tarantang napakaripas si Tomas palabas ng bahay, diretso sa veranda, at doon niya nakumpirma ang hinala. Nandoon pa nga sa pasimano ang pinag-inuman niyang tasa ng kape kaninang umaga. Marahan ang paisa-isa niyang hakbang palapit dito. Nag-aagaw ang pagkalito at kagustuhang alamin ang misteryo ng araw na iyon sa utak niya. Nang makalapit ay hinawakan niya ang tasang kapihan.
Mayroon talagang nangyaring kakaiba kaninang umaga. Ah! Tama. Naalala niya. ‘Yung mahiwagang kumikislap na liwanag. Nasa likod iyon ng puting ulap. At siyempre...
“Si Boy Tagâ...” napasinghap si Tomas sa rebelasyon at walang-malay na napahawak sa sugatang pisngi.
Tulalang napaupo si Tomas sa upuan malapit sa kanya. Hindi pa rin siya makapaniwala. O at least, hindi niya alam kung ano ang mga kulang na impormasyon na kailangan niya para maintindihan ang lahat ng ito.
Wala sa wisyong kinuha ni Tomas ang tasa at inihatid ito sa kusina. Nakatayo siya sa lababo nang marinig na tumunog ang cellphone niya mula sa kwarto. Agad niya itong pinuntahan.
Tunog ng alarm ang narinig niya. Sa notifications, nakasulat ang reminder na kailangan niyang magpadala ng bayad sa renta na pinaghahatian nila ng pinsan niyang si Jao sa kanilang condo unit sa Manila.
Mahigit sampung araw pa lang siya sa probinsya. Umuwi siya noong nakaraang linggo dahil nga inilibing ang Mama niya. Iniwan niyang mag-isa ang pinsan sa condo. Hindi niya pa sigurado noon kung makakabalik agad siya ng Manila. Wala nang tatao sa bahay nila dito. Medyo masakit din ang pinagdaanan niya nitong nakaraan kaya hindi siya nakapagdesisyon agad. Pero dahil sa mga nangyari nang umagang iyon, parang nakaramdam siya ng seguridad na may lugar siyang matatakasan.
Sa hindi maipaliwanag na kagustuhan ay tinawagan niya si Jao. Gusto niyang makarinig ng ibang boses bukod sa sarili niya. Naisip niya na baka binabaliw lang siya ng pag-iisa.
Sumagot ang kanyang tinawagan.
“’Ya?”
“Jao.” Naramdaman ulit ni Tomas ang mga paa niya sa lupa. Parang totoo na siya ulit. “’Sa’n ka?”
“Sa shop, kuya. ‘Daming client kanina. Bakit?”
“’Daming nagpapatato?”
“Same-same. Bakit ka napatawag, ‘ya? Anong meron?”
“Uh, wala...ano,” nakalimutan ni Tomas ang sasabihin, bago niya ito masundan ng, “Ah, ‘yung renta. Babayaran ko na lang ‘pag nakarating na ‘ko.”
“Uuwi ka?”
“Oo, ‘tol. Ayaw mo ba?”
“Hindi, tange. Gusto naman. ‘Di ka nga lang medyo kawalan pero mapagtyatyagaan din.”
“Gago,” natawa si Tomas.
“Eme lang. Akala ko lang kasi, you know...”
“Okay na ‘ko, ‘tol. Salamat sa concern.”
“Sure ‘yan ah?”
“Oo, oo...” nakatiim ang mga ngipin siyang humigop ng hangin. “Ano lang kasi... Ano...”
“Ano?”
“Ano...”
“Ano? ‘Ya?? Sabog ka ba?”
“Hindi! Ano kasi...” nakipagpatintero siya sa option kung magsasabi ba o hindi. Sa huli, sinabi niya rin sa kanyang pinsan ang mga bumabagabag sa isip niya. “Minumulto yata ako dito.”
Tumawa si Jao sa kabilang linya.
“Angas! That’s new. Eh sa pagkakaalam ko hindi ka naman mukhang naniniwala sa multo.”
“Ano naman ang kaibahan ng hitsura ng naniniwala sa hindi? Tsk. Iba ‘to, Jao.” Kung posible lang marinig ang iling sa linya ng cellphone, narinig na sana ni Jao, kaso hindi. “’Pag uwi ko, makikita mo. Tinaga ‘yung pisngi ko eh.”
“...Ng multo?”
“’Di ka naniniwala ‘no?” may pagkaaburidong komento ni Tomas.
“Malamang! Paano ka naman matataga, eh technically wala nang physical form ang multo. ‘Di ba? Duh! Sigurado ka talaga, hindi ka sabog?”
“Basta, Jao. Pramis. May kakaiba talagang nangyayari dito.”
“Jao!” rinig ni Tomas. Malayo ang boses sa cellphone. Kilala niya ang boses. Si Alas, boss ni Jao at master tattoo artist sa pinagtatrabahuhan nitong shop. “May naghahanap sa’yo dito. Nagpa-book daw online.”
“Ay. Sige, sige,” sagot ni Jao. Mukhang nakaharap na agad at kinausap na ni Jao ‘yung client kaya na-preoccupy ito at hindi agad naibaba ang tawag. Hindi sinasasyang napa-chismis si Tomas sa usapan nila.
“Hi,” sabi ng boses ng babae. Malambing ito at tunog-masiyahin. Hindi pa nakikita ni Tomas ang mukha nito pero nai-imagine niya na ang potential... Pero pinilit niyang huwag magpadala sa kalikutan ng pala-desisyon niyang isip.
“Uy, hi!” masiglang bati ni Jao. “Mariya, right?”
Teka—ano?!
“Jao—anong sabi mo? Sino?”
Hindi pinapansin ni Jao si Tomas. Hindi siya nito marinig na parang hindi na nakatapat sa tainga ang cellphone. Nakikipag-usap pa rin ito sa dumating na kliyente.
“Jao?” ulit ni Tomas.
Napansin na siguro ni Jao ang tuloy-tuloy pa ring tawag. Narinig ni Tomas ang muling paglapat ng cellphone nito sa tainga. “Hello, kuya? Sorry, busy. May client na dumating. ‘Maya na lang. Bye.”
“Jao! Teka—”
*Click.* The call has ended.
Tama ba ang narinig niya? ‘Yung pangalan ng client ni Jao... Pero imposible.
“Kapangalan lang ‘yun, Tomas. Ano ka ba!” natawa siya sa sarili. “Praning. Ha! Ha! Ha!”
Ayaw niyang pansinin ang pangamba na marahang umuusbong sa sikmura niya.
Buong magdamag siyang hindi tinantanan ng kutob. Hindi man aminin ni Tomas, alam niya sa sarili niyang hindi na siya titigilan ng pakiramdam na ito simula ngayon.
“Gutom lang ‘yan,” kumbinsi niya sa sarili. Kaya sinimulan na lang niyang maghanda ng hapunan.
Halos ilang minuto nang nagpapaikut-ikot si Tomas sa higaan, hindi makatulog, nakikipagtalo sa sariling konsensya.
“Tsk! Kailangan ba talaga ‘yon???”
Oo. Kailangan niya talagang malaman kung sino nga si Mariya. At kung ito ba ang parehong babaeng hinahanap nung ilaw na naging lalaki.
“At kung hindi?”
Kung hindi, hindi niya masisiguro na tapos na, huli na, last niya na ‘yung encounter with The Golden Man with the Sword na nangyari kaninang umaga. Kailangan niyang masigurong wala talaga siya sa panganib. Na walang gustong tumumba sa kanya.
“I-make sure lang na ordinaryong tao lang ang kliyente ni Jao. Tama?”
Tama.
“Tapos, tapos na. Tama?”
Tapos, tapos na.
“Okay. Magiging okay din ang lahat, Tomas.”
Tama. Walang kailangang ipangamba. Tama naman...
“’Di ba?...” nag-aalalang tanong ni Tomas sa walang-imik na silid.









