Pabili po. Ano iyon? Edukasyon nga po.
Napanuod mo na ba ang pelikulang Misedukasyon? Kung hindi pa panoorin mo muna ito bago mo basahin ang aking sulatin. Hiling kong hindi mo pagsisihan ang pagsasantabi dito.
Hindi man maaksyon ang Misedukasyon tulad ng Avengers, maiintindihan mo naman kung paano naging robot ang mga Pilipino higit na ang mga nakapagtapos. Hindi rin ito palabas na may romansa o madamdaming istorya ngunit ipaparamdam nito sa iyo kung gaano kalungkot at nakakapanghinayang ang ilang dekadang walang mainit at maalab na pagmamahal ang mga Pilipino sa bansang Pilipinas.
Mayroong kikirot sa iyong puso at kaisipan pagkatapos ng palabas. Ito ay hindi dahil sa dalawang irog na pinaglayo ng kapalaran ngunit kung paano ang edukasyon mula elementarya hanggang kolehiyo ang naging daan upang mawalan tayo ng tiwala at pagmamahal sa ating bayan.
Isang nakatutuwang bahagi ng Miesdukasyon ang pumukaw sa aking interes. Ito ay isang ina na nagbigay ng panayam hinggil sa kahalagahan ng edukasyon para sa kanilang hindi nasa mataas na uri ng lipunan. Nais niyang makapagtapos ang kaniyang anak upang magkaroon ng magandang hanapbuhay at paninindigan sa kaniyang sarili.
Ikaw, minsan ba naitanong mo muna sa iyong sarili kung bakit mo pinag-aaralan ang nasa teksto ng libro o ang sinulat ng guro sa pisara? Naranasan mo na ba magtaka sa kahalagahan na pag-aralan ang mga Ingles na may-akda ng mga babasahin at ang Griyego o Romano na Pilosopo? Bakit mo nga kakabisaduhin ang mga pormula kung hindi mo naman ito gagamitin sa iyong pagtanda?
Sa pagitan mo na nag-aaral sa eskwelahan at sa isang ina na hangad na magkaroon ng paninindigan ang kaniyang anak, sino ang tunay na mataas ang uri? Sino ang nagpamalas ng mas mataas na kaisipan at konteksto?
Ang Misedukasyon ang malaking sampal sa ating mga Pilipino kung bakit mali at hindi katanggap-tanggap ang sistema ng ating edukasyon. Itinugma natin sa pangangailangan ng mundo at mga kapitalista ang isipan ng ating kabataan. Kung gayon, bakit pa natin sasabihing "kabataan ang pag-asa ng bayan"? Hindi ba napalitan na ito ng "kabataang Pilipino ang pag-asa ng ibang bayan"? Dahil hindi na interes ng Pilipinas ang nakatatak sa kanya kundi imahe na ng kanyang among bansa.
Sinabi ng guro ko sa elementarya na higit na mas maganda ang kalidad ng edukasyon ng kahit anong pampublikong institusyon at paaralan at nang mga panahong iyon hindi ako naniniwala.
Mayroon silang sariling libro at sulatin ibig sabihin mas matututo sila kaysa sa akin. Nasa erkon silang silid ibig sabihin mas kumportable silang mag-aral kaysa sa akin. Ngunit mali pala ang aking pananaw.
Dahil ako mismo nakaranas na magtaka sa asal ng karamihan sa mga estudyanteng galing sa elitistang paaralan.
Una, hindi sila sanay sa hirap. Kaya nang magtaas ng matrikula noong 2008, 2011 at 2016 ay walang magawa ang mga magulang kundi ipalipat ang kanilang mga anak sa pampublikong paaralan. Pangalawa, hirap silang magsalita ng Tagalog.
Sa paanong paraan gusto mong kausapin kita?
Umabot man ng 94 o 95 ang grado mo sa Ingles kung 80 o 81 naman ang grado mo sa Filipino, anong ikinaganda noon sa report card mo? Kung lilipat ka ba sa bansang Ingles ang pangunahing salita, saan ka dadalhin ng iyong maarte at slang na salita? Minsan nga pilit lang at Taglish pa. Nakakahiya. Umuwi ka sa bahay niyo at pag-aralan ang iyong Inang-wika.
Pangatlo, ang isip kolonyal ng mga Pilipino. Naging sakit natin na maging pamantayan kung ano ang kagandahan sa ibang bansa, ang usong kanta sa ibang bansa, ang teknolohiya sa ibang bansa. Tingin ng iba kung hindi ka nakailalim sa pamantayan ng mga bansang ito, nahuhuli ka na o wala kang alam sa mundo.
Ang aking kaklase muli sa elementarya ay biktima ng kolonyal na pagsakop sa ating mga kaisipan. Pinagdala kami ng kapote at bota dahil panahon na ng tag-ulan pero sinuot niya pa rin ang imported at mamahaling sapatos.
Ano sa tingin mo ang nangyayari sa taong ipinipilit ang hindi angkop para sa kanya?
Iyon tayong mga Pilipino.
Hindi natin mapalaya ang sarili sa mga limitasyon dahil nakatali pa rin tayo sa IMF-World Bank. Napipilitan tayong sundin ang kanilang pamantayan, batas at polisiya sa politika, ekonomiya, teknolohiya, kultura at edukasyon.
Sino ngayon ang mukhang tanga?
Naiwan na tayo ng makabagong panahon dahil nakaposas tayo sa kolonyalismo, komersalisasyon at elitistang katangian ng ating edukasyon.
Binibili natin ang sarili nating karapatan. At inuutang natin sa kanila ang pribilehiyo na dapat kaya nating ibigay sa ating mamamayan.
Kung mayroon lang reporma at tuluyang mababasura ang Batas Pambansa 232 o Education Act of 1982, hindi na isang bilihin ang edukasyon sa tindahan ng inyong kanto.
Ibasura natin ang Higher Modernization Act of 1997. Bakit ba humantong sa hawak na ng mga pribadong korporasyon ang ating mga Pambansang Unibersidad?
Sino ba nagsulong ng Executive Order 210 na gawing English ang kasangkapan sa pagtuturo mula sa unang baitang? Kilala mo ba kung sino ang Presidente ng Pilipinas noong 2003 nang mapirmahan at maipatupad ang batas na ito?
Gumawa ka ng bidyo at i-post mo sa Facebook at Youtube at sabihing ang “I am Sorry”.
Kung susuriin muli ang talaaralan o curriculum mula elementarya hanggang kolehiyo at ililihis ito sa kaisipang nasyonalismo, ilang Pilipino kaya ang babalik ang tiwala at kumpyansa sa ating bansa?
Kung isusulong natin ang "transformative education" na sinabi ni Principal Cordero sa palabas, ito kaya ang magsisilbing mitsa ng malawakang pagbabago na hiniling at pinangarap din ng mga nauna nang nilisan ang mundo?
Ipapanganak at mamamatay na lang ba tayo na ganito na lang? Na ganoon na lang?
Para sa akin, mahirap ang daan ng pagbabago dahil nandito na ang paglobo ng populasyon, globalisayon, malaking utang pinansyal, maging utang na loob sa mga dayuhan at pagkaubos ng ating likas yaman.
Ngunit kung ating pagsisikapang linangin ang kaisipan ng kabataan gamit ang tamang talaaralan ng edukasyon na nakabatay naman sa pangangailangan ng Pilipinas, imposible ba talaga? O takot sa pagbabago ang ating nararamdaman?
Sino ba kasi ang pinaka-takot sa reporma ng ating edukasyon?
Kaya natin kung maraming utak ang gagana at magtutulungan ngunit kung hahaluan ito ng pansariling interes at dayuhang pangingialam baka nga rebolusyon na tulad ng ideolohiya ni Karl Marx ang kailangan natin at hindi na reporma sa edukasyon.
Bakit ba binibili ni Juan Dela Cruz ang edukasyon kung ito ay kanya namang karapatan? Huwag natin isara ang ating sarili sa tunay na pag-unlad at pagbabago. Gamitin natin sa tama ang ating edukasyon .













