Alam mo na may gusto ako sayo.
Alam ko na may… teka. Mali. Alam ko na wala kang gusto sa akin. Kahit kailanman yata ay hindi na magkakaroon. Marahil wala siguro sa akin yung mga tipo mo sa isang lalake.
Pero sa kabila ng lahat ng iyon, naging solido pa rin tayong mag-tropa. Ang dami nating nabuong magagandang alaala habang nagsasama tayo. Bilang mag-tropa. Salamat nga pala ah. Sa saglitang panahon na iyon. Alam mo ba sumaya ako sa piling mo. Pero hanggang doon na lang siguro. Kailangan ko na mag-paalam. Sa nabuo nating samahan at mga alaala. Mukha na daw kasi akong tanga e. Sabi nung aking mga kabarkada. Isang taong kinukulong yung sarili sa isang babaeng hindi siya kayang mahalin at patuloy na naghihintay sa wala.
Nagising bigla ako sa katotohanan. Oo nga no? Para pala talaga akong tanga.
Pero sa aking paglayo ay hinihila mo ako pabalik. Hindi kita maintindihan. Sinasabi mo na sayang ang pagsasama natin bilang tropa. Pero hindi mo ba alam na masakit? Ang hirap lang kasi na sa araw-araw na ipinapamukha mo sa akin na magkaibigan lang tayo ay lalo akong nahuhulog sa'yo. Tapos sayo parang wala lang ‘yun. Lagi naman akong nasa tabi mo. Kapag kailangan mo ng tulong, isang tawag mo lang nandiyan na agad ako. Mas inuuna kita kaysa sa ibang tao. Sabihin mo nga. Ano pa bang kulang doon? Dahil ba hindi ako gwapo? Kung tutuusin ay lamang na lamang ako sa mga lalakeng umaaligid sayo pero hindi mo pa rin talaga ako nakikita. Ang hirap lang talaga na buong-buo yung pagmamahal ko sa'yo ngunit wala namang bumabalik. Bilang isang umiibig, nage-expect ako. At hindi sa paga-assume pero may nakikita naman talaga akong pag-asa. At nabulag ako sa pag-asang iyon. Dahilan kung bakit nagpakatanga ako sa iyo.
Gusto kong malaman na kung minsan ba ay naging espesyal ako sa buhay mo. Sa paraang hindi pagiging magkaibigan ang usapan. Tanggap ko naman na may priority ka ring iba at hindi nga ako yung tipo mo. Pero minsan ba talaga ay hindi ako nagkaroon ng pag-asa sa iyo? Nagustuhan mo ba ako? Kung oo naman e handa naman akong maghintay at mas ipadama pa yung pagmamahal ko. Pero kung wala talaga ay tatanggapin ko naman. Gusto ko lang talaga malaman.
Gusto ko lang naman na mahalin mo ako gaya ng pagmamahal ko sayo pero kung hindi mo naman kayang ibigay yun ay hindi naman kita pinipilit. Pero sana kapalit ng hindi mo pagmamahal sa akin ay hayaan mo akong umalis. Dahil sobrang sakit. Suko na ako.
Pero lagi mong tandaan, mahal na mahal kita.