Ang Taksil sa Bayan na Ito
Sa paaralan unang natututunan ang lahat tungkol sa bayan. Ang kahirapang naranasan ng ating mga ninuno sa kamay ng mga banyaga. Kung paano sinakop at ginawang kawawa sa sariling lupa, at ang pagpunit ng pagkakakilanlan ng isang Pilipino. Sa kagustuhang makawala sa mahigpit na pagkakahawak ng mga mananakop, lumaban at inalay ang dugo at pawis sa kalayaan, at sa huli ay nasinagan ang kulay asul at pula na bandila; Pilipinas, bayan, tayo ay malaya.
Malaya, tila palaisipan na lang ang ugnayan ng salita na ito sa kalagayan ng ating bayan. Patuloy pa rin naman na nakaangat ang bandila, nakawala naman na tayo sa banyaga, pero hindi tayo malaya. Hindi ito opinyon o teorya na nabuo ng manunulat, ito ay katotohanang hindi nakikita ng hubad na mata, na sa pagkasanay, ito’y naging kabuuan ng ating mga sarili, hindi na nga natin namamalayan ang pagkawala ng kalayaan na matagal nating ipinaglaban.
Sistema, gobyerno, lipunan, sarili; alin ang dapat sisihin. Kung ang aking opinyon ay hihingiin, gobyerno syempre ang aking sasabihin, sapagka't walang sistema ang maghahari sa lipunang kinagagalawan ng ating mga sarili, kung walang gobyernong nagdidikta nito. Nagdidikta, mapanganib na salita, ngunit may mabigat na kahulugan, hindi ito dapat basta-basta binibitawan laban sa nasa itaas. Paano na lang ang ating kaligtasan kapag tayo'y namulat sa entabladong matagal na nating sinasayawan, na ang madla ay hindi natin nakikita at naaabot, at kapag tayo'y tumigil sa perpektong sayaw na ating ginaganapan simula sa una nating iyak, baka ito na ang ating magiging huling pagtatanghal, at nasa kanila ang huling halakhak.
Pero ano nga ba ang opinyon ko laban sa katotohanan na sinasabi nila, ano ang silbi ng aking pananaw sa mga taong bulag na sa katotohanan? Malaya pa naman tayong mag-isip para sa sarili, kaya't ating isipin ang makabubuti sa sarili, kahit ito'y pagiging taksil sa bayan na ating kinatatayuan.
Jojo Son
mind monologue









