Madrid, Día Primero
Hapon na nang dumating ako sa España. Bumaba ako ng eroplanong kumakabog ang dibdib sa naghahalong takot at sabik. Unang pagkakataon ko noong mapalayo sa Pilipinas nang mag-isa, at hindi pa ako bihasâ sa Español. Nakatatakot ang pag-iisa sa isang kakatwang lugar. Subalit ninais ko iyon, ang lusunging mag-isa ang nakalalaking mundo. Nararamdaman ko ang takbo ng panahon; kailangan kong makita ang daigdig. Kaya inalaala ko marahil ang hiyaw ng mga iskô – matatapang, matatalino, walang takot. At buhat-buhat ang mga gamit kong buhat pa sa Filipinas ng Ultramar, sinuong ko ang lamig ng hangin ng Madrid. Humingang malalim. Dama ang bahagyang kirot ng kurot ng banyagang taglamig, napagtanto ko – dito nagsisimula ang sapalaran.
Turistang-turistang bumaba akong bitbit ang mga gamit ko sa Calle Cañizares, isang maliit na kalsadang tumatarak sa tagiliran ng Calle de Atocha. Narito ang tinuluyan kong hostel, isang gusaling nakikipagsiksikan sa munting kalyeng iyon, katabi pa ng isang simbahang maliit. Kilala ang Cat’s Hostel, mahusay mag-Ingles ang mga kawani, at higit sa lahat, may mabilis at libreng wi-fi at mga komputadorang mahihiram. Nasa Dubai pa lamang ako, alam ko nang ipinagkanulo ako ng Globe – walang kasignal-signal ang selepono ko, bagaman inaasahan ko pa naman sana ang roaming. Kaya pagkalapag na pagkalapag ko sa mga gamit ko sa pang-anim na taong silid na aako ang gumamit, nag-internet agad ako upang ipaalam sa mga nag-aalala ko nang mahal sa buhay na oo, nasa Madrid na ako, buháy at handa nang gastusin ang salaping ipinagkatiwala nila sa akin.
Humahaba na ang mga anino nang makalabas ako sa hostel, at tinahak ko ang kahabaan ng Calle de Atocha hanggang magtagpo sila ng Paseo del Prado. Ang mga gusali ang una kong napansin. Anila, talagang napakaganda ng arkitektura sa España. Totoo nga, manghang-mangha ako sa mga mukha ng mga gusali, puno ng masasalimuot na disenyong nililok sa bato. Malalapad din ang mga bangketa ng mga daan kaya ligtas kong natititigan ang mga tanawin sa paligid. Napakasarap pang maglakad dahil hindi mainit.
Humantong ako paglaon sa Paseo del Prado, isang napakahaba at napakalawak na lansangang lumalagos sa gitna ng Madrid. Parke ang nagsisilbing island ng lansangang ito – liwasang nililigiran ng mga puno at pinapalamutian ng mga fuente. Napakalawak din ng mga bangketa sa magkabila nitong panig, na malilinlang kang wala ka sa pusod ng isang abalang lungsod, lalo’t nasa tabi mo lamang ang Real Jardin Botanico.
Nakalulula ang lawak ng Real Jardín Botánico. Aasahan mong lalamunin na ng lungsod ang ganitong lungting espasyo sa pusod nito, subalit nakatindig ang mga puno ng harding ito laban sa daluyong ng bato at usok. Maaliwalas sa loob, malayo sa ingay ng abalang mundo at tanging ang mga bumubulong na dahon at ang batong kumakaskas sa ilalim ng mga lagalag na paa ang maririnig ng hapông kaluluwa. Halaw sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang mga halamang itinatampok nila dito, sa bawat bahagi ng harding kabigha-bighani. Maaari akong magtago rito, kung dito lamang ang nakatira, kung ibig kong takasan ang magulong araw-araw. May mga bangkông mapagpapahingahan, mga fuenteng mapagmumunihan, at may kalabit pa ang bansang nilisan sa anyo ng isang halamanang pawang mga supling ng mundong tropikal ang nakatampok. May Nepenthes pa ngang mula sa ilang nating mga bundok.
Kailangan natin ng ganitong mga espasyo sa Pilipinas. Sa dinami-rami ng magagaya sa ibang bansa, bakit hindi natin nagagaya ang mga marapat tularan? Unti-unti nating sinisira ang paligid, na kahit mga halaman natin, OFW na rin.
Walang museong maihahalintulad sa Museo del Prado ang Pilipinas. Isa ang Prado sa dakilang tatsulok ng sining ng Madrid. Napakalaki nito kung aaninagin lang mula sa labas ngunit nang makapasok ako nang walang bayad dahil nag-aaral pa ako, nagulantang ako sa tunay nitong lawak. Nakalulunod ang Prado – gapalasyo ang laki at may pasi-pasilyong pasikut-sikot at daan-daang mga kwadro ang nangakasabit sa mga dingding nitong di kayang saklawin ng tanaw ang abot. Na kailangan palang planuhin ng pupuntang gipit sa oras ang tatahakin niyang landas. Aling kwadro ba ang pinakaibig makita? Sinong pintor ba ang nais kilatisin?
Pumunta akong hindi handa. Kaya nalihis pa ang tuon ko sa panandaliang tampok sa mga kwadro ni Goya, gayong hindi raw dapat pinapansin ng mga unang dalaw ang mga panandaliang tampok. Hindi ko talagang nagalugad ang buong laki ng Prado. Kaya nagtuon na lamang ako ng pansin sa mga galeriya sa unang palapag, lalo ang salang pinagsabitan ng Pinturas Negras ni Francisco Goya. Diumano’y una niyang ipininta ang mga ito sa mga dingding ng Quinta del Sordo, o Tahanan ng Bingi, bago tinuklap upang ilapat sa loneta. Upang kumalat ang itim na kumot nitong itinatabing sa araw ng pag-asa – mga mangkukulam, mapighating peregrinasyon, si Saturnong kinakain ang sariling anak. Sa lahat ng natanaw ko sa Prado, ang mga ito ang pinakatumatak sa akin.
Hindi ko nalibot ang buong museo; sulyap lang ang dalaw ko sa ikalawang palapag, at ni hindi ko napagmasdan ang Las Meninas ni Velazquez. Gayunman, sapat na marahil na napagnilayan ko ang pagkamatay ni Juana Loca, na nakabili ako ng isang sipi ng Saturno ni Goya, na hinayaan kong alunan ako ng lagim ng Pinturas Negras.












