Makiisa sa panawagan na #ExtendVotersRegistration!
Nagkalat na ang naglalakihang poster sa daan, kabi-kabilang jingles ang maririnig sa telebisyon, radyo, at social media, at kani-kaniya nang pagpapabango ng pangalan ang mga politiko. Hudyat lamang ito na panahon na naman ng eleksyon at pagluklok sa pwesto ng mga susunod na pinuno ng bayan. Marahil sa mata ng ilang kabataan, ito ay isang isyung wala silang paglulugaran. Ngunit sa gitna ng pandemya ay umusbong ang katotohanan: may tiyak na lugar at malaking papel ang kabataan sa usaping ito, na magsisimula sa pagiging rehistradong botante.
Isang taon halos ang nawalang panahon para magparehistro ang mga Pilipino dahil sa implementasyon ng iba’t ibang quarantine protocols sa iba’t ibang panig ng bansa. Agosto sana ang pinakamainam na buwan upang makapagparehistro ang mga may edad 18 pataas para sa Eleksyon sa Mayo 2022 sapagkat ito ang buwan ng bakasyon para sa mga mag-aaral. Ngunit ito’y nahadlangan nang may nadiskubreng bagong COVID-19 variant na tinawag na ''Delta Variant'' na sinasabing mas mabilis kumalat at mas mabilis makahawa ng tao. Dahil dito ay naghigpit ng quarantine rules sa iba't ibang bahagi ng bansa at inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) noong ika-30 ng Hulyo na ihihinto pansamantala ang voter's registration sa mga lugar na isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) para sa buwan ng Agosto. Ang mga lugar na kabilang dito ay ang Metro Manila, Laguna, Iloilo City, at Cagayan de Oro.
Ang mga balakid na ito ang nag-udyok sa maraming grupo upang manawagan kasama ang ilang senador na silang nagbaba ng Senate Resolution 851 na nagpapanukalang pahabain ang pagpaparehistro hanggang Oktubre 31. Isa sa mga dahilan kung bakit sang-ayon ang mga senador sa panukala ay ang nangyari noong Eleksyon 2013-2016-2019 kung saan ang naging dedlayn sa pagpaparehistro ay October 31 at hindi September 30. Kinuwestiyon nila kung bakit noong walang paghihigpit dahil sa COVID ay mas mahaba ang registration period ngunit ngayon na may pandemiya ay mas maikli ang panahon ng pagpaparehistro. Hindi naman hinihiling na humigit sa isang buwan ang extension kaya't hindi maaantala ang paghahanda ng COMELEC sa darating na halalan 2022.
Sa kabila ng lahat ay hindi sinang-ayunan ng Comelec ang kagustuhan ng Mataas na Kapulungan ng Pilipinas na ma i-extend ang pagpaparehistro sa daraan na eleksyon, sa kadahilanang napakahirap daw maghanda sa eleksyon kung tuloy-tuloy ang pagtaas ang bilang ng mga rehistradong botante. Ayon sa Comelec ay kapag daw in-extend pa ang pagpaparehistro ay patuloy na magbabago lang ang bilang ng mga nakagparehistro at mahihirapan daw mag imprinta ng mga balota. Ngunit kung tutuusin, ito ay taliwas sa batas. Ang Republic Act 8189 ay nag-uutos na “ang sistema ng patuloy na pagpaparehistro ng mga botante”. Ang seksyon 8 nito ay nagtatakda ng isang deadline ng pagpaparehistro ng mga botante sa loob ng 120 araw bago ang isang regular na halalan. Nangangahulugan na para sa halalan na gaganapin sa Mayo 9, 2022, ang naitakdang deadline nito sa batas ay Enero 9, 2022. Hindi ba’t nararapat din na magkaroon ng pagsasaayos ang Comelec makaraang ilagay sa ECQ at MECQ ang National Capital Region(NCR) at iba pang lugar? Ano ba naman kung i-extend ng kaonting panahon pa ang pagpaparehistro sa mga lugar na isinailalim sa quarantine?
Bagama’t umabot na ng higit 61 milyon ang rehistradong botante, kasama ang apat na milyong unang beses boboto, hindi pa rin maikakaila na marami pang mga Pilipino ang hindi nakapagpaparehistro dahil na rin sa kasalukuyang estado ng bansa. Sa haba ng panahong nawala, hindi sapat ang karagdagang oras at araw lang ng pagpaparehistro para mabawi ito. Ayon sa mini survey na isinagawa ng Muni-muni sa 80 Humanista mula sa MHPNHS na pasok sa kwalipikasyon upang makapagparehistro, 61.25 % ang hindi pa rehistrado o 49 ng mga sumagot ang hindi pa rin botante. Naging malaking balakid ang lumalaking kaso ng mga positibo sa COVID-19 sa lalawigan ng Bulacan na nag-udyok sa pamahalaan upang maghigpit. Sa isang panayam, inilahad ng isang Humanistang hindi pa rehistrado ang kaniyang sitwasyon sa Muni-muni, “Una sa lahat, ako'y naninirahan sa isang isla. Upang makapunta sa lugar kung saan pwede magparehistro, kinakailangan pa naming sumakay sa bangka, subalit sa kasulukuyan ay pahirapan ang pagsakay sa bangka dito sa amin, lalo na't mahigpit ngayon at nasa gitna tayo ng pandemya. Para sa kaalaman ng mga makababasa nito, hindi accessible ang online registration dito sa aming bayan kaya naman kailangan mo pang pumunta sa munisipyo o sa lugar na inilaan para sa mga nais magparehistro…” Nang tinanong naman kung pabor siya sa pag-extend ng pagpaparehistro, mariin siyang pumabor dito, “Oo. Dapat lamang na magkaroon ng extension of voter’s registration, upang sa gayon ay mas maraming boses pa ang marinig at mabigyan ng karapatang bumoto, para sa inaasam nating pagbabago”. Ang kwento ng mag-aaral na ito ay hindi nalalayo sa kwento ng marami pang kabataang Pilipino na nais bumoto ngunit hindi pinapayagan ng pagkakataon.
Hudyat ng panahon ng eleksyon ang panahon upang mamulat. Sa ragasa ng mapanubok na pandemya kung saan nagkalat ang mga mapang-abuso habang ang mga mamamayan ay naghihirap, palagi’t palaging may lugar ang kabataan upang makisangkot sa mga isyu ng bayan. Patuloy ang panawagan ng pagpapahaba ng voter’s registration upang mas maraming kabataan ang makapagparehistro at magamit ang karapatang bumoto para sa isang makabago’t progresibong gobyerno.









