Kusot at Punit
Sa bawat patak ng tinta, Bawat yabag at pindot sa makina, Bawat pagdampi sa makinilya, Bawat tatak ng mga letra, Ay ang paglaya ng mga pagod, Ng pag-asa't pagtangis, Ng pagmamahal at lugod, Ng paniniwala't ng aking hapis...
Isa kang konseptong binuo, Konseptong pinagplanuhan, iningatan, Ginawa mula sa pawis, tinta't dugo, Pinagmasdan kang parang bata sa hagdan. Takot, pag-aalala't pagkabalisa, Ang bumalot sa ngiting nag-uumapaw, Takot na ikaw magkamali't magkapasa, Mag-ingat ka, aking pagsusumigaw. Sumigaw ng sumigaw Sumigaw ng buong puso, Sumigaw habang pinagmamasdan kang malusaw, Malusaw ng tuluyan, at balutan ng dilim ang mundo.
Nagising akong nanlalamig, Nakahikbi sa mesa, Madilim, kapeng natapon na sa sahig, Mga tintang kalat, mga papel na kinusot, pinunit, basa, Basa ng luha't tinta, Luha nga ba't tinta o mga hinagpis na dinadala. Nanakit bawat kalamnan, Parang nakipagbuno sa labanan, Nag-iisa, nag-iisa sa kwartong nabalutan ng kadiliman, Nag-iisa kasama ng aking makinilya, Nag-iisa kasama ng papel at mga tinta, Nag-iisa kasama ng aking galit, Nag-iisa kasama ng mga papel na kinusot, pinunit, Nag-iisa kasama ang mga memorya, Na ngayon ay wala na, Kasama ng mga papel na aking pinunit Pinunit dulot ng galit.
Ako'y nag-iisa, Nag-iisa ako, Nag-iisa. Nag-iisa dahil wala ka na. Kusot at Punit|02-19-17| Dreaded Memories
Art by Esther Goh












