Mapagkakatiwalaang Kompas: Walang Katapusang Paggabay
Ni Eric Walo Jr | Nobyembre 15, 2024
Parang isang kompas, si Ma’am Marvie ang nagsisilbing gabay sa kanyang mga estudyante, kagaya ng isang parola na nagsisilbing gabay sa mga barko patungo sa kaligtasan, ginagabayan niya ang kanyang mga estudyante patungo sa mabuting pagpili. Sa oras ng pagkaligaw at kalituhan sa buhay ng mga kabataan, siya ang nagtuturo sa tamang direksyon. Sa kanyang patnubay, natutulungan niyang makatagpo ng landas ang kanyang mga estudyante patungo sa isang maliwanag at matagumpay na kinabukasan.
Isang kilala at respetadong propesor sa UP Integrated School na nakapagtapos ng master’s degree sa UP Diliman si Prop. Marvie Dela Cruz Manalo. Noong una, gusto niya sanang maging pulitiko, pero noong natuklasan ni Ma’am Marvie ang kanyang tunay na bokasyon sa pagtuturo. Bilang dating batang may ambisyon na maglingkod sa bayan, ngayon, isa siyang magaling na propesor, na humuhubog sa mga kabataang magiging lider ng kinabukasan.
Ayon sa kanya, noong bata siya, nais niyang maging isang pulitiko. Subalit, nang makatagpo siya ng isang mayabang na pulitiko noong Grado 3, nawalan siya ng ganang ipagpatuloy ang propesyon dahil ayaw niyang matulad sa kaniya. Sa halip, matapos siyang maturuan ng maraming guro at propesor na kanyang hinahangaan, nagpasya na rin siyang magturo.
Ipinaliwanag niyang naniniwala siya na kapag nagtuturo, dapat din ituro sa mga estudyante ang mga kasanayan na magagamit nila sa labas ng paaralan, tulad ng kritikal na pag-iisip. Dagdag pa niya, ang pagtuturo ng Senior High School ang pinakamabigat na hamon na kanyang kinakaharap dahil sa mas malaking responsibilidad nito dahil mas seryoso ito kaysa sa kanyang karaniwang setting.
Sa kabila ng mga paghihirap ng pagiging guro, ipinaliwanag ni Ma’am Marvie na ikinatutuwa niyang nakikita ang kaniyang mga estudyanteng nakangiti at sabik na mag-aral—ito raw ang pinakamahalagang bahagi ng pagtuturo. Ginagawa rin niya ang kaniyang makakaya upang maging malapit sa kaniyang mga estudyante nang madalian silang lumapit sa kaniya kapag may mga katanungan. Ngunit, kanyang nilinaw na hindi ibig sabihin nito na lenient siya sapagkat mahigpit pa rin siya kapag kailangan. Kuwento niya, na siya’y humarap ng isang hamon noong panahon ng pandemya, dahil nahirapan siya sa pagbuo ng koneksyon kasama ang kaniyang mga estudyante. Pero pinagsisikapan niya muli na mapalalim ang kaniyang relasyon sa kanila, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanila at pagsisikap na bumuo ng isang matibay na relasyon.Ibinahagi rin niya na mayroon siyang maayos na plano para sa bawat klase, kasama na ang pagsasaliksik ng mga makabagong trends upang mas makisalamuha sa kanyang mga estudyante at maging mas epektibo ang paghahatid ng kaalaman. Dagdag pa rito, madalas na kinikilala at tinutugunan ni Ma’am Marvie ang magkakaibang pangangailangan ng kaniyang mga estudyante.
Kwento niya na kapag nakakaharap ang mga partikular na mag-aaral, gaya ng mga mahiyain at tahimik, gagawa siya ng isang safe space sa pamamagitan ng paglikha ng isang komportableng kapaligiran para sa kanila, at pagbibigay-daan sa kanilang malayang pagpapahayag, kung saan hinihikayat niyang maging komportable sila at makilahok sa klase. Madalas niyang tinatawag sila kapag sa tingin niyang nahihiya silang itaas ang kanilang kamay para sumagot. Isa pa sa ibinigay niyang halimbawa ang tungkol sa mga slow na mga mag-aaral, kung saan nagbibigay siya ng maraming pagkakataon para sa konsultasyon at puna na patuloy na nag-uudyok sa kanila na magsikap para higit pang maging mahusay.
Gayunpaman, binigyang-diin niya ang hamon ng pagbibigay ng indibidwal na atensyon sa mga sitwasyon ng pangkatang gawain. Upang agapan ito, madalas niyang pinapayagan ang mga mag-aaral na pumili ng sarili nilang kagrupo dahil mas komportable silang makipag-ugnayan at makisalamuha sa mga taong kanilang pinagkakatiwalaan.
Sinabi rin ni Ma’am Marvie na upang talagang masukat ang pag-unlad ng mag-aaral at pag-unawa nila sa mga aralin, naisip niya at ng iba pang guro sa Araling Panlipunan na lumayo sa mga pana-panahong pagsusulit mula noong pandemya. Bilang kapalit nito, gumagamit sila ng maraming mahahabang pagsusulit sapagkat base sa kanilang obserbasyon, mas sinusuri ng pagtatasa na ito ang kaalaman ng mga mag-aaral. Madalas din siyang dumalo sa mga seminar at workshop upang matuto ng mga bagong pamamaraan sa pagtuturo. Dumadalo siya sa mga seminar 3-4 beses sa isang taon, kahit na dalawa lang ang kinakailangan ng eskwelahan.
Sinabi rin ni Ma'am Marvie na gusto niyang maging mas mahusay na guro. Karagdagan pa sa mga seminar at workshop na pinapasukan niya, nakikipag-usap din siya sa ibang mga guro upang mapag-aralan ang mga bagong paraan ng pagtuturo. Ani niya, balak niyang kumuha ng PhD balang araw.
Tungkol sa stress at pagpapanatili ng isang malusog na work-life balance, ibinahagi niyang umasa siya sa iba noong simula. Ngunit ngayon, kaya na niyang tulungan ang kanyang sarili. Sinabi rin ni Ma’am Marvie na ang ehersisyo at isports ang kaniyang ginagamit upang makatulong sa kalusugang pangkaisipan at pisikal niya.
Nang tanungin siya kung paano niya tinutugunan ang mga alalahanin sa mental health ng kaniyang mga mag-aaral sa silid-aralan, sinabi niya na nagkaroon ng kaunting debate sa pagitan ng mga guro. Ngunit sa pangkalahatan, kanilang inuunawa ang ugat nito at ginagawa ang kanilang makakaya upang lutasan ito kahit papaano. Subalit, hindi pinapayagan ang mga mag-aaral na gamitin ang mental health bilang isang dahilan para sa pagpapasa ng mga gawain na mababa ang kalidad.
Bilang guro, ipinapaalam niya sa kanyang mga estudyante ang mga paraan upang matulungan ang kanilang sarili. Ngunit higit sa lahat, iginigiit niyang huwag matakot humingi ng tulong para sa kapakanan ng lahat. Sinabi niya ang kanyang mga saloobin sa pagkakapantay-pantay sa edukasyon at kung paano tayo makakaangat tungo sa mas patas na sistema ng edukasyon upang masuportahan ang mga guro—dahil hindi sila nakatatamasa ng sapat na tulong dito.
Madalas na umaalis sa propesyon ang mga guro dahil sa kakulangan sa suporta, pati na rin ang mababang sweldo na nagiging hadlang upang patuloy silang makapagturo nang hindi na kailangang magkaroon ng pangalawang trabaho o umasa sa ibang pinagkakakitaan.
Bilang pangwakas, iminungkahi niya ang kanyang mga payo para sa mga mag-aaral ng UPIS na nagbabalak kunin ang University of the Philippines College Admission Test (UPCAT), na mas mainam na pagtuunan ng pansin ang pagpapabuti ng mga marka sa high school, at huwag umasa lamang sa review center. Bagaman nakakatulong ang mga gabay ng mga ito, ibinahagi niya na hindi masusing tinuturuan nito ang mga mag-aaral para sa pagsusulit. Dahil base sa kanyang obserbasyon, nagbibigay lamang ng tips ang mga ito para sa UPCAT. Hindi ito ganap na isang pag-aaral ng mga topic sa Admission Test dahil ang review centers, sabi niya, nagbibigay lamang ng mga pangkalahatang tip; hindi ang malalim na pag-aaral ng mga konsepto.
Mahal talaga ni Ma’am Marvie ang kanyang trabaho—isang patunay nito ang kanyang dedikasyon sa pagtuturo at malasakit sa mga kabataan. Bilang isang idolo ng mga guro na nagniningning ang puso sa paggabay at pag-aalaga sa mga kabataan, halimbawa siya ng titser na hindi lamang nagtuturo, kundi nagbibigay-inspirasyon at sumusuporta sa kanyang mga estudyante.
















