Isang taon na naman ang lumipas, di ko pa rin alam ang gagawin ko at sa daang tinatahak ko. May patutunguhan ba ako? Natatakot ako sa hinaharap, ilang taon pa ang lilipas at kailangan ko ng tumayo sa sarili kong mga paa, kailangan ko ng tumayo at umagapay sa mga taong umagapay saakin sa mga nakalipas na panahon at umagapay sa mga kapatid kong kailangan rin ng agapay. Pero anong ginagawa ko? Isa akong tamad, Irisponsable at walang kwentang tao. Sarili ko lang ang iniisip ko at ang katamaran ko. Takot ako sa hinaharap pero wala akong ginagawa para harapin ang kinatatakutan ko. Takot ako sa mundo. Takot ako sa kahihinatnan ng mga ginagawa ko ngayon. Alam kong dapat na akong mag simula at kumilos, upang pangunahan ang takot na matagal ng nananahan at gumugulo sa isip ko. Pero saan? saan ako tutungo? may daan akong tinatahak ngunit pikit ang aking mga mata at sarado ang aking mga tenga. Tikom ang aking mga braso at sarado ang aking isipan. Paano ko yayakapin ang isang bagay na di ko minamahal? Paano hahagkan ang aking kapalaran? Paano ang hinaharap kung ang aking ngayon ay nalilito at walang patutunguhan?
















