Laboy-Aral sa Quezon
Isa sa hindi ko malilimutang karanasan noong aking unang taon sa kolehiyo ay ang paglalakbay namin sa bayan ng Tayabas at Lukban sa probinsiya ng Quezon kasama ang aking mga blockmates. Hindi lang ito dahil sa mga tanawing bumusog sa aking mga mata at mga kaalamang pumuno sa aking isipan kung hindi dahil sa mga masasayang alaalang bitbit ko mula sa aming makabuluhang pamamasyal.
© Daniel Limlingan
Sulit ang limang oras na biyahe nang masilayan namin ang Minor Basilica of St. Michael the Archangel na mahigit sa 400 taon na ang edad. Dagdag-kaalaman: ang simbahan ay hugis-susi kaya kilala din ito sa tawag na "Susi ng Tayabas". Ito ay matatagpuan sa bayan ng Tayabas, Quezon. Nagpapatunay lamang ito ng pagiging relihiyoso nating mga Pilipino.
Kuha mula sa labas ng simbahan. © Daniel Limlingan
Sa pagpasok namin sa loob ng simbahan, kami ay namangha sa laki at haba nito. Ito daw ay isa sa pinakamahabang simbahan sa Asya ayon sa aming tour guide. Akin lamang naisip, paano kaya kung dito ako ikasal? Gaano kaya ako katagal maglalakad patungo sa altar?
Wishing chair
Sa likod ng simbahan ay makikita ang tinatawag nilang wishing chair. Ang aking inuupuan ay pagmamay-ari diumano ng yumaong pari na nasa larawan. Anuman ang iyong hilingin habang nakaupo rito ay tiyak na matutupad raw. Sa ngayon, hindi pa din natutupad ang aking hiling...
Alitao River
Kaunting lakad lamang mula sa simbahan ay iyong matatagpuan ang ilog ng Alitao kung saan may mga naglalaba at naliligong mga tigarito. Kitang-kita dito ang kapayakan ng pamumuhay sa probinsya.
Tila mas malaki pa ang batong ito sa akin! Sa aking likuran (hindi ang malaking bato ha) ay makikita ang Alitao Bridge. Kahit luma na ang istruktura at balot na ng lumot, napakitabay naman nito. Naging parte ito ng ating kasaysayan dahil dito umano nagtago ang ating mga kababayan noong panahon ng gyera.
Casa de Comunidad de Tayabas. © Daniel Limlingan
Ang mga lumang instruktarang ito ay nagsilbing Tribunal, bulwagang Pambayan, tuluyan ng mga manlalakbay at paaralan noong panahon ng mga Kastila, Amerikano at Hapon. Matatagpuan din sa bayan ng Tayabas.
Kilala ang Quezon sa produkto nitong Lambanog dahil sa sagana ang probinsiya sa lupain o taniman ng mga niyog. Matapos kaming ilibot sa loob ng distilerya, pinatikim kami ng lambanog. Lakas ng tama! Paalaala, ang pag-inom ay ipinagbabawal sa mga menor de edad. Hmmm...
© Franz Abelgas
Dumaan din kami sa Tulay Malagonlong, isa sa mga nalalabing tulay na ipinatayo noong panahon ng Espanyol. Sa kasamaang palad, hindi na siya pwedeng daanan ng mga sasakyan, pero puwede pa din naman siguro ang mga hila-hila ng kalabaw.
@ Nawawalang Paraiso Resort and Hotel
Good morning sa inyo! Napakasarap gumising kapag kasama mo ang mga taong nagpapasaya sa'yo habang humihigop ng mainit na kape.
Kuha bago kami maligo sa pool
Tila ang grupo namin ang pinakaswerte sa lahat dahil kami ang nakakuha ng pinakamagandang suite sa buong hotel.
Katahimikan
Kapayapaan
Kita ang Bundok Banahaw sa aking likod
Natagpuan ko ang "Nawawalang Paraiso."
Alam mo ba na ang pangalan ng bayan ng Lucban ay halaw sa isang prutas? Ayon sa kuwento, ang mga taong nakadiskubre sa bayan ng Lucban ay nakakita ng maraming lukban sa lugar kaya ito ang ipinangalan dito. Katabi ko naman si Apolinario dela Cruz o mas kilala sa tawag na "Hermano Pule," ang nagtatag ng Confradia de San Jose.
Isa pa sa mga ipinagmamalaking tanawin sa Quezon ay ang simbahan sa bayan ng Lucban. Mapapansing sa bawat bayan sa ating bansa ay mayroong simbahan. Hindi maikakailang likas sa ating mga Pilipino ang pagiging maka-Diyos.
Isang dayorama na makikita sa loob ng simbahan ng Lucban.
Makikita sa dayoramang ito kung gaano kakulay at kung gaano kayaman ang tradisyong Pilipino. Pamilyar ba ang eksenang ito? Oo, tama ka! Yan ay Pahiyas Festival.
Sa bayan ng Lucban, matatagpuan din ang Kamay ni Hesus Shrine na nasa Bundok Banahaw. Sikat itong pasyalan ng mga turista tuwing Semana Santa.
Bago ang mahaba-habang akyatan...
Noah's Ark © Daniel Limlingan
Pasyalan ng buong pamilya.
Dalawang daan at siyamnapu't dalawang hakbang. 14 Stations of the Cross. Sisiw! Simulan na ang bakbakan...
Dalawang daan at limampu't pito. Dalawang daan at limampu't walo...
© Daniel Limlingan
Hindi mahalaga kung gaano katagal mo inakyat ang isang bundok, ang mahalaga ay kung paano mo ito inakyat at ang mahahalagang karanasan mo sa pag-akyat nito.
I'm on the top of the world looking down lalalalala...
Sa aming paglalakbay, marami akong napagtanto. Una, maaari ka palang matuto habang nag-eenjoy. Ikalawa, hindi pwedeng sabihin na mahirap ang ating bansa dahil napakayaman ng ating kultura at likas na yaman. Marami akong nalaman ukol sa ating kasaysayan, sa ating kultura, at gayundin sa aking mga blockmates. Mas lalo pa kaming naging malapit sa isa't isa dahil sa byaheng ito. Baon ko ang masasayang alaala na talaga namang hinding-hindi ko malilimutan. Isa pang dahilan kung bakit naging makabuluhan ang byaheng ito ay dahil nabuo ang aming pagkakaibigan, isang bagay na hindi mapapantayan ng anumang salapi.
© Franz Abelgas
© AC Ilagan
© Franz Abelgas
Mga sandaling hindi matutumbasan. Mga samahang hindi matatawaran. Mga ngiting nakakawala ng pagod. Mga kalokohang nagpapagaan ng mga bagay. Kasiyahang walang kapantay. At higit sa lahat, mga aral na hinding-hindi mananakaw. Ito ang mga simpleng bagay na nagbibigay-kulay sa ating mundo. Sabi nga, "the best things in life are free."
Pakaingatan mo ang mga taong nasa paligid mo. Pahalagahan mo ang bawat sandaling kasama mo sila dahil hindi mo alam ang pwedeng mangyari sa kinabukasan.
"Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng kagipita'y kapatid na tumutulong." --Kawikaan 17:17
Miss na miss ko na ang Block 7(Area Studies batch 2010)!














