Kung patuloy kang panghihinaan ng loob at binibigyang daan ang negatibong aspeto na dumadaloy sa sistema mo ay para mo na ring binababa ang sarili mo. Kung alam mo na may kulang sayo at naniniwala ka na kailangan mo ng isang taong magpupuna ng patlang na kukumpleto sayong pangungusap na sana'y may kabuluhan ay kawawa ka naman. Ikaw at ikaw lang din ang tanging bubuo sa kulang mong pagkatao, hindi ang hinahangaan mo, tinatangi mo o alaga mong aso. Ikaw na gawa sa laman na galing sa alabok at kung ano ano pa. Kung may mawala man, hindi mo na yun kawalan. Pero kung mawala ka sa sarili mong kinalalagyan, iyon ang masasabi kong tunay na kawalan, figuratively. Kung patuloy kang magpapanggap na iba, nakikinig sa sinasabi ng iba, sumusunod sa daloy ng agos ng lipunan na binubuo ng mga taong halos iisa na rin ang kaisipan ay para mo na ring tinatapon ang sarili mo sa kawa ng kumukulong mantika na niluluto ka at hinuhulma para maging tulad nila. Nasaan ang pagkakaiba? Kapag ba sabihin kong dapat lahat tayo'y maging iba, diba para na rin tayong magkakapareha? Pare-parehong magkakaiba. Ikaw ay maging ikaw. Siya ay magiging siya. Hindi pwedeng ikaw ay magiging siya at siya ay magiging ikaw. Huwag lasunin ang pag-iisip sa mga nababasang status sa facebook, tweet sa twitter at rants sa tumblr. Kanya-kanyang sakay lang yan ng trip. Kung iba ang trip mo, iba rin sa kanila. Maging masaya ka para sa kanila, sa mga taong social climber, wanna be whatever, mga friends mong matira matibay. pero bago yun maging masaya ka para sa sarili mo, kung saan, sino at ano ang meron sa buhay mo ngayon. Wag ng hanapin ang wala na at wag ng habulin ang mawawala na. Hayaan ang mga ideya na dumaloy sa utak mong pinipiga ng husto sa kakaisip kung ano pa ang pwedeng maging kasunod na kataga. Ang mabilis na pagtipa sa mga letra ay kasingbilis din na pagwala ng mga ideya.