Minadali ko lang ito, kapwa sinners. Malaya kayong dugtungan ito dahil malabong matuloy ko pa dahil lunod na lunod na ko sa requirements. As I’ve said gustong-gusto ko talagang ma-try na isulat ang isang high school-related fic (yun ang pangarap kong nobela in the future) at since miss na miss ko na ang HS days ko (kahit ang sarap pintasan ng sistema at faculty namin), eto!
“Guys.”
Sa pang araw-araw na kaingayan ng IV-Magdalo, nagmistulang mga bulong na lamang ang boses ni Miong sa tuwing kinakailangan niyang gumawa ng announcement sa harap ng klase. Magdamag, sa walo’t higit pang oras na kasama ang mga kaklase, hindi sila nauubusan ng mapagkukwentuhan, mapagtitripan, mapagkukulitan. Bawat sulok maingay. Idagdag pa rito ang mga crumpled paper na lumilipad sa ere. Meron sa kanan. Meron sa kaliwa. O dios ko, bakit ba sila pinagsama-sama sa iisang kwarto?
“Guys.” napabuntong-hininga na lamang si Miong. Tiningnan niya ang katabing paralitiko. Ibinalik naman nito ang tingin at nagkibit-balikat. Hindi maipagkakaila ni Miong na kahit lumpo ang bise presidente eh mas malakas ang kapangyarihan nito sa klase. Nagsisilbing trono ang wheelchair ni Pole.
“Ikaw na nga kumausap.” sabi ni Miong sa kanya habang kinakamot ang ulo. “Wala naman akong kwenta.”
Bakit nga ba siya ang binotong presidente? Ah. Oo nga pala. Kapag araw nga naman talaga ng class election, panibagong April Fools Day. Yung tipong wala ang ‘respectful’ sa “I respectfully nominate” at “I second the motion” ng mga gago niyang kaklaseng promotor sa kalokohan. Wala namang nagawa itong si Miong sa pag-aalaska nila. Sinabi na rin mismo ng adviser nilang kaya naman niya ang trabaho basta’t matino ang iba pang officers.
“Sige.” tumango si Pole at kinlaro ang lalamunan. Hindi niya kailangan pang sumigaw. Nakamamangha ngang buo ang boses nito at kaagaw-agaw ng atensyon. “Guys.”
Katahimikan. Tao ba itong si Mabini?
“Parang walang officer sa harap niyo rin eh noh.” sabi nito. Umayos na sa kinauupuan ang mga mag-aaral at kahit pintado sa kanilang mga mukha ang, “Eto na naman si Mabini” sinubukan pa rin nilang ituon ang pansin sa bise presidente at makinig. Hindi rin naman sila makakapag-ingay kapag naroon si Sir Tonio. Kapag homeroom period, sermon. Sa ngayon, si Pole ang pari.
“Respeto naman, Magdalo.” pagpapatuloy niya. “Bukas na birthday ni Sir Tonio tapos may oras pa kayong mag-ingay wala pa nga tayong plano. May suggestion ba kayo? Magsalita na ang gustong dumaldal diyan.”
Tahimik pa rin. Kung kailan nga naman pinapadaldal ang bata eh dun pa nagkaroon ng hiya. Nagkatinginan muli ang presidente at ang bise. Tila nag-usap muna ang mga mata nila bago naging desidido si Miong magsalita. Ikamamatay niyang maging pinuno ng klase kung wala ang gabay ng paralitiko.
“Naisip namin ni Pole na i-surprise na lang si sir.” panimula nito. Himala. Nakinig pa rin ang klase. “Pero syempre may gimik kung paano natin siya isosorpresa. Tapos may simpleng handaan. May short program din. Pwede rin nating iinvite si Ma'am Isabel.”
Alam naman ng lahat na may namumuong pagtingin sa pagitan ng kanilang adviser at school counselor ng kapitbahay nilang paaralan na all-girls. Napatango ang nakararami, aprubado ang mukha, at handa nang sakyan ang plano. Yung iba, kating-kati na umuwi kahit benteng minuto pa ang natitira bago ang alarma ng bell.
“Ililista namin ang suggestions niyo pati kung ano ang macocontribute ng bawat isa.” tugon pa ni Miong. Sinutsutan niya ang sekretaryang lalaking nakaupo sa first row na abalang-abala sa pagsusulat sa notebook. “Ikaw na magsulat sa board, Paco.”
Isang utos lang kay Roman, alisto na itong tumungo sa board. Gamit-gamit ang chalk, isinulat nito ang mga katagang, “Para sa birthday ni sir”
“Game.” sabi ni Pole. “Mag-start tayo sa officers.”
Nagtaas ng kamay ang matipunong binatang nakaupo sa pinakalikod. Hindi nakabutones ang puting uniporme nito. Kitang-kita rin na maling kulay ang undershirt niya. Imbes na puti, v-neck na light blue. May hikaw sa kaliwang tainga at nakasuot ng pabaliktad na baseball cap. Tinatago ang mahaba nitong buhok na hindi prescribed 2x3 haircut. Naka tuck-out pa at itim ang medyas. Tanging black shoes lang nito ang makintab. Walang batas-batas kay Del Pilar. Siya ang batas. Siya ang dakilang escort na hindi mabuting ehemplo sa kalalakihan.
“O Goyong.” tawag ng bise presidente. “May suggestion ka?”
“Puro hangin lang naman lumalabas sa bibig niyan!” sigaw ng isa pang binatang nakaupo rin sa pinakalikod ngunit sa kabilang dako. Hindi rin nakabutones ang uniporme nito pero tama naman ang undershirt, medyas, at gupit ng buhok. Kung gaano kaputi ang uniporme ni Goyong, kabaligtaran naman ang kay Rusca. Panay ang kagat nito sa baon niyang suman habang non-stop ang pangangantyaw sa escort.
“Mukha lang niyan ang may bisa.” panunukso pa nito at sumabog sa tawanan ang klase. Isang pangungusap lang ang kailangang sabihin ni Rusca para mabuhayan ang lahat. Kaasar-asar, pilyo, ngunit hindi maitatangging katawa-tawa.
“Mukha pati katawan daw!” dagdag ng katabi nitong si Jose Number One. Agaran siyang siniko ni Rusca. “Aray naman, Ed!”
“Gago manahimik ka nga.”
“Weh. Pangarap mo pa ring ikaw na lang sana ang muse.”
“Tangina, Bernal.”
Sa kabilang banda ng kwarto, nakangising napailing si Goyong. Walang naitulong ang pagiging mestiso ni Rusca sa pamumula ng kanyang mukha. Tinapik-tapik na ni Miong ang lamesa para maibalik ang atensyon ng klase.
“Oy Goyong, ano na?” tanong ni Miong.
“Dun sa program.” sabi ng escort at itinaas ang mga braso nito sa likod ng kanyang leeg. Galawang Goyong Para sa Obaryo ika nga ni Jose Bernal. “Balak ko sana showdown. O kahit anong sayaw. Kami na bahala ni Pedro at Tomas. Kung gusto ni Rusca na kalabanin ako…”
“Ulol!” halos mapatayo na si Ed. “Hindi kita uurungan!”
“O siya!” sumenyas ang presidente sa sekretarya. Isinulat ni Paco ang ideya ni Goyong. “Sino pa?”
“Pagkain naman.” mungkahi ni Paco at humarap sa klase.
“Cake!” boses muli ni Rusca ang dumagundong. Nakisali at nag-unahan na ang iba.
“Pizza!”
“Carbonara!”
“Barbecue!”
“Chicken!”
“Pa-cater tayo!”
“Potluck na lang!”
“Isa-isa lang!” sigaw ni Jose Number Two. Ang PRO na si Alejandrino. “Pizza na lang para makapag-order tayo dito mismo sa school. Ako na bahala sa drinks.”
“Bale cake, pizza, at drinks na lang.” sumang-ayon si Miong. “Favorite ni sir ang Brazo de Mercedes. Sino pwedeng bumili? Abonohan na muna saka babayaran ng klase.”
Walang umimik. Dito nga naman kasi palaging nagkaka-alaman. Kung ano-anong lumalabas sa bibig na hindi kayang panindigan. Napatingin ang lahat kay Rusca na siya namang nanlaki ang mata.
“Uy hindi ako ah!” depensa nito. “Sa sayaw lang ako! Pagawa niyo na lahat sa akin, ‘wag lang bumili. Kahit intermission na kanta gagawin ko.” Itinuro niya ang gitarang nakatayo sa sulok.
Sunod na tumingin ang klase sa treasurer nila.
“Takteng buhay ‘to.” bulong ni Manuel. “Limang libo na nga utang natin kay Kuya Xerox eh.”
“Babayaran naman, kuya!” komento ni Jose Number One.
Dinagdagan ni Paco ang sulatin sa board. Sa second row, may nagtaas ng kamay. Walang iba kundi ang mahinhin na top one ng Magdalo. Inayos nito ang salamin niya.
“Ano yun Joven?” si Pole na ang pumansin.
“Ako na lang bibili.”
“Ayos!” at nariyan muli si Rusca. “We love you, Hernando!”
“May iba pa bang suggestion?” paalala ng bise presidente. “Kung wala na pwede na raw tayong umalis.”
“YES!” sabay-sabay na pag-alboroto ng klase. Tumayo na ang iba at dumiretso palabas. Paunahan, tulakan kung tulakan, kung kumawala sa pinto. Muntikan na namang magkaroon ng away nang sadyaing banggain ni Goyong si Rusca kung hindi sa pagpipigil ni Alejandrino.
Nakapagitna si Jose Number Two habang hinihila ng magkabilang grupo ang mainitin nilang hari-harian. Si Mascardo’t Janolino kay Goyong, at ang magkapatid na Bernal kay Rusca. Uhaw sa away ang dalawa. Pero sa away lang ba talaga?
“Tangina nito ah.” malutong na mura ni Ed. “Mier da.”
“Seryoso ako sa showdown bukas, Rusca.” pagbabanta ni Goyong.
“At seryoso rin akong ‘di kita uurungan.”
Sa loob ng classroom, napailing na lamang at napabuntong-hininga ang mga natirang sina Miong, Pole, Paco, at Joven. Mukhang iba yata ang kahahantungan ng sorpresa nila kay Sir Tonio. Mukhang sa principal’s office na naman ang bagsak nila.