WALANG TITULO
bakit kailangan kong umalis? iwanan aking bayan at buhay para gamutin ang kanilang galis at magpaalipin sa ibang bahay.
nararapat bang ako'y lumisan? ipagpalit ang lupang sinilangan, problema ninyo'y aking pasan-pasan ito nga ba ay kinakailangan?
lahat ng aking pagsasakripisyo sa trabahong pinapago't pinupuyat para mapagbigyan inyong luho't bisyo at h'wag na h'wag kang makitang mamayat.
sa pamilya ko, ang dati kong mga yakap ngayo'y nasa mga sulat ko't salita. nakatingin palagi sa alapaap, ipinapanalangin na maganda ang balita.
ngunit madalas na akong nagtataka, tila diya'y walang magandang bukas. inaalipin ng mga tamad na kalabaw at baka, kinukuha mga binubuong pag-asa niyo't lakas.
ganito na ba ang ating hinaharap? tayo-tayo na mismo ang maglolokohan? pinapaasa sa mga nasirang pangarap? pinatutuloy sa inaanay nilang tahanan?
sasabihin nilang para sila sa bayan pero sila pa naman itong makasarili! itinataboy kami sa ibang bayan para sila ang makakain at makabili.
o Diyos, palagi kong dalangin na matuto silang ang iba ay mahalin. upang 'di na kami manglimos ng pagtingin at palaging sa kanila ay magbilin.
tawagin mo kaming bagong bayani, ang totoo, kami ang 'yong binigong bayani.











