Matagal ko itong binuo.
Ibinuhos ang lahat ng lakas maipakita lamang ang magandang obra. Ngunit bigla siyang dumating, nagpaalam naman siyang gusto niya itong sirain.
Pero nag-iwan muna ako ng tanong sa kaniya,
"Maganda ba?",
marahan kong tanong.
"Maganda.",
kitang-kita sa kaniyang mukha na nagustuhan niya rin kung paano ko ito binuo.
"Maganda pala bakit guguluhin?",
pahabol kong tanong sa kaniya.
Hindi na siya sumagot.
Hindi na rin siya nagpapigil, agad-agad niya itong ginulo nang hindi nag-iisip.
Matapos niya itong guluhin bigla siyang umalis. Na para bang iyon ang intensyon—sirain ang buo na.
Pinigilan ko siyang umalis.
Naki-usap na baka puwedeng buuin niya ulit ang sinira niya. Bago tuluyang umalis, baka puwede ibalik niya ang dating buo; kahit hindi na kasing ganda kagaya nung una.
Huwag niya lang itong iwanan na magulo.
Dahil dumating siyang buo, sana umalis siyang buo pa rin.
— Isiey | BRICKS | 07062024











