by Aimee Veneracion Mendoza
Ako’y nanalangin, humingi ng inspirasyon
Na aking magagamit para sa aking misyon
Itinulot ng Ama, ako’y dalhin
Sa lugar pagamutan upang subukin
Nakalulungkot, nakapanlulupaypay
Ngunit anuman ang Kaniyang kalooban
Lahat ng nangyayari ay may kabuluhan
Maunawaan ko, dahilan ng dito’y pagkadala
Matutuhan ko nawa ang mensaheng hatid
Mabuting karanasan sa aki’y magpapabatid
Sa Ilang sandali’y nagbubulay-bulay
Isipa’t puso’y nalulumbay
Kung ito ma’y bunga ng kasalanan, maanong patawarin
Kung ito’y pagsubok, ako nawa’y papagtagumpayin
Aking napagtanto, ako’y mapalad na totoo
Sa natatanging kaganapan sa mundo, naging bahagi ako
Dati akong kasama sa madla’y nagbabalita
Ng mga bagong kaso, ako’y kabilang na dito
New Era General Hospital, aking naging tahanan
Sa loob halos ng isang buwan
Sariling kong mga mata’y naging saksi
Sa loob ng pagamutan, sa mga pangyayari
Bawat pasyente, may hinagpis
Maririnig mo, kanilang pagtangis
Kailan maiibsan bigat ng pasan?
Bagsik na hatid nitong karamdaman
Ipinapanalangin sa Panginoong Diyos na mahabagin
Magkaroon nawa ng kalutasan itong suliranin
Mga mahal sa buhay ay huwag nang madamay
Sa pagsubok, bigyang lakas, Siya ang umalalay
Pagmamalasakit ng mga frontliners, di biro,
Tungkuling sinumpaan, tapat sila sa pangako
Handang ialay kanilang mga buhay,
Sa pandemya’y nakikibaka, upang makapagtagumpay
Mga panata at pagpapahid ng langis
Nagbigay kapanatagan sa mga pusong tumatangis
Pag-ibig ng Ama, humahaplos sa puso ng bawat hinirang
Pakinig Niya at pangako sa kanila’y nakalaan
Sa araw-araw, Ikaw Ama ang pag-asa
Sa dakila Mo pong magagawa, kami’y sumasampalataya
Ikaw ang pinakadakilang manggagamot
Diyos na mahabagin, sa ami’y, di kailanman lilimot
Kaluluwa naming may kabagabagan
Ikaw ang magbibigay ng lubos na kagalingan
Ipagkakaloob, ibayong sigla’t katatagan
Salamat mga mahal kong kaibigan
Kayo’y umaaliw, sa aking pagka-confine
Sa mga kasama, katrabaho, mga tagapayo
Inyo pong pagsubaybay, paggabay, naging inspirasyon ko
Salamat mga butihing doktor, nars, at naglilingkod sa pagamutan
Pagmamalasakit nyo’t kalinga, ‘di matutumbasan
Malaking papel nyo sa lipunan, aming kinikilala
Sa aming mga panalangin, kayo’y laging kasama
O aming Ama, maraming Salamat po!
Ako’y pinagaling, sumaya ang aking puso
Aking sambahayan, pinroteksyunan Mo rin
Kaya pangalan mo Ama, aming purihin at dakilain!
Aming Amang mapagmahal, sa Iyo ay pangako namin
Ibayong kasiglahan sa pagtupad aming gagawin
Gawing kasangkapan nawa kaming ‘Yong mga alipin,
Maipagtagumpay dakila Mong mga gawain.