MAX WEBER: The Rationalization of Society
SI MAX WEBER SA MUNDO NG SOSYOLOHIYA - February 19,2019
Si Max Weber ay isang German sociologist na ipinanganak noong April 21 1864. Nang siya ay makatapos sa sekondarya, nag-aral siya tungkol sa pag-aabogado, kasaysayan, pilosopiya at ekonomiya sa loob ng tatlong semestre sa Heidelberg University bago pumasok sa militar. Unang nakilala si Weber bilang isang ekonomista. Sa kabilang banda, sa larangan ng sosoyholiya, kilala si Weber bilang isang “subjectivist.” Ito ay isang pamamaraan kung saan tinitignan niya ang isang lipunan batay sa pananaw ng bawat indibiduwal. Salungat ito sa ideya ng pamamaraang objectivist, kung saan ang bawat indibudwal ay tinitignan bilang isang bagay na naapektuhan ng lipunan. Si Weber ay lubusang nakilala sa sosyoholiya dahil sa kaniyang thesis na “Protestant ethic” kung saan ipinaliwanag at pinalawak niya ang ibang ideya ni Karl Marx ngunit kaniyang kinontra at hindi sinang-ayunan ang iba. Siya ay kilala bilang sumasalungat sa ideya ni Karl Marx tulad ng kapitalismo.
Isa sa ideya na nagmula kay Weber ay ang pagiging rasyonal ng isang lipunan. Ayon sa kaniya, ang isang rasyonalisado na lipunan ay mayroong isang maayos na sistema. Sinasalamin ng isang rasyonalisado na lipunan ang pagkakaroon ng isang plano na makakapagpabuti at makakapag bigay kaayusan sa magiging takbo nito. Mayroong apat na uri ng pagiging rasyonal, una ay Practical Rationality o ang tinatawag ng karamihan na “common sense”, sumunod ay ang Theoretical Rationality kung saan ang isang tao o lipunan ay nakakagawa ng isa o mga pamamaraan na makakapagbigay solusyon sa isang problema, ang Substantive Rationality o ang pagdedesisyon ng base sa mga nakaugalian at paniniwala at ang panghuli ay ang Formal Rationality kung saan ang pagdedesisyon naman ay batay sa mga tuntunin, batas at mga legal na procedures.
Bukod rito, ipinaliwanag rin ni Weber sa kaniyang thesis ang kaniyang naiibang ideya ng kapitalismo kumpara kay Marx. Ayon kay Weber, ang kapitalismo ay ugat ng isang relihiyon na tinatawag na Protestantism at hindi nagmula sa mga materyal na bagay kagaya ng sinasabi ni Marx. Ang Calvinist, isang sekyon sa ilalim ng relihiyong Protestantismo, ay naniniwala na ang pagkaligtas ng isang tao ay nakabase sa dami ng mga mabubuting nagawa nila sa haba ng kanilang buhay. At mula dito, para sa mga Calvinist, ang pagkakaroon ng mga kita mula sa isang negosyo ay isa sa magagandang gawain o tagumpay na kanilang nagawa sa mundong ibabaw. At dahil sa paniniwalang ito, natuto sila na mag-isip ng rasyonal at patuloy na lumaganap ang mga negosyo. Sa kabuaan, ipinihayag ni Weber, na ang kapitalismo ay bunga ng isang relihiyon at hindi palagiang bunga ng mga materyal na bagay o ng mga isyu sa isang ekonomiya.
Isa pa sa ideyang ipinaliwanag ni Max Weber sa kaniyang thesis, ang ang ibat ibang struktura ng awtoridad. Pinag-aralan ito ni Weber sa kaniyang thesis upang malaman at maipakita kung paano ba nagkakaroon ng isang maayos na sistema sa loob ng isang organisasyon o lipunan. May 3 uri ng authority structures ayon kay Weber, una ay ang Traditional Authority kung saan nagkakaroon ang isang indibduwal ng kapangyarihan batay sa mga paniniwala at kaugalian. Isang halimbawa nito ay ang mga mana na nakukuha ng isang tao na maaring hindi naman kuwalipikado sa isang posisyon na nagmula sa isang negosyanteng pamilya. Dito ay naipapasa sa kaniya ang awtoridad na mayroon ang kaniyang pamilya sa isang organisasyon. Ikalawa ay ang Charismatic Authority kung saan ang pagkakaroon ng kapangyarihan ay base sa mga kaniyang nagawa/heroism acts, kung minsan ay batay sa mga nagawa na nito sa ibang organisasyon, o kaya naman ay kung minsan sa karisma na mayroon ang kaniyang pisikal na itsura. Ang halimbawa nito ay ang samahan ng Iglesia Ni Cristo, kung saan sinusunod nila ang mga utos at bilin ng kanilang ministro. Ang kapangyarihan sa strukturang ito ng awtoridad ay naipapasa sa pamamagitan ng pagbagay o paggaya sa ugali o pamamaraan ng isang lider. At ang huli ay ang Rational-Legal Authority kung saan ang pagkakaroon ng kapangyarihan ay nakabatay sa mga legal na patakaran at tuntunin. Halimbawa nito ay isang Bureaucracy.
Mahalaga na maunawaan ang iba’t-ibang ideya ni Weber sa larangan ng sosyolohiya sapagkat makakatulong ito upang mas magkaroon ng dagdag na kaalaman sa pagtugon sa mga nangyayari sa isang lipunan. Nagbibigay din ito ng mas malalim na pagkaunawa sa mga isyu sa isang lipunan na maaring magmulat sa kaisipan ng isang indibidwal upang makakilos ng ayon sa kung ano ang tama at dapat gawin. Bukod pa rito, ang pagkakaroon ng kaalaman ukol sa pag-iisip ng rasyonal ay maaring magsilbing daan sa pag-unlad, hindi lamang ng lipunan maging sa pag-unlad bilang isang indibidwal. Sa pamamagitan rin ng mga impormasyon ukol sa ideya ni Weber, mabubuksan ang isip ng mga tao kung paano nagiging maimpluwensya ang isang relihiyon sa mga ginagawa, pananaw at paniniwala ng isang tao. At isang halimbawa nga nito ay ang ideya na nagmula kay Weber ukol sa kapitalismo.
Sa aking pananaw, sumasang-ayon ako sa ideya ni Weber na ang pagiging rasyonalisado ng isang lipunan ay mahalaga upang maging maunlad ang isang lipunan at magkaroon ng isang maayos na sistema o pamamahala sa loob nito.













