Out of Order/Disorder: Psychopathology ng Schizophrenia/Kabaliwang Pilipino sa Panahon ng Piniratang Kapitalismo o Mala-Malang Lipunan
Schizophrenia ng Eleksyon
kabaliwan ng Pilipino
- ang pekeng eleksyon
+mga pekeng botante
+mga pekeng kandidado
+mga pekeng proseso
ang pinakamatingkad na katangian ng isang demokratikong bansa ay ang pagkakaroon ng eleksyon. Sa pamamagitan ng eleksyon, makakaboto ka. Makakapaghalal ka ng mga pulitiko na tutulong at magbibigay ng solusyon sa problema ng Pilipinas. Makakapili ka ng pinakamahusay at pinakamatatalinong mga kandidato. Sa ngalan ng eleksyon mauubos ang korupsyon. Mawawalan ng trabaho ang mga military at mga parak. Wala nang maghihirap. Wala nang mga pulubi sa gilid ng mga oberpas na nakakaharang sa daan. Wala nang mga paslit na papara at biglang magpapahid ng basahan sa mga paa at binti. Wala nang mga taong grasa na nagpapagulong-gulong sa mga sidewalk. Wala nang loka-lokang mga babae na paulit-ulit na nagsasalita at natu-trauma sa pang-a-abuso o panggagahasa sa kanila. Wala nang mga iskwater na magsisiksikan sa Maynila, sa ilalim ng tulay sa tabi ng riles, sa karatig ng erport at mall. Wala nang magugutom na mga bata na magra-rugby. Wala nang magsa-shabu para makatakas sa problema. Wala nang magtatago sa pangbabae, pagsusugal, at pag-i-inom para hindi mapahiya sa mundo. Wala nang pangangailangan sa rebolusyon. Wala nang aakyat sa bundok. Wala nang mamamatay sa kahirapan. Pero ito ang mababangong panaginip ng demokrasya at ilusyon ng eleksyon. Ilang beses na bang nabigo ang mga Pilipino. Ilang beses nang umasa na may magbabago. Ilang beses nang nangarap nang mas magandang bukas. Pero ilang beses na rin nagising sa katotohanan at walang magawa kundi ang magpartisipeyt sa ritwal ng eleksyon at pagboto. Walang hanggang pagpila sa rasyon ang eleksyon. Bago ka pa makarating sa dulo ng pila, ubos na ang binibigay na lugaw o tuyo.
Madami na naman babangon sa kani-kanilang mga puntod at musuleo. Ngayong sasapit na naman ang spektakulo ng eleksyon. Ang pista ng pagboto at mga kandidato. Maaga pa lang nagsisimula na ang kasiyahan at pistahan ng eleksyon. Sa Pilipinas, lahat ay nagsasaya kapag sasapit na ang eleksyon, ang bisperas ay kung kelan nagsisimula ang pangangampanya. Nagkakabit ng mga mukha sa mga pader, mga jeep na may maiingay na serena at mga taong nagkalat sa kalsada at nagkakalat ng mga bandera. Bago pa ang bisperas, tinutuklap na ang mga daan at mga kanal, marami na ang nakabughaw na uniporma at nagbabarena ng kalsada, tatagal ito nang kung ilang buwan hanggang sa maipaskil ang pangalan ng mga taong ni isang araw ay ni hindi napadaan sa ginawang daan. Dumalaw nang maaga pa lang ang mga tao na nagbabalak na tumakbo sa susunod na halalan sa mga inuman, kainan at patayan, nag-a-abot ng baryang palet, kalakip ng sobre at pagtatakwil. Maraming nangyayari, bago habang at pagkatapos ng halalan. Maraming mga pangarap ang napapako at nababaon sa limot pagkatapos. Ang mga proyekto na nilalatag, mga plataporma na kinakabisa at sinisulat sa mga pekeng papel. Ang presinto ay puno bago pa ang aktwal na botosanan. Mayroon nang nagbabantay sa mga balota bago pa ang eleksyon. Ang mga batang nanghihingi ng mga kendi at minatamis ay nakakakuha, mga libreng supot ng mga halo-halong kung anu-ano. Mga libreng tshirt ng mga pangalan at mga mukha ng mga taong hindi kilala, dun lang nila nakita. Maraming mga larawan at gumagalaw na galamay na nagpapakalat ng mga pangako. Nagbibenta ng mga ideya kapalit ng mga boto. Binabaliktad ang pagsasalita sa paggawa. Sinasabing gamitin ang utak sa pamimili, paano kung wala naman talagang pamimilian. Madaming tumatakbo, pero mas maraming bumoboto nang nakaupo. Mas masarap magpataba ng bayag at magbilad ng mani kaysa magbanat ng buto at maglakad at gumalaw hanggang sa kabilang kanto. Mula sa barangay, lahat ay nakakakita paano ginagawa ang eleksyon. Mula sa pagrerehistro, hanggang sa pagbibilang ng mga boto. Pero habang lumalawak ang sakop ng botohan at tumataas ang antas ng eleksyon, unti-unting lumalayo ang pagitan ng aktwal na partisipasyon at simulasyon. Hanggang makaakyat sa pinakamataas na klase ng bilangan, tapos na ang lahat bago pa nagsimula ito.
Who wants to be a millionaire
Nakakailang eleksyon na , anong nangyayari sa parada ng mga kandidato na lumalabas lang kung malapit na ang eleksyon at nawawala na lang pagkatapos. Parang mga pagong na lulubog, lilitaw lang ang ulo depende kung ano ang modo. Maraming mga artista ang tumatakabo sa pulitika. Maraming mga pulitiko na nagiging artista. Ano ba ang di kayang gawin ng mga artista na kaya ng mga pulitiko? Ano naman ang di kaya ng mga pulitiko na kayang gawin ng mga artista? Ang pulitika at showbiz sa Pilipinas ay iisa lang. Kelangan mong umarte sa pulitika. Walang permanenteng kaaway at kabigan sa showbiz. Sa pulitika iba ang sinasabi sa ginagawa. Ang mga artista nagbibenta ng mga mukha sa kanilang mag pelikula. Ang mga pulitiko naghahakot ng limpak-limpak galing sa kaban. Habang ang mga artista ay tumatabo sa takilya. Parehong galing sa masa. Parehong pangloloko at pinagbobola ang masa. Parehong kumukuha at nagnanakaw sa masa. Anong balik? Mga proyektong hindi matapos tapos? Mga pelikulang pang-aliw para makalimutan ang pagkalam ng kalamnan. Mabisang anestisya ang eleksyon at pelikula sa nabuburyong nang utak ng mga Pilipino. Habang napapako sa balota ang mga tao sa eleksyon. Napapako sa mga silya ang mga tao kung nanonood ng mga pelikula ng mga paborito nilang artista.
Ang mga pulitiko ay mga artista sa entablado. Ang mga artista ay mga pulitiko sa kanilang mga pelikula.
Para ano ang proseso kung sa huli, maaari din naman palang lumampas sa pila at kumain nang nauuna. Ito ang istorya ng bawat pagsugal ng mga tao sa pagpili ng pulitiko A at pulitiko B. Ang pagboto ay hindi lang pagpili, kundi ang pagboto ay pagbili. Pagbili ng mga ideya at pangako ng mga pulitiko. Ang eleksyon ay malaking spektakulo kung saan mas masarap ang manood. Mahirap malunod sa ganitong mundo, ang mundo ng pasibong paggalaw. Ang paggalaw na hindi paggalaw. Ang paggalaw na depende sa iba. Ang pagpapasya sa paghalal ay nagawa na bago pa man ang aktwal na pagboto. Ang eleksyon ay institusyon ng representasyon. Ang paglalagay ng tiwala sa kamay ng iilan at pagsasabi na pusible ito sa ngalan ng eleksyon. Hindi direkta, ang karanasan ay hindi tumatagos sa kamalayan. Dumadampi lamang ang proseso sa ulikbangon ng alala. Sa mga laylayan ng gunita, nanatili ang pag-asa ng mga taong naniniwala. Sa huli, uulit uli ang proseso ng pag-imbento ng panibagong mga idolo. Sasambahin, pag-a-aksayahan ng panahon. Sasambitin ang mga pangalan bago matulog, maging pagkatapos. Kung kinakailangan, mayroon mga panaka-nakang mga pag-aalay kung magkaroon ng mga sakuna, salot at kalamidad. Ang mga ideya na pagmamaniobra ng mga buhay ng mga indibidwal na mga hibla ng malaking hinahabing istorya ng demokrasya. Binubuo ng mga himaymay ng eleksyon. Ang eleksyon, ay isa lamang maraming spektakulong ginagawa ng estado. Ang eleksyon ay institusyon ng maraming mga phantasmagoria, laro sa usok at liwanag. Walang nasa likuran nito o nasa tabihan, maging sa ilalim nito. Ang eleksyon ay purong ilusyon. Sampu ng pinanggagalingan nang lahat ng mga pinaghihinalaang kalayaan matatagpuan sa likuran ng estado.