El Duende
"Para Ralph, poeta Filipino, con mucho gusto de Alfredo." Nang sabihin kong taga-Filipinas ako, at isa ring makata, nangakislap ang kaniyang mga mata. Tinanong ako ng matandang makata kung sa Tagalog ba ako nagsusulat. Ani ko, por supuesto. Hindi pa raw siya nakararating sa Pilipinas, at malaon nang naninirahan sa Granada. Narito ang diwa ng kaniyang mga taludtod. Ngunit bakit ko naman ikinagulat na kilala ng isang matandang manunulat ang pag-iral ng Tagalog? Bahagi ng kaniyang kasaysayan ang aking pagkasakop. Bibili lamang dapat ako ng tubig bago maglakad pabalik sa pusod ng lungsod sa ilalim ng tanglaw ng tanghaling Granadino nang makita kong tampok sa estante ang mga aklat ng tula ng isang Alfredo Lombardo. Nasa bungad ako noon ng Museo de las Cuevas de Sacromonte, kapapakinig lamang sa rubdob ng musika ng flamencong umaalingawngaw sa loob ng malalamig na bahay-yungib. Kasing-aalab ng mga awitin ang-araw Andaluz, kasinlalim kung tumiim. Tila kontrapunto sa tahimik na pananaig ng kulay puti: mga munting gusali, ang mukha ng bundok, mga dingding ng binungkal na mga yungib. Pinulot ko ang lupon ng kaniyang mga soneto. Makatang Granadino iyan, anang barista. Malapit lang dito ang kaniyang bahay. Binili ko ang aklat. Hintay lang, anang barista sa akin. Wala raw siyang panukli. Pagbalik niya, may kasama siyang matanda, nakasombrero at makapal ang balbas. Ito ang makatang Alfredo Lombardo, pakilala niya sa akin. Kinamayan ako ng makata, pinasalamatan sa pagtangkilik at nagpakilala ako: kayumangging binatang nagsasalita ng kaunting Español, makata. Ibig ko pong lalong tumatas sa Español, at matutuhan ang panulaan ng España, ani ko. Maibigan ko raw sana ang kaniyang mga tula. Marahil, maisasalin ko sila sa Tagalog balang araw, tugon ko. Marami pa sana akong itatanong ngunit kinakapos ng mga salita ang dila kong nagsisimula pa lang tumatas sa Español. Nagpaalam na ako matapos kong mapalagdaan ang kaniyang lupon ng mga soneto. Tumawag lamang daw ako sa Museo kung ibig ko siyang makaugnay. Nagpasalamat ako nang ilang ulit. Hanggang noon, sumusulat pa rin daw siya ng mga tula. Doon, sa kanlungan ng duende ng kaniyang panulaan, patuloy na pinag-aalab ng makatupok-kaluluwang alindog ng Andalucia ang kaniyang mga taludtod. Hindi ito kataka-taka. Sa mga puting bahay-yungib ng Sacromonte rin isinilang ang flamenco Granadino, sayaw ng apoy na nagkatawang-tao, tugtugin at awiting umaapaw sa rubdob. Dito naglagablab ang nadadarang na damdamin ng mga morisko at hitanong pinalayas sa sinakop na lungsod ng Reyes Catolicos, kublihan ng kanilang bawal na kalinangan. Wala mang mapagkublihan sa init ng araw, kanlungan ng sining ang Sacromonte. Waring likas na pinagdiringas ang dibdib nitong lupain ng mga Garcia Lorca at Lombardo, sumasanib ang init sa katawan, sinasapian ng duende ang mortal. Hitik ang daan sa paanan ng Museo de las Cuevas de Sacromonte ng mga patalastas tungkol sa mga palabas ng flamenco sa gabi. Habang naglalakad pababa ng Sacromonte pabalik sa Albaicin at sa centro ng lungsod ng Granada, pinagnilayan ko ang kahulugan ng aking sining. Ibig kong manatiling maalab kahit hanggang sa pagtanda, gaya ni Alfredo, gaya ng mga mananayaw at mang-aawit ng flamenco, na lalo umanong pinagigilas ng gulang. Nakaugat lagi sa ating talampakan ang sining. Dito umaawit ang mga taludtod ni Alfredo; liblib man, kasintaal ng Sacromonte at ng Granada sa kaniyang diwa ang Alhambra sa Andalucia. Narito ang duende ng kaniyang sining. Tumatagaktak ang pawis ko sa lansangang walang lilim at lumilikaw-likaw pa ayon sa hubog ng Sacromonte. Pinangulilahan ko ang alinsangang may ginhawang dampi sa balat na bilad sa tanghaling tapat. Pagtingala ko, walang mga ulap na naglalayag sa bughaw na langit. Maaalaala ko ang himpapawid sa isang munting kapuluan sa malayong Silangan. Sa kaliwa, matikas ang blangkong mukha ng Palacios Nazaries ng Alhambra. Nakaukit sa lupa ritong hinahagkan ng araw ang kasaysayan ng kaharian. Humahalik ang araw sa balat na balot ng alinsangan. At nilalapnos ako ng tuyong hangin ng Andalucia. Tanto ko na; upang makatula, humanap ka ng lunang mauunawaan mo ang wika ng duende. At sa isang kapuluan sa malayong silangan, kinakausap ng punso ang aking puso, binabasbasan ng nuno, sinasapian ng duende ng lupaing tinatahanan ang kayumangging katawan. May mga katagang mabibigkas lamang sa basbas ng luad. Nang tanungin ako ng Lupalop at ng Tangway kung sa wika ng indio ba ako magsusulat. ¿Escribirás en Tagalo? Ani ko, oo.


















