Creating Rainbows
Chapter 3
*KAPE AT BAGONG KAIBIGAN*
Minsan napapaisip ako. Ano nga bang meron sa mga coffee shop, tea shop, foodcourt, tindahan sa kanto, upuan sa labas ng bahay, at upuan sa tabi ng barbecue-han? Bakit gustong gusto natin tumambay?
Naisip kong mag mall ngayon at tumambay sa isang sikat na coffee shop. Boring sa bahay. Sabado pero busy ang halos lahat ng mga kaibigan ko. Lahat ng yayain ko, kung may sarili ng lakad o may pasok pa sa mga trabaho nila, eh mga tamad din lumabas at gumastos ng konti.
Iniiwasan ko rin ang kuya ko. Simula nung isang linggo, simula nung umuwi ako galing ‘don sa audition na hindi ko tinapos, medyo nagkasagutan kami. Hindi naman sigawan pero alam kong na disappoint siya. Naipaliwanag naman niya na gusto lang niya ‘ko makitang umasenso at gawin talaga ang nababagay saakin. Alam ko naman ‘yon eh.
Simula nung nagkahiwalay ang magulang namin, at umalis si mama kasama ng bago niyang nobyong briton, kami na lang ni kuya ang magkasama. Umaga’t gabi, kami na lang ang nagaalaga sa isa’t isa. Masama ang loob namin pareho sa magulang namin. Nagkahiwalay kasi sila dahil naghanap ang Papa namin ng iba, nung nalaman ni Mama ang nangyari, wala siyang ginawa, hindi siya lumaban para saamin o para sa pagmamahal niya kay Papa. Hindi ko alam kung manhid na lang talaga silang dalawa o pinagusapan na ba nila ang ganung set up noon pa. Pagkalipas lang ng anim na buwan, ipinakilala naman ni Mama ang bago niyang boyfriend, isang Briton, na nakilala niya sa Sunday Group nila ng mga kaibigan niya nung College. Di kami naniwala, pero hanggang sa nadadalas na ang pagtira at pagtulog ng boyfriend ni Mama sa bahay. Kaya iyon, lumayas si kuya, at sumunod ako sa kanya. Simula noon, hindi na kami ulit nagkasama-sama. Kinokontak parin ako ng nanay ko paminsan minsan, pero ako lang nakakausap niya, dahil tatlong taon ng nakakalipas, hindi parin napapatawad ni kuya ang mga magulang namin. Kaya ngayon, siya na halos ang nanay at tatay ko.
Alam ko naman na gusto lang ng kuya ko na mapabuti ako at suportahan ako sa mga gusto ko. Pero, hindi ko talaga kaya. Hindi ko talaga kaya pa sa ngayon. At ‘yon ang hindi pa niya maintindihan. Buti na lang, may tambayang ganito, wala kang kakilala, uupo ka lang sa isang tabi at pwede ka na magpalipas ng oras.
Marami-rami rin ang mga tambay-ers ngayon ah. May mukhang nag da-date, may mga magbabarkada, may mukhang nagso-solo at teka, pamilyar sakin mukha ‘non ah. Saan ko nga ba siya nakita?
Kimberly. Audition. Mayabang. Cute.
Ah siya nga. Akalain mo nga naman, siguro taga dito lang siya. Lapitan ko kaya? Kawayan? Tawagin ko kaya? Awkward. Makilala kaya niya ako? Wag na nga lang, baka sabihin feeling ko close kami.
Sige na nga. Lapitan ko na. Wala na mang mawawala.
“Kimberly, right?” Naks. Casual.
“Yes?”
“Di mo na ba ako natatandaan? Diba nasa audition ka din last week?”
“Oh my God! Ikaw yung wala sa sariling hindi na bumalik sa audition. Lagot ka, hinahanap ka ni Claire!” Sabay ngiti.
Cute ka naman pala eh.
“Oo na! Ako yun. Francis.” Inabot ko na kamay ko for shake hands. Para gentleman ang dating.
“Hi Francis. Upo ka. Baka tumangkad ka lalo.” Aba, marunong din palang mag biro si ms.yabang.
“Salamat. Ginagawa mo dito?” Tama bang tanungin ko ‘yon? Relax Francis!
“Wala naman. Tambay lang. Mainit sa bahay eh. Palamig lang. Ikaw?”
“Ganun din. Tambay. Boring sa bahay.”
“Ah. Oo nga eh. Hindi ko alam if weird pero, mas gusto kong nagoobserve lang. Ewan ko ba. Nakakarelax minsan tumingin lang sa pinto ng mga papasok at lalabas ng coffee shop. Weird ‘no?”
“Medyo. Parang may inaabangan. Ganon?”
“Pwede. Teka, ano palang nangyari sayo? Bakit hindi ka na bumalik?”
“Ah eh, ano kasi. Ang totoo, hindi ko pa kayang mag audition. Medyo, kinabahan ako ng sobra, kaya ‘di nako tumuloy.”
“Seryoso? Ano ka ba! Dapat hindi ka kabahan kung gusto mo na makuha.”
Here we go.
“Baka nga ayoko ko pang makuha. Nakakahiya naman kung hindi ako magpapakipot ng konti.”
“Wow ha. Ikaw na ang nagpapakipot. Ganon ka ba kagaling? Nakakahiya nga sayo!”
Sabay kaming tumawa ng malakas. Kaya ko naman pala sakyan ang confidence nitong si Kimberly. Okay siya.
“Gusto mo pa ng coffee? O-order na kita.” Mukhang mapapahaba ang kwentuhan namin.
“Talaga? Sige. Thanks.”







