[pero para kay @makasalanang-ensaymada kasi GRESTINE]
[Note: Mukha lang may angst ‘yan, pero wala. Labyu Teng.]
Lahat naman ay ginawa mo. Sinubukan mo ang mga bagay na sa tingin mo ay makakapagpalubag ng iyong loob. Ano nga ba ang naging mga kamalian mo para parusahan ka? Wala naman diba? Hindi nga ba't ikaw pa ang nagmalasakit sa mundo? Pero ito and balik sayo.
Nag-ikbit balikat ka nalang. Inisip mo na lang na may bukas pa, at alam mong dahil doon, may pag-asa. Darating rin sa'yo ang panahong tuluyan ka nang mapagbibigyan ng tangi mong kahilingan: pagmamahal. Pagmamahal ito na iyong ibinuhos sa mundo, ngunit hindi napabalik. Heto ka, nananalig na balang araw, makakamit mo rin ito.
Masakit rin sa loob mo, pero kailangan mong lumayo. Ang pag-alis mo sa inyo ay mabigat sas pakiramdam. Babalik ka naman, hindi ba? Isa lamang itong maikling bakasyon. Nais at kailangan mong magliwaliw at mapawi ang lumbay sa iyong puso. Malay mo nga naman, mahanap mo ang tunay na kasagutan sa iyong mga tanong. At higit sa lahat, masagot ang pinakamalaki mong tanong sa buhay: "May nagmamahal nga ba sa akin?"
Mag-isa ka ngayon sa inyo. Nag-iimpake ka ng mga gamit na iyong kakailanganin para sa natatangi mong pag-alis. Isa-isa mong tinitignan ang iyong listahan at sinisiguradong handa na ang lahat. Para nga naman wala nang aberya, hindi ba? Malayu-layong lugar ang Ilocos. Mahaba-habang panahon pa ang iyong gagawiin sa lugar na iyon. Swerte mo at may sasakyan ka.
Tiningnan mong muli ang iteneraryo.
"Tirad. Tirad talaga agad. Wow."
Natawa ka at naalala ang iyong panaginip noong mga nakaraang araw bago mo makuha ang papel kung saan nakasulat ang iyong mga pupuntahan. Napanaginipan mong nasa bundok kang iyon at may kausap. Hindi mo naaaninag sa panaginip kung sino siya, ngunit alam mo sa iyong sarili kung ano iyon. Ito ang dahilan kung bakit nais mong unahin ang Bundok Tirad sa iyong paglalakbay sa Ilocos.
At dumating na ang araw ng iyong pag-alis. Inihanda mo na ang iyong mga gamit sa loob ng sasakyan. Sumakay ka na rin, at huminga ng malalim. Sinubukan mong kalmahin ang iyong sarili at tanggalin ang mga iniisip.
“Kailangan mag-enjoy. Kailangan masaya.”
Nagsimula ka na sa iyong paglalakbay. Hindi mo man masyadong alam ang mga dapat na daanan, ay may mga tao ka namang napagtanungan. Nagpasalamat ka na sinagot ka nila ng ayos at mahusay ka namang nakarating sa iyong nais na paroonan. Ngunit nang makarating ka malapit sa iyong destinasyon ay may humarang sa iyo. Napatigil ka sa may tabi ng kalsada at ibiniba ang bintana ng iyong sasakyan.
“Bakit ho?”, tanong mo sa matandang lalaki na sa iyo’y humarang.
“Mag-iingat ka. Payo ko sa iyo ay huwag kang aakyat nang mag-isa.”
“Basta, hija. Sundin mo na lamang.”
Tumango ka na lamang at patuloy na nagmaneho papunta sa kilalang bundok. Nais mong matakot sa mga babala ng matanda, ngunit pilit mong isinaisip na gusto mong magsaya rito. Nais mong makita ang ganda nito na makapagpapawi sa puso mong puno ng lumbay. Ang makita ang ganda ng iyong Inang Bayan ay sapat na sa iyo upang makangiti ka ng tunay.
May mga nakasabay kang tao sa iyong munting paglalakbay. Mayroon rin silang tour guide kaya’t hindi ka nahirapan rito. Nagdaan kayo sa Lonely Trail nang bitbit lamang ang iyong bote ng tubig at panyo. Mainit ang araw na iyon. Kahit maraming puno sa paligid ay ramdam mo pa rin ang panahon at ang iyong pawis ay di mapipigilan ang pagtulo. Pinunasan mo ang iyong leeg, at kumuskos naman ang iyong kwintas rito.
Hinubad mo ang iyong kwintas na pinakaiingatan. Namana mo pa ito sa iyong ina na namana sa iyong lola. Maingat mo itong kinumpol at isinilid sa iyong bulsa. Nalaman mong napag-iiwanan ka na ng iyong mga kasama, kaya’t nagmadali ka sa pag-lalakad upang sila ay mahabol.
Pagkatapos ng lakbay na iyon ay pinili mong manatili muna sa bayang malapit. Nakakita ka ng lugar na mapagpapahingahan sa gabi. Tumuloy ka rito at ibinaba ang ilan sa iyong mga gamit. Bumili ka na rin ng iyong pagkain pagkat kumalam na ang iyong tiyan. Masama ang magpalipas ng gutom kaya’t di mo ito pinalampas. Ninais mo nang magpahinga kaya’t naisipan mo nang maligo at magpalt ng damit.
Tinanggal mo ang mga laman ng bulsa ng iyong pantalon upang maitupi ito at mailagay sa maleta. Ngunit sa iyong pag-aalwas ay tila may kulang—ang kwintas. Nanlambot ka nang hindi mo ito mahanap sa iyong pantalon. Hinagilap mo ang buong silid pati ang iyong sasakyan, ngunit hindi mo ito nahanap. Bigla mong naalala kung saan ka nanggaling.
“Ohmygod! Hindi pwede! Dios mio naman.”
Alam mong palalim na ang gabi ngunit kinailangan mong mahanap iyon dahil isa ito sa mga pinakaimportanteng bagay sa iyong buhay.
“Anobayan. Bakit naman ngayon pa? Pucha.”
Dala-dala ang isang maliit na flashlight, ay sinuong mo ang madilim na Lonely Trail. Dito mo hinubad ang kuwintas, kaya’t maaring nandirito ito nalaglag. Naririnig mo ang palaspas ng mga dahon at nararamdaman ang malamig na hangin. Pinipigilan mo na lamang ang takot na bumalot sa iyo. Iniisip na mas mahalagang maghanap kaysa ang matakot.
Lumalakas ang hangin, sabay ang palaspas ng mga dahon sa puno. Ang iyong flashlight na dala at ang kaunting dagdag ng buwan ang iyong nagsisilbing liwanag sa dilim ng lugar na iyon. Bumilis ang tibok ng iyong puso, lalo na nang marinig mong may mga pagdurog ng tuyong dahon sa paligid na tila may naglalakad papalapit. Napatigil ka sa paghahanap at nanatiling nakatayo. Nanigas ang iyong buong katawan at lalo pang naramdaman ang lamig ng hangin. Pumikit ka.
“Si Manong lang ‘yan. Si Manong lang. Lord!”, sabi mo sa iyong sarili.
Ang mga yapak ay mas rinig mo na ngayon. Mas malakas. Inalala mo ang matandang lalaking humarang sa iyo kanina. Ipinagdasal mo n asana siya nga ang lumalapit sa iyo at kahit mapagalitan ka ay ayos lamang dahil alam mong siya ang nakakita sa’yo rito. Nagsalita ang lumalapit. Naramdaman mo ang dugo sa iyong mukha na tila naubos. Lalo ka nang nabalot nang takot dahil alam mong hindi ang matanda ang naroon. Sino kaya siya?
“Ito ba ang iyong hinahanap?”
Sinubukan mong igalaw ang iyong mga paa, upang harapin ang kung sino mang nasa iyong likuran. Nais mong tumakbo na lamang, ngunit alam mong nasa kaniya ang hinahanap mo. Nagdasal ka pa ng taimtim. Pakiramdam mong ang mga buhok mo’y nagtatayuan na.
“Binibini? Ito ba ang iyong hinahanap?”
Nagtaka ka sa kaniyang mga sinabi. Binibini? Sino pa ang tumatawag ng ganoon sa panahong ito? Kahit ang matandang lalaking nakasalubong mo kanina siguro’y hindi na tatawag ng ‘Binibini’. Nababalot ka pa rin ng takot, ngunit huminga ka ng malalim at lumingon. Nanlaki ang iyong mga mata.
“Binibini, ayos ka lamang ba?”, ani ng ginoong sa iyo’y nakaharap. Hawak-hawak nito ang iyong kwintas.
Hindi siya masasabing isang normal na ginoo. Siya’y naka-uniporme na tila isang sundalo. Kumpleto siya, mula ulo hanggang paa. Biglang nawala ang iyong takot. Hindi mo alam kung ano ang iyong gagawin, ngunit nais mong matawa. Naisip mong mas baliw pa ang taong ito sa iyo. Ngunit, sa tulong ng liwanag ng buwan, nakita mo ang kaniyang mukha. Bumalik muli ang iyong takot.
Hindi mo napigilan ang iyong sigaw. Hindi ka man makaalis sa iyong kinatatayuan ay boses mo naman ang nangibabaw. Nataranta ang ginoong nasa iyong naharapan. Lumapit pa siya sa iyo at tinakpan ang iyong bibig. Napatigil ka ngunit lalo ka lamang natakot at napalakas ang iyong irit.
“Binibini, maghunus dili ka!”
Tinanggal mo ang kaniyang kamay mula sa iyong bibig.
“Maghunus dili?! Maghunus dili?! Pa’no ako maghuhunus dili?!”
“Ano ba ang iyong ipinagsisigaw, Binibini? Bakit mo ako sinisigawan? Hindi mo ba ako nakikilala? Ako ang—“
Kilala mo siya. Sa pagtapat pa lamang ng liwanag ng buwan ay nakilala mo na ang kaniyang mukha. Nakikita mo lamang siya sa mga libro, ngunit ngayon ay nasa harapan mo na. Hindi ka man makapaniwala, ngunit wala kang nagawa. Tila siya’y tunay na taong nakikipag usap sa iyo.
“Kilala kita, gago! Kaya nga ako sumisigaw!”
“Aba! Ano ang itinawag mo sa akin? Ako ay isang heneral! Ako si Heneral Gregorio Del Pilar!”
“Alam ko nga ‘yon, gago! Por dios, por santo. Santissima!”
Hindi mo siya matignan nang deretso. Nababalot ka parin ng takot kaya’t di mo maisawang sa kaniya’y sumigaw, at siya’y murahin. Mabilis pa rin ang tibok ng iyong puso. Nais mo na ring tumakbo ngunit hindi ka pa rin makagalaw. Tinatakpan mo ng iyong asal ang takot na iyong nararamdaman.
“Buti naman at ako’y iyong nakikilala! Alam mo bang kawalan ng respeto ang iyong pagsigaw sa akin?”
“Mabuti naman at iyong nalalaman.”
“Oo. Kaya akin na ‘yung kwintas ko.”