Sinasalot ng Napakalalang Sakit Ang Edukasyon
Matapos ang ilang buwan ng walang humpay na lehitimong panawagan para sa aksesibol at makamasa na balik-eskwela ng mga kabataan-estudyante, guro, magulang, at mga paaralan; ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, matagumpay ang pagbubukas ng klase sa kabila ng pandemya. Sa tumataas na bilang ng mga drop-outs noong nakaraang pasukan, mga magulang na nagkukumahog magtrabaho upang matustusan ang internet card ng kanilang mga anak, mga gurong pilit na tinatahak ang mga masusukal na daan para lamang makakuha ng signal, at sa mga paaralang patuloy na nagsasara dahil sa mababang bilang ng mga enrollees, patunay lamang na ang tinutukoy na tagumpay ni Education Sec. Leonor Briones ay ang pagpapahirap sa mga kabataan, magulang, at mga guro. Habang ito ay tunay na tagumpay ng mamamayan, hindi dapat makampante ang gobyerno sa bare minimum na kanilang kayang gawin sa lumalalang krisis ng pandemya at edukasyon.
Alintana man ang pangangailangan na unahin ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa bago buksan muli ang mga paaralan, ngunit ang pagsasara ng mga paaralan ay may mga negatibong epekto para sa mga kabataan-estudyante. Katunayan, ang Pilipinas na lamang ang natitirang bansa sa buong mundo na hindi pa ibinabalik ang face to face classes kahit pa nagbabala ang UNICEF sa maidudulot nitong epekto sa kabataan sa kanilang pisikal, emosyunal, at mental na kalusugan sa kabila ng hinaharap na pandemya. Nitong nakaraang linggo lamang ay naglabas ng pahayag ang Department of Education (DepEd) na susubukan ang limitadong face-to-face classes ng mga mag-aaral sa bansa. Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, mahabang panahon na ang kanilang ginugol at pag-aaral sa pilot face-to-face classes at handa na sila para dito. Ngunit sa bagal at kawalan ng interes ng gobyerno sa sasolusyong medikal, hindi pa matanaw ng mga mamamayan ang pag-alpas sa pandemya, gayundin, hindi pa makita ng mga estudyante ang pagbubukas muli ng kani-kanilang mga paaralan. Sa datos ng DOH, pumapalo na sa lagpas 20,000 ang bagong kaso ng COVID-19 kada araw. Sabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na posibleng makamit ng Pilipinas ang herd immunity bandang unang quarter ng 2021, kung saan target mabakunahan ang 77 milyong Pilipino ngunit ayon sa datos noong Setyembre 1, 2021 ay matatalagang 18.29% pa lang sa target population ng gobyerno ang bakunado.
Sa ganitong kalagayan, nanawagan ang kabataan-estudyante sa gobyerno para sa agarang aksyon upang ang krisis sa edukasyon ay hindi maging isang sakuna sa kanilang buong henerasyon. Kung gugunitain, bago pa man magsimula ang ikalawang taon ng distance learning, libu-libong hinaing ang narinig mula sa mga kabataan-estudyante. Habang ang iilang mag-aaral ay maayos na nakakapag-aral, hindi alintana na karamihan pa rin sa mga mag-aaral ay nagkukumahog para lamang magkaroon ng internet at gadyet. Ang mabagal at biglaang pagkawala ng internet ay lubos na nakakaapekto dahilan upang ang iba ay hindi makapasok sa online classes at mahuli sa deadline ng mga gawain.
Marapat lamang na umangkop ang Department of Education at gobyerno sa mga pangangailangan ng kabataang-estuyante lalo na sa mga kabila ng lumalalang krisis ng edukasyon sa gitna ng pandemya dulot ng deka-dekadang pagpapabaya ng estado sa sektor ng edukasyon. Hindi na makapapayag pang mamuti ang mata ng mga mag-aaral at guro ngayong taong pampaaralan sa kahihintay sa face to face classes habang lunod sa pahirap na moda ng edukasyon. Gayundin, ‘di papayag ang kabataang isalang sila sa posibleng sakit dulot ng COVID-19 dahil sa kawalan ng kongkretong plano at kapasyahan ng estado para matiyak ang kaligtasan. Marapat lamang itaas ang kapasidad sa testing at contact tracing, at pabilisin ang pagkuha at rollout ng bakuna lalo na sa mga kabataan-estudyante at mga guro. At habang hinihintay ito ay marapat lamang na maglaan ng sapat na pondo sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan ang gobyerno para matiyak ang kaligtasan ng pagbabalik-eskwela, at matamasa ang aksesibol at makamasa na edukasyon para sa lahat.












