Eroplanong Papel
Iniligpit na nila Ofelia at Lola Puring ang napagkainan habang si Miguel ay nanonood ng balita, nakikinig sa radyo, at nagbabasa ng dyaryo para mabilis na makahanap ng pamalit na trabaho. Sa ingay ng mga tren na dumadaan, hindi nagkakarinigan si Miguel at ang mga kumpanyang kanyang nais pasukan. Habang tumatawag sa iba’t ibang kumpanya, patuloy pa ring nababagabag ang kalooban niya. Maraming katanungan ang nasa kanyang isip ngunit patuloy pa rin siyang tumatawag upang magkaroon ng pantustos araw-araw. Tinapos nang mabilis ni Ofelia ang mga hugasin upang tulungan ang asawa. Habang nanonood ng telebisyon, biglang lumitaw ang komersyal tungkol sa mga kumpanya sa ibang bansa na naghahanap ng mga trabahador. Nang marinig ito ni Lola Puring, agad-agad niyang pinatay ang telebisyon. Ikinagulat ito nina Ofelia at Miguel ngunit nagpumilit pa rin ang anak na lalaki kaya naman muling binuksan ang telebisyon. Hindi masusukat ang saya sa mukha ni Miguel. Dahil sa sobrang galak, kumaripas siya ng takbo para kuhanin ang papel at lapis na gagamitin ipangsulat ng mga numerong kanyang tatawagan. “Pagkakataon ko ulit ‘to!” sabi pa niya. Nahihinuha na ni Miguel ang magiging kinabukasan nila. Sa kabila nito, may lungkot naman sa mukha nina Ofelia at Lola Puring. Matapos ilista ang mga numero, dali-daling lumapit si Miguel sa telepono upang mag-umpisang tumawag sa mga kumpanya sa ibang bansa. Tulad dito sa Pilipinas, iilan lang din ang sumagot. Sa isang kumpanyang tinawagan, umabot hanggang tenga ang kanyang ngiti. Siya ay natanggap sa isang pabrika sa Saudi Arabia. Habang sinasabi ito ni Miguel sa kanyang ina at asawa, biglang pumasok ang kanilang anak na si Biboy upang kuhanin ang isa pang eroplanong papel na ginawa rin ng kanyang ama. Biglang huminto si Miguel dahil baka malungkot ang kaniyang anak. Pagkalabas, napahiyaw na lamang sa saya si Miguel. Sa sobrang galak ni Miguel, pinaghahandaan na ni Miguel ang mga gamit na kanyang dadalhin sa ibang bansa na pinipigilan naman ni Ofelia. “Paano kami, ang anak mo? Gusto mo bang lumaki siya nang wala sa tabi mo?”, dagdag pa niya. Si Lola Puring, na ina ni Miguel ay hindi na lamang nakigulo at nangielam sa usapan ng mag-asawa. Maraming tanong at pagtutol si Ofelia ngunit ang tanging sinasabi lang ni Miguel ay “para ito sa kinabukasan ninyo, ng ating pamilya”. Gustuhin mang magalit ni Ofelia ay hindi niya magawa dahil nasa bakuran lamang ang kanilang anak. Sila ay hindi nagkasundo lalo’t may sakit na si Lola Puring at kailangan nila ng lalaking tutulong sa mga mabibigat na gawain sa bahay. Halos lahat ng kanilang kamag-anak ay nasa probinsya kaya malabong mayroon silang matatawagan. Dito napaisip at nabagabag si Miguel. Tulad ng kanyang ina at asawa, siya rin ay nag-aalinlangan ngunit dahil sa kagustuhang umayos at gumanda ang buhay, ipinagpatuloy at ipinaglaban niya ang kanyang hangarin. Wala nang nagawa at magagawa si Ofelia kaya nagpatuloy na lamang ito sa mga gawaing bahay. Si Lola Puring naman na narinig ang usapan ng mag-asawa at pinapanood ang kanyang anak ay lubusang nalungkot. Hindi niya na ito inilalabas dahil sa bigat na dinadalang lungkot ng anak. Nakaupo na lamang ang matanda at nakatitig sa bintana kung saan makikita ang madilim na kalangitan. Habang naghahanda ng mga gamit, biglang may malakas na tunog at kalampag ang narinig ang pamilya. “Anak ko!” sigaw ni Ofelia. Si Biboy na naglalaro kanina sa bakuran ay nabundol ng isang sasakyan. Biglang bumuhos ang malakas na ulan kasabay ng patuloy na pagtulo ng luha ng pamilya at dugo mula kay Biboy. “Anak, gumising ka!” sabi ni Miguel habang humahagulgol dahil sa naghihingalong anak. “Apo, marami ka pang pangarap diba?” tanong pa ni Lola na hindi matigil sa kakaiyak sa kanyang pinakamamahal na apo. Sinubukan pang tumawag ni Ofelia sa mga malalapit na ospital ngunit huli na ang lahat, hindi na kinaya pa ng batang si Biboy. Lubos itong ikinalungkot ng pamilya lalo’t nag-iisang anak lamang ang napakakulit, napakabait, at napakamalambing na si Biboy. Parang kinakalmot ang mga puso ng kanyang mga magulang habang pinapanood siya nakalupasay sa kalsada. Ang kaninang pangarap na halos maabot na ni Miguel ay nagpira-piraso at nawala na parang bula na. Totoong nagbibigay kasiyahan ang eroplanong papel ngunit hindi nito kayang abutin ang nagtataasang mithiing nais nating makamit.













