Makiisa sa panawagan para sa tunay na reporma sa lupa!
Makiisa sa panawagan para sa tunay na reporma sa lupa!
Sa pagtatapos ng buwan ng mga pesante nitong Oktubre, ating patampukin ang tunay na estado ng ating mga kababayang magsasaka. Sapagkat ang buwan ng pagdiriwang na ito ay hindi lamang para sa pagpupugay sa kanilang kadakilaan kung hindi para mas mapaigting pa ang mga panawagang kaakibat ng pagsulong ng kanilang mga karapatan. Lubos na inilantad ng sigalot na ating nararanasan ang matagal nang ekonomiko at ekolohikal na krisis na kinahaharap ng ating mga kababayang magsasaka ngayong nasa gitna tayo ng pandemya. Silang dakila ay kay sikhay sa paghatid ng pagkain sa ating hapag, subalit sila mismo ay kumakalam ang sikmura sa hustisya’t karapatan bilang nasira ang kanilang kabuhayan sa kanayunan. Ang krisis na ito ay patuloy na pinipilay ang imprastrakturang pangkalusugan at patuloy na pinapatay ang ating mga kababayan lalo na sa ilalim ng kapabayaan ng gobyerno lalo na ang mga magsasaka’t mangingisda.
Patuloy pa rin ang pangangalampag para sa pagbabasura ng pahirap na Rice Liberalization Law, at higit sa lahat ipinapanawagan pa rin ang tunay na reporma sa lupa para sa mga pesante sa bansa. Ang pagdami ng importasyon ng mga bigas galing sa mga dayuhang bansa dahil sa batas na ito ay naging malaking sanhi ng pagkalugi ng mga magsasaka sa ating bayan dahil bumaba ang halaga kada kilo ng palay na kanilang kinikita sa mga ani na dumagdag sa mga hadlang ng kanilang pag-unlad. Buhat nito ay patuloy ang sapilitang pagpapalayas sa kanila mula sa kanilang mga lupain para maipatupad ang mga huwad na kaunlarang itinutulak ng gobyerno at ng mga makapangyarihang kompanya.
Gayon din, talamak ang “red-tagging" sa mga katutubong lumalaban para sa kanilang karapatan na siyang kilalang taktika ng gobyerno para mapatahimik sila sa pamamagitan ng pag-aresto. Ayon sa naitalang ulat, mayroong mahigit tatlong daang mga pesante ang napaslang sa ilalim ng pamumuno ng diktador na si Duterte. Hindi rin makakalimutan ng sambayanan ang walang habas na pagpaslang ng mga berdugong kapulisan sa isang Peasant Activist at NDFP Peace Consultant na si Randall “Ka Randy” Echanis noong nakaraang taon, Agosto 10, 2020, at ang pagnakaw sa kanyang mga labi. Sa deka-dekadang opresyon at pagkait sa lupa, kaliwa't kanang pagpapahirap, kagutuman, inhustisya, hanggang sa walang habas na pamamaslang, saksi ang mainit sa sikat ng araw at ang kanilang palay at mga itinanim sa katotohanang ito. Kaya't alalahanin natin na ang pakikibaka ay hindi natatapos sa buwang ito, kung hindi sa hanggang matugunan ang mga panawagan at makamit ang ibayong tagumpay. Hindi natin makakalimutan na sa ilalim ng rehimeng Duterte, ilang daang lider-magsasaka at mga maralitang lungsod ang pinapatay.
Ngayong buwan ng mga pesante, sama-sama tayong kumilos at makiisa sa panawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Kasama ang tunay at malawak na hanay ng mga kabataan, patuloy nating iharap at palawakin ang panawagan ng ating mga magsasaka upang makamit ang progresibong pag-unlad ng sektor ng agrikultura, libreng pamamahagi ng lupa, at tunay na reporma sa lupa.













