Panitikan sa Mata ng Isang Dalubbuhay
Sean Lemuel L. Santos
Buhay ang panitikan. Katulad ng mga letra nito ang bawat organismo sa kalikasan na may relasyon at may sariling tungkulin. Katulad ng mga salita nito ang bawat dugong dumadaloy sa katawan ng tao na siyang bumubuhay dito. Katulad ng mga pangungusap nito ang mga mata na nagpapakita ng mundong ating ginagalawan. Katulad ng panitikan ang nilalang ng kalikasan—isang likha na buhay, may damdamin at may kapangyarihan.
Sinasalamin ng panitikan ang mga iba’t ibang pananaw sa haynayan. Hindi lamang nito binibigyang kulay ang kalikasan, binibigyang kahulugan niya rin ito. Kung susuriin, makikitang ang mga tema ng haynayan ay parang tema rin ng panitikan.
Kaayusan at Kayamanan. Sa kalikasan, maganda at mabusisi ang anyo ng lahat ng buhay. Sa kanilang napakaayos na anyo, parang silang nilikha ng isang reloherong alam kung saan dapat at bawat tornilyo at bakal ng isang relo. Sa panitikan, kaayusan at kayamanan ang susi sa isang magandang sulatin. Kailangang maging maayos at maganda ang bawat ideya, pangungusap, salita, at kung minsan maging ang tunog ng mga letra.
Ebolusyon. Nagbabago-bago ang mga organismo. Mula sa pagiging simpleng mga mikrobyo apat na bilyong taon na ang nakakalipas, lumaki at naging komplikado ang mga organismo. Mula sa pananatili sa dagat, umahon ang mga ninuno ng mga puno, insekto at mga hayop na may gulugod patungo sa lupa. Ganito rin sa panitikan. Sumasabay ang paraan ng pagsulat at nilalaman ng mga sulatin sa pagbabago ng panahon. Dahil dito, nakikita natin kung paano hinuhubog at binabago ng kasaysayan ang mga ideya at istilo sa panitikan.
Istruktura at Tungkulin. Ang bawat istruktura ay may sariling tungkulin. Pahaba ang mga buto sa binti upang makalakad ka. Bilog ang mga mata upang mas malawak ang iyong makita. Malaki ang iyong tenga para mas marami kang masagap na tunog. Sa panitikan, may tungkulin ang bawat istruktura ng mga katha. Minsan, pare-parehas dapat ang bilang ng salita kada linya, makikita dapat ang bawat salita kada parte o di kaya, may uulitin dapat na salita. Sa pamamagitan ng istruktura, nakukuha ng mambabasa ang aral at emosyon na siyang pakay ng bawat sulatin.
Interaksyon. May relasyon ang bawat organismo sa isa’t isa direkta man o hindi. May ibang magkakaaway o kaya ay magkakampi. May mga iba naman na nananakit o di kaya ay nakikinabang lamang. Ang mga interaksyong ito ang nagpapanatili ng balanse at kayamanan ng kalikasan. Sa panitikan, interaksyon ng mga salita ang nagbabalanse at nagpapayaman sa mga likha. Sa pamamagitan ng masusing paghabi ng mga salita, nadadala ang mambabasa sa mundong pinipinta ng manunulat.
Pagkakaisa sa kabila ng Pagkakaiba. Magkakaiba ang lahat ng organismo ngunit iisa lang ang kanilang pinagmulan. Nagmula ang lahat ng nilalang sa sinaunang mikrobyo. Sa paglipas ng apat na bilyong taon, nagsanga-sanga ang buhay at naging iba-iba ang anyo. Gayon pa man, hindi natin maitatanggi na hindi tayo magkakahiwalay kundi magkakasama. Hindi tayo iba sa puno, sa mga isda, mga ibon at liyon. Tayo ay pare-parehas na isinilang ng mundo. At ganito rin ang panitikan. Kalipunan ang mundong ito ng iba’t ibang uri ng mga katha mula sa iba’t ibang manunulat ng ibat’t ibang henerasyon. Ngunit ang pagkakaiba ng mga ito ang nagbibigay-daan upang mapagkaisa ang lahat ng tao tungo sa kamalayan at magandang kinabukasan.
Magkasama ang haynayan at panitikan. Para itong yin-and-yang na naghahabulan. Walang buhay kung walang panitikan. Walang panitikan kung walang buhay. Dahil ang buhay at panitikan ay iisa.













